KAAKIBAT ang Manila Police District (MPD), mahigpit na babantayan ng UST Security Office ang mga Tomasinong maninigarilyo sa paligid ng Unibersidad alinsunod sa pagpapatupad ng nationwide smoking ban order.

Nakipagkasundo ang MPD sa Security Office sa pagbabantay ng mga lalabag sa  no-smoking policy sa labas ng Unibersidad. Ayon kay Joseph Badinas, hepe ng Security Office, idiniin ng MPD na balaan ang mga estudyante na puwede silang hulihin kapag nilabag ang batas.

“Nang pumunta rito `yong [Manila police] para makipagtulungan, [sinabi] nila na `yong students natin ay dapat paalalahanan na may mga lugar sa labas ng unibersidad na pwede silang [mahuli]  kapag nanigarilyo sila roon,” wika ni Badinas sa isang panayam sa Varsitarian.

Maaaring patawan ng Office of Student Affairs (OSA) ng “mabibigat na parusa” ang mga Tomasinong mahuhuling naninigarilyo sa loob at labas ng UST.

“Sasama na kami sa pagpapatupad sa labas kaya kung may mahuhuli kaming mag-violate, i-aakyat namin sa OSA `yong kaso at sila na ang bahala,” sabi niya.

Gayunpaman, hindi pa naglalabas ang OSA ng payahag tungkol sa mga maaaring parusa ng mga lalabag sa batas.

Sinimulan ng Malacañang ang pagpapatupad ng Executive Order 26 o ang nationwide smoking ban order noong ika-23 ng Hulyo, matapos ito lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong ika-16 ng Mayo.

Ang mga lalabag sa batas ay mumultahan ng hindi bababa ng P500 at P1,000 sa una at ikalawang beses ng paglabag sa order, ayon sa pagkakabanggit. Aalisan naman ng business permits at licenses to operate ang mga lalabag sa batas  sa ikatlong beses, kasama ang multang hindi bababa ng P5,000.

Ayon sa batas, maaaring managot ang “person-in-charge” ng bawat tanggapan kung mahuhuling hindi ipinapatupad nang maayos ang mga nakasaad na probisyon ng batas.

Bukod sa Philippine National Police, magkakaroon din ng Smoke-Free Task Force ang mga lokal na pamahalaan para mapatupad nang mahigpit ang mga probisyon.

Nasa diskresiyon ng lokal na pamahalaan ang pagpili sa mga bubuo nito.

Ang executive order ay ginawa ng kalihim ng kalusugan na si Paulyn Jean Ubial sa utos ng Pangulong Duterte.

Kakulangan sa pagpapatupad

Bagaman nagsisimula na sa pagpapatupad ng batas, wala pa ring pondo ang mga lokal na pamahalaan para sa implementasiyon ng smoking ban, ayon kay Regina Bartolome, program coordinator ng Manila Health Department.

Bukod dito, kulang pa rin ang tauhan ng mga lokal na health department para ipatupad ang kanilang programa na naglalayong tulungan ang mga lulong sa paninigarilyo.

“Dahil sa limitadong schedule at location, hindi ma-fully utilize ang Smoking Cessation Clinic ng health department para tumulong sa mga nais tumigil sa paninigarilyo,” wika ni Bartolome.

Mas nagagastos pa sa paggamot ng tobacco-related illnesses ang tax na nakukuha sa tobacco industry, dagdag niya.

Ikinuwento naman ni Corazon Barrera, 80-anyos na tindera ng mga produktong tobacco sa labas ng Unibersidad, malaki ang naging epekto ng smoking ban sa pagbaba ng kaniyang kinikita.

“Dati kumikita ako ng 500, sa tubo lang `yon, pero mula noong paalisin kami malapit sa gate, bumaba na,” wika niya.

Ngunit ilang ulit nang binigyan ng babala si Corazon ng punong barangay na umalis sa kanyang puwesto o tumigil sa pagtitinda ng mga produktong tobacco.

Noong 2009, ipinatupad ng Civil Service Commission ang Memorandum No. 17 na nagbabawal sa pagbebenta ng mga produktong tobacco sa loob ng 100 metro mula sa mga paaralan.

Ayon sa dating ulat ng Varsitarian, kinumpiska ng mga opisyal ng Maynila ang mga pakete ng sigarilyo sa mga tindahang malapit sa Unibersidad.

Ipinatupad naman ng Unibersidad noong 2002 ang polisiyang naglalayong gawing “smoke-free” ang buong kampus, ang una sa buong bansa.

 

To investigate and expose unspoken issues and anomalies, send confidential news tips to the Special Reports team of the Varsitarian at specialreports.varsitarian@gmail.com or at THE VARSITARIAN office, Rm. 105, Tan Yan Kee Student Center, University of Santo Tomas, España, Manila.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.