PAANO nga ba masusukat ang pagka-Filipino ng isang Filipino?
Marahil isa sa mga madalas nating marinig ang pagmamahal sa sarili nating wika. Iba’t ibang paraan ang ginagawa para maipakita na tinatangkilik natin ang wikang sariling atin.
Isa na riyan ang mga talakayan sa mga silid-aralan kung saan pinag-uusapan kung gaano kahalaga na mapayabong ang wikang Filipino.
Pero, gaano katotoong nauunawaan ng lahat ng mga estudyante ang kahalagahan ng wikang Filipino kung pagdating pa lang sa pag-intindi sa diwa nito ay kulang na?
Winika ni Virgilio Almario, dating tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), mahalaga na maunawaan ng mga Filipino ang pagkakaroon ng isang “isang intelektuwalisadong wikang pambansa.”
“Anupa’t ang Filipino bilang wikang pambansa ay kailangang magparangalan sa lahat ng maipagmamalaking sariling karunungan samantalang nag-aangkin ng mataas na kakayahang ibukas ang pinto ng makabago’t progresibong karunungan para sa lahat ng nais gumamit,” wika niya.
Dagdag pa niya, kinakailangang magamit ang wika sa iba’t-ibang larang upang tumaas ang antas nito at patuloy na umunlad.
Isa sa mga pagsisikap na isinasagawa ng ahensiya ang propesyonalisasyon ng pagsasalin na hindi pa ganap na kilalang larang at nakikita bilang isang karaniwang kakayahan.
Kasama ng KWF ang UST sa pagsisikap na ito at nito lang Agosto ay ganap nang operasyonal ang Sentro ng Salin at Araling Salin sa Unibersidad.
Ayon kay Wennie Fajilan, tapag-ugnay ng Sentro, mahalagang maisulong ang propesyonalisasyon ng pagsasalin sa bansa.
“Magandang pahalagahan ‘yong pagsasalin bilang isang mas mataas na appreciation sa wikang pangkalahatan, hindi lang sa Filipino kundi sa lahat ng wika sa mundo. [L]ahat ng uri ng salin ay kailangan ng pagpapakadalubhasa. Kailangan na mayroong mga eksperto at pagsasanay,” wika ni Fajilan.
Pero tulad ng nabanggit ni Fajilan, nakapaloob sa propesyonalisasyon ang “pagpapahalaga” at “pagpapakadalubhasa.”
Hindi ganap na maaabot ang propesyonalisasyon kung mismong mga tao ang hindi nagpapahalaga sa mga akdang isinalin. Kasama na rin dito ang tamang kompensasyon o kabayaran sa isang “highly technical skill” na isinagawa ng mga tagasalin.
Ayon kay Almario: “[K]ung ano lang ‘yong limos na ibigay ng nagpapasalin, ‘yon iyon. Walang professional fee talaga. ‘Di kamukha ng doktor, pagka-professional fee, hindi bababa sa 500 tingnan ka lang, gano’n.”
Sinang-ayunan naman ito ni Fajilan: “Karamihan sa mga nagsasalin, kung hindi man sila nabibigyan ng bayad, kasi minsan thank you lang, so, propesyonal ka ba kung hindi ka binabayaran?”
Isa rin sa mga pagsisikap ng Sentro ang pagsasalin sa larang ng agham at medisina para sa masa. Sa ganitong paraan, mas mauunawaan ng mga Filipino ang mga siyentipikong terminolohiya dahil nasa pamilyar itong wika.
Paliwanag ni Fortunato Sevilla III, propesor emeritus ng kimika sa Unibersidad, hindi madaling gawain ang pagsasalin ng mga saliksik sa agham at medisina patungo sa wikang Filipino pero malaki ang pangangailangan dito.
“[S]a agrikultura, kita nila ang pangangailangan, dahil kailangan nilang ipahatid sa mga magsasaka ang kanilang kaalaman at hindi ito puwede sa salitang Ingles,” wika ni Sevilla.
Kinakailangan na magmula mismo sa mga siyentipiko ang pagsasalin sa mga termino sa mga larang na ito, giit ni Sevilla.
Sa pag-usbong naman ng teknolohiya, nariyan din ang mga pagsisikap na magamit ang wikang Filipino.
Noong pagtatapos ng Buwan ng Wika ngayong taon, inilunsad ng Google Philippines ang pagdagdag ng wikang Central Bikol, Koronadal Blaan, Rinconada Bikol, Chavacano, Cebuano, Capiznon, Cuyonon, Hiligaynon, Ilocano, Itawit, Kankanaey, Kinaray-A, Maguindanao, Maranao, Pangasinan, Kapampangan, Tausuga at Waray sa Gboard.
Napabilang naman ang wikang Cebuano sa “World Lens,” isang feature sa Google Translate kung saan maaaring makapagsalin ng mga poster o karatula na nasa ibang wika sa pamamagitan lamang ng camera ng cellphone.
Mawawalan ng bisa ang mga pagsisikap na ito kung mismong mga Filipino ang hindi nakauunawa sa diwa ng pagsasalin.
Kung tunay tayong Filipino, dapat nauunawaan natin na isa sa mga katangian ng wika ay ang pagbabago. Kailangang sumunod ng wika sa pagbabago ng panahon nang sa gayon ay umunlad ito, patuloy na magamit at hindi mamatay.
Hindi uubrang gawing katawa-tawa ang mga ginagawa ng mga tagasalin ng agham, medisina at teknolohiya dahil lang hindi natin nakagawian na gamitin ang wikang Filipino sa mga larangang na ito.
Ngayon, masasabi ba nating mahal natin ang sariling wika kung mismong tayo ang hindi nakauunawa sa diwa ng mga pagsisikap na isinasagawa para tumaas ang antas ng wikang pambansa?
Paano mo masasabing mahal mo ang sariling wika kung hindi mo lubos na naiintindihan ang diwa nito? Kailangan nating maunawaan na kasama sa pagmamahal ang pagtataguyod at pagsuporta sa sariling atin.