Sinusunog ng mga raliyista ang isang effigy ni Pangulong Duterte kasabay ng pangatlong State of the Nation Address ng Pangulo noong ika-22 ng Hulyo (Kuha ni Deejae S. Dumlao/ The Varsitarian)

NANGANGANIB ang mekanismo ng “checks and balances” at kalayaan ng kongreso sa pagdomina ng mga kandidato ng administasyon sa halalan noong Mayo, ayon sa mga dalubhasa.

Siyam sa labindalawang senador na nanalo noong midterm elections ay mga kaalyado ng Pangulong Duterte.

Kabilang rito ang mga baguhan na sina Christopher “Bong” Go, ang dating assistant ng Pangulo; Bato de la Rosa, ang namuno sa Philippine National Police sa madugong kampanya ng pamahalaan laban sa droga; Imee Marcos na anak ng dating diktador na si Ferdinand Marcos at Francis Tolentino na dating tagapayong pampulitika ni Duterte.

Muling nahalal naman sina Cynthia Villar, Pia Cayetano, Sonny Angara, at Koko Pimentel, at Bong Revilla na akusado sa kasong pandarambong.

Ani Amr Solon na nagtuturo ng political science sa Unibersidad, mas lalakas ang kakayahan ni Duterte na itulak ang kaniyang legislative agenda base sa resulta ng naging halalan.

“Maari rin itong magpakita na mas may leverage siya (Duterte) laban sa oposisyon para sa mga natitirang taon niya bilang pangulo,” aniya sa wikang Ingles sa isang panayam sa Varsitarian.

Ngunit dagdag ni Sison, mayroon pa ring posibilidad na magkaroon ng mga koalisyon ng iba’t ibang partido politikal na maaaring kontrahin ang agenda ng Pangulo.

Para naman sa tagapangulo ng UST political science department na si Dennis Coronacion, ang isang kongreso na puno ng mga kaalyado ng administrasyon ay maaaring magpabilis ng pagpapasa ng mga batas tulad ng pagpapabuti ng social at medical na serbisyo ng pamahalaan.

“Sa tingin ko, hindi lahat ng kaalyado ng Pangulo ay agad-agad na magbibigay ng suporta dahil bilang mga politiko, may sari-sariling interes pa rin silang pino-protektahan,” aniya sa wikang Ingles. “Kahit sabihin nating mga kaalyado sila ng Pangulo, may mga ambisyon din sila.”

Sa mababang kapulungan ng Kongreso, nahalal bilang speaker ang dating running mate ni Duterte na si Alan Peter Cayetano, sa bisa ng isang kasunduang “term sharing” sa pagitan niya at ni Lord Allan Velasco, isang UST alumnus, na kinatawan ng Marinduque sa Kongreso.

Sa isang Kongreso at Senado na puno ng mga kaalyado at kapartido ng Pangulo, nakaambang maisabatas ang mga kontrobersyal na panukala na mahigpit na tinututulan ng Simbahang Katolika sa bansa, tulad ng death penalty at diborsyo.

Mainit din ang usapin sa pagbabalik ng mandatory Reserved Officers’ Training Corps (ROTC) na binuwag noong 2001 matapos ang pagkamatay ng Tomasinong si Mark Welson Chua mula sa kamay ng kaniyang mga kasamahan sa ROTC.

Ang minority sa Senado ay binubuo na lamang ngayon ng apat na miyembro: sina Franklin Drilon, Francis “Kiko” Pangilinan, Risa Hontiveros at Leila de Lima na nakapiit pa rin sa kulungan.

Nagbabala si Hontiveros na may matinding panganib sa pagsasawalang-bahala sa konsepto ng checks and balances sa pamahalaan.

“Pahihintulutan nito ang administrasyon na mag-railroad ng batas kasama na rito ang posibilidad ng charter change ngayong may super majority na sila sa Kongreso at Senado,” aniya sa wikang Ingles sa isang panayam sa Varsitarian. “Ang Kongreso ay dapat malaya mula sa impluwensya ng ehekutibo, ngunit paulit-ulit ito sa pangingialam sa kalakaran sa lehislatibo.”

Pinasaringan din ng senadora ang naging pagtugon ng pamahalaan sa insidente sa Recto Bank kung saan binangga at nilubog ng isang Chinese vessel ang bangka ng mga Filipinong mangingisdang pumapalaot sa pinagtatalunang bahagi ng West Philippine Sea.

“Tinangka nilang ipasa ang mandatory ROTC sa mga huling sesyon ng ika-17 na Kongreso at sinertipika pa nga bilang ‘urgent.’ Ngunit ang naging pagtugon nila sa insidente sa Recto Bank ay naging nakadidismaya,” ani Hontiveros.

Para kay Sison, masyado pang maaga para umasang lahat ng panukala ng administrasyon ay madaling maisasabatas at hindi na dadaan sa butas ng karayom.

“Ang mga panukalang ito ay dadaan sa kritisismo ng iba’t ibang mga grupo tulad ng Simbahan, kaya hindi garantisado na dahil lamang itinutulak ng administrasyon ay tiyak na papasa na ito agad,” aniya.

Para kina Hontiveros sa Senate minority, patuloy silang magiging kritikal sa mga hakbang na tatahakin ng administrasyong Duterte sa natitirang kalahati ng kanilang termino, at nangakong sisiguraduhin na mga makataong reporma lamang ang lulusot sa Senado. may ulat mula kay Klyra V. Orbien

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.