Mapanganib na information campaign

0
1121

WALANG humpay ang pagpapahiya ni Mocha Uson, katuwang na kalihim ng Presidential Communications Operations Office, sa kaniyang sarili at sa mga taong nagtitiwala sa kaniya.

Isang harap-harapang pambabastos, pareho sa mga tagasuporta ng pederalismo at hindi, ang ‘di kaaya-ayang laman ng isang video ni Uson na naglalayong magbigay ng impormasiyon tungkol sa federalismo.

Ilang araw matapos sabihin ni Consultative Committee (Con-Com) spokesman Ding Generoso na maaaring makatulong si Uson sa binabalak nilang information drive, kumalat sa social media ang nasabing video, kasama ang isa pang blogger na si Drew Olivar, na sumasayaw sa tono ng gawa-gawang kantang may mga linyang, “i-pepe, i-dede, pederalismo.

Ginawang katatawanan ni Uson, isang opisyal ng gobyerno na pinapasuweldo ng taumbayan, ang usaping nangangailangan ng seryosong pag-aaral. Isa na naman itong patunay na wala siyang magiging ambag sa kahit anong diskursong nangangailangan ng malalim na pang-unawa.

Agad namang pinuna ng Con-Com ang video nina Uson at dinepensahan ang plano nilang information drive.

It is certainly not the way to present federalism. It is not a part of the information campaign which is still being crafted,” wika ni Generoso sa inilabas na pahayag.

Ngunit hindi naman nakagugulat na hindi man lang sinubukan ni Uson na patunayang makatutulong siya sa pagsulong sa pederalismo. Mas nakagugulat pa na mayroon pa ring mga taong patuloy na naniniwala sa kanya.

Nagtangka pa si Uson na depensahan ang video. Matagal na raw nilang ginagawa ni Olivar ang “game show” at hindi ito parte ng binabalak na information drive ng gobyerno. Dagdag pa niya, wala siyang nakuhang pera sa paggawa nito.

Hindi naman komplikado ngunit tila hirap si Uson na unawain kung bakit hindi tama ang kaniyang ginawa. Siya ang representasiyon ng isang taong hindi dapat tularan ng mga nanunungkulan sa gobyerno.

Pangangatwiran pa niya, gusto lamang nila ni Olivar na mas pag-usapan ng taumbayan ang pederalismo. Ngunit ang tanging pinag-uusapan lang ay ang kaniyang kamangmangan at ang malaswang sayaw na kinabit nila sa uri ng pamahalaang isinusulong ng administrasiyon. Pinag-uusapan na ito dahil sa mga maling kadahilanan.

Sa isang bansang ang mayorya ay hindi pamilyar sa konsepto ng federalismo, nararapat na maging maingat ang mga taong may impluwensiya, gaya ni Uson na may mahigit sa limang milyong followers sa kaniyang Facebook page, sa kung ano ang ipalalaganap nilang impormasiyon tungkol sa mga ito.

‘Di maikakaila na hindi sapat ang kaalaman niya sa adhika ng pamahalaan, ngunit malakas ang kaniyang loob na magtangkang ipaliwanag ito sa kaniyang milyon-milyong mga manonood.

Ayon din kay Uson, ang Filipinas na lang ang nag-iisang bansa sa Silangang Asya na may pamahalaang unitary. Dapat siguro’y matutunan muna niyang magberipika ng impormasiyon bago pa siya magsagawa ng kaniyang mga “game shows.”

Sa panahong pilit na isinusulong ang pagpalit ng konstitusiyon, hindi dapat inilalapit kay Uson ang anumang mga adhikain, maliban na lang kung nais itong maging isang malaking kalokohan.

Pruweba ang pagtangka ng Con-Com na isali si Uson sa information drive na magiging kapalpakan ang kahit anong binabalak ng pamahalaan kung paliligiran ito ng mga bulag na tagasuportang tulad ni Uson.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.