INAYA ako ng magaling kong Ate sa Quiapo dahil magkikita raw sila ng mga kabarkada niya. Bukod sa libreng pamasahe at pagkain, bibigyan niya pa raw ako ng pera at siya pa ang gagawa ng mga takdang-aralin ko. Dahil sa mga magandang pangako niya, nagpauto naman ako.

Sa totoo lang, hindi ko maintindihan kung bakit lagi akong karay-karay ni Ate saan man siya pumunta kahit na lagi naman kaming nag-aaway. Hindi siya natitinag sa paglalakuwatsa kahit na pulbusin na siya ng mura nina Nanay at Tatay. Dahil nga sa pagsama ko sa mga lakad niya, nakakasampung liban na ako sa eskwelahan, samantalang wala pa ngang dalawang buwan mula nang pumasok ako sa Grade 4. Ang masakit doon, wala na nga kaming ginagawa `pag umaalis kami: bukod sa panonood ko sa kanila ng barkada niyang magkulitan, wala pa akong napapala sa mga lakad namin. Minsan ko na ring naitanong kung bakit ba ako ang paboritong kaladkarin ni Ate, samantalang apat naman kaming magkakapatid. “Wala, trip lang kitang isama,” Ito lang ang parati niyang sagot sa akin. Ewan ko ba. Likas na yatang abnormal ‘tong kapatid ko.

Mabilis akong nagpalit ng damit, at siyempre suot ko muli ang damit na lagi kong isinusuot kapag aalis kami ni Ate – ang paborito kong punit-punit na t-shirt na may nakalagay na mukha ni 50 Cent, katerno ang pantalon kong maluwang sa binti.

“Junjun, ang baduy mo talaga! Mukha ka pa ring dugyutin. Isuot mo na lang ‘yung t-shirt na nasa ibabaw ng kama ko, ‘yung pula,” sigaw ni Ate habang naglalagay ng pulbos sa mukha.

Asus, ang yabang niya. Eh siya nga, kuntodo make-up. Bukod sa mukha na siyang kamatis sa pula ng mga pisngi at labi niya, mas asul pa sa karagatan ang talukap ng mga mata niya. Ang buhok naman niyang hanggang balikat ay nakapusod sa maliliit na berdeng tirintas.

“Ate, mukha kang ‘pok-pok’ diyan sa hitsura mo. Baka naman sa Malate tayo at `di sa Quiapo pupunta,” kantiyaw ko sabay kuha ng kamiseta sa kama. Agad naman akong nagpalit ng damit.

“Tukmol ka talaga! Pasalamat ka nga’t binigyan kita ng bagong t-shirt diyan. Palibhasa mukha kang gusgusin ‘dun sa isa mong t-shirt. Saka may bago kang tsinelas, nandoon naman sa may pinto. Sa sobrang dami ng ibinibigay ko sa’yo, baka lumagpas na `ko ng langit niyan.”

Kung sabagay, totoo ‘yung mga sinabi niya. Wala man siyang ibinibigay kina Nanay at Tatay, siya naman ang sumasagot sa mga pang-araw-araw naming gastusin, pati kuryente na naka-jumper sa kapitbahay namin at supply ng tubig namin. Kamakailan nga lang ay binilhan niya ako ng bagong uniporme sa school. Kaya naman iba ang pagtrato nila Tatay at Nanay kay Ate kahit may pagkamaldita siya kung minsan kumpara sa iba sa amin. Kung tutuusin, siya naman talaga ang pinakapinakikinabangan sa bahay.

READ
Visual trip down history lane

“Asa ka pa, Ate. Baka nga hindi ka pa papasukin ni San Pedro sa langit niyan.”

“Buwisit ka talaga!”

Kumain ako ng dalawang pandesal sa mesa. Mahirap nang umasa sa pangakong treat ni Ate, kaya mabuti na rin ang busog. Kasing kunat kaya ng tinapay sa almusal si Ate. Habang naghahanap ako ng baso para lagyan ng panulak ko, paulit-ulit akong tinapik ni Ate.

“Hoy, bilisan mo at mag-aalas dies na. Bigyan mo na rin ako ng tubig.”
Wala naman akong masabi kasi iniinom ko na ang tubig ko. Pagkatapos lagyan ng tubig ang basong pinag-inuman ko at iabot ito sa kanya, lumabas na `ko ng bahay at hinintay si Ate. Paglabas ng bahay, pumara si Ate ng pedicab.

“Sa Simbahan ng Quiapo ho.”

Wala pang sampung minuto, nakarating na kami sa simbahan. Iniabot ni Ate ang bayad bago kami dumiretso sa underpass.

“Dito ka muna. Sandali lang `to,” sabi ni Ate pagbaba namin sa hagdan ng underpass. Tinungo niya ang gitnang bahagi na napaliligiran ng mga poste. Maya-maya lang ay nakumpleto na silang magkakabarkada, at mabilis na sinimulan ang kanilang “pagpupulong.” Lahat sila mukhang seryoso. Matapos pa ang ilang sandali ay narinig ko silang naghiyawan, at tumingin sa akin si Ate para sundan ko sila. Lumabas kaming lahat ng underpass at tumambay sa plaza sa gilid ng simbahan.

Iniwan ako ni Ate malapit sa lugar na pinagtatambayan nila. Sa pagmamasid ng grupo nila Ate, nakakita sila ng isang lalaking naglalakad sa ilalim ng araw. May earphones sa mga tainga, at ang isang kamay nama’y nasa loob ng bulsa ng pantalon niya. Sinenyasan si Ate ng isa niyang kaibigan at nakangusong itinuro ang lalaki. Tumango si Ate at nilapitan ang lalaki. Kaswal niya itong inakbayan. May binulong siya dito na ikinalaki naman bigla ng mga mga mata ng lalaki. Napangisi naman si Ate habang kinukuha ng lalaki sa bag niya ang cellphone niya para iabot kay Ate. Ilang saglit pa’y may kinuha ito sa bulsa niya, at inabot rin kay Ate ang kanyang iPod at mga papel na pera niya. Matapos nito’y umalis na si Ate at kaswal na nagpaalam. Kinawayan niya pa ito’t binigyan ng matamis na ngiti.

Nagpaulit-ulit itong nangyari, pero sa halip na si Ate, mga kabarkada niya ang mga lumalapit sa mga tao sa iba’t ibang lugar na pinuntahan namin. Sa totoo lang, dapat sanay na ako sa sistemang ‘yon ‘pag sinasama ako ni Ate. Kaso lang, sa tuwing makikita ko kung paano mamumutla ang mga nilalapitan nila, kahit ako ay hindi rin mapakali.

READ
UST Hospital patient leaps to death

Maya-maya pa ay naisipan na rin nilang kumain sa karinderya sa kanto ng Carriedo. Binili lang ako ni Ate ng kare-kare at kanin, at may kasama pang bonus, isang Coke Sakto!

“Ano, okay ka naman ba?” tanong ni Ate, sabay subo ng kanin.

“Okay lang, mas marami naman siguro akong mapapala sa’yo ngayon. Kahit mainit, okay lang,” sagot ko naman.
“Mabuti naman. Kaso medyo matagal pa tayo dito. Ayos lang ba talaga sa’yo?”
“Ang kulit mo naman, sinabi na ngang oo!”
“Oo na, kumain ka na lang diyan.”
Yoon lang ang naging usapan namin ni Ate habang kumakain at hanggang makalabas kami ng karinderya.

“Mga tsong, dating gawi tayo, ha!” sabi ng isang kabarkada ni Ate. Bumulong sa akin si Ate. “Alam mo na kung anong gagawin mo, ha?” Tumango na lang ako.
Inulit na naman nila ang mga pinaggagagawa nila kanina. Lumapit sila sa kung sinu-sinong mga tao na kusa namang ibinibigay ang mga damit at pagmamay-ari nila. Matapos sa Quiapo, naisipan naman nilang pumunta ng España. Mas marami raw doon. Kahit na may ideya ako kung ano ang tinutukoy nilang mas marami, pinili ko na lamang ‘wag itong kumpirmahin kay Ate. Dating gawi ulit sila kahit umaambon.

Habang pinagmamasdan ko sila’y bigla namang lumakas ang pagkabog ng puso ko. Iniisip ko na baka naman pagod lang ako kaya ako nagkakaganito. Pero naisip ko rin naman na wala naman akong ginawa buong araw kundi maglakad, maupo at kumain, kaya bakit naman ako mapapagod? Makalipas pa ang ilang sandali ay nakapulupot na naman si Ate sa isang lalaki. Pero sa pagkakataong ito, biglang namutla si Ate sa halip na ‘yung lalaki. Nung tinignan ko iyong mga kabarkada niya, namutla rin sila, at isa-isa silang nagtakbuhan papalayo. Saglit na natigilan si Ate, at saka kumaripas ng takbo. Sinenyasan niya akong sundan siya, at nang makahabol ako sa kanya, saka lumakas ang buhos ng ulan.

“Gusto mo bang maglaro ng taguan-pung?”
Natigilan ako bigla. Taguan-pung sa gitna ng lumalakas na ulan, at sa unti-unting tumataas na baha?
“Nababaliw ka na talaga Ate!”
“Junjun, bilisan mong tumakbo!”
“Binibilisan na nga eh, nakakaasar ka naman!”
“O sige, ikaw ang taya! Hanapin mo na lang kami, hindi naman kami ganoon kalayo.”

Nag-iba sila ng direksyon, habang palingon-lingon sa likod. Lumingon din ako at nang makita ko ang lalaki, bigla akong kinilabutan. Bukod sa mukha na siyang galit, may dala-dala pa siyang baril. Sa likod niya’y may mga lalaking kasing-laki niya rin, at may mga dala ring baril, at sa likod nila’y isang kotse ng pulis. Bakit naman nila hahabulin si Ate, samantalang hindi siya kriminal o pugante – mukha lang talaga siyang pokpok? Maya-maya pa’y lampas-tuhod na ang baha, at hanggang sa mga sandaling iyon, hindi ko pa rin mahanap si Ate at ang mga kaibigan niya. Nainis na ako.

READ
Vatican launches own version of Wikipedia

“Ate, buwisit ka talaga kahit kailan! Dapat pala, saka na lang tayo magtaguan-pung `pag tapos na yung mga assignment ko! Ako na nga lang `tong kinaladkad mo dito sa pesteng lugar na `to, ikaw pa `tong namememerwisyo!” Sigaw ko sa gitna ng malakas na buhos ng ulan.

Tila nakisabay ang ulan sa galit ko kay Ate sa sobrang lakas ng pagbuhos nito dahil hanggang balakang ko na ang tubig-baha.
Kahit nakakapagod, patuloy kong sinugod ang baha. Kailangan kong mahanap si Ate, kundi baka hindi na ako makauwi. Kaya naman patuloy kong sinuyod ang bawat sulok ng España. Hindi ko pa rin sila nakita. Tanging mga batang ginawang swimming pool ang tubig-baha ang nakita ko. Pagtingin ko sa paligid, hindi ko na alam kung saan ako napadpad. Sa sobrang paghahanap ko kay Ate ay hindi ko na pinansin kung nasaan ako.

Marami pa ring mga bata, kahit na mukhang mas kaunti sila kaysa dun sa mga nakita ko kanina.
Napansin kong mayroon silang pinagpipiyestahan kaya’t nilapitan ko sila. Baka naman may nagpapasikat, sabi ko. Pero habang papalapit ako nang papalapit sa kanila, napansin kong hindi naman mukhang hayop ‘yung pinagkakaguluhan nila, kundi isang taong palutang-lutang. Namumutla man ay kitang-kita ang mala-kamatis nitong mga pisngi at labi na unti-unting naglalaho dahil sa tubig. Litaw na litaw din ang asul na kulay sa talukap ng mga mata niya, at ang maluwag na pagkakapusod ng kanyang buhok. Baka nagtuturo siya ng paglangoy sa mga batang `to. Sa kalagitnaan ng paghihinuha ko, nasilip ko iyong mukha nung taong lumulutang.

“Nagawa pang maligo sa baha nitong buwisit na `to!”

Dali-dali kong nilapitan si namumutlang katawan ni Ate na duguang lumulutang sa tubig-baha. Bakas sa mukha ni Ate ang kirot na mistulang nagmula sa pagkasapul ng ng noo niya ng kung anong bagay. Tumingin-tingin ako sa paligid, at naaaninag ko sa isang kalapit na karinderiya ang lalakeng may baril na lumapit kay Ate kanina. Ni anino naman ng mga kabarkada ay wala.

Tinitigan ko nang mabuti ang katawan ni Ate. Sa isang kamay, hawak niya ang pitakang iniabot sa kanya ng lalaking inakbayan niya kanina, at isang maliit at kinakalawang na kutsilyo sa kabila.

Alam ko na ngayon kung bakit niya ‘ko kinakaladkad sa mga gimmick niya. Kasabay ng malakas na pagbuhos ng ulan, unti-unting pumatak ang mga luha ko sa pisngi. Ang dugas niya talaga.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.