Lim, Tomasino at dating alkalde ng Maynila, pumanaw na

0
3129

PUMANAW ang dating alkalde ng Maynila at senador na si Alfredo Lim nitong Sabado ng hapon, ika-8 ng Agosto sa edad na 90.

Sa ulat ng CNN Philippines, kinumpirma ng anak ng dating alkalde na si Cynthia Lim ang pagpanaw ng kanyang ama sa ganap na ika-4:30 ng hapon. Hindi pa malinaw ang sanhi ng pagkamatay ni Lim.

Noong Biyernes, kinumpirma ng kasalukuyang alkalde ng Maynila na si Francisco “Isko” Moreno Domagoso na nag-positibo si Lim sa Covid-19.

Si Lim ay nag-aral ng isang taon sa UST High School sa ikatlong taon. Ginawaran siya ng Quadricentennial Service Award ni Fr. Rolando Dela Rosa, O.P., rektor ng UST, noong ika-28 ng Marso taong 2012, sa ika-400 na taong pagdiriwang ng pagkatatag ng Unibersidad.

Naglingkod si Lim bilang alkalde noong 1992-1999 at 2007-2013 at senador noong 2004-2007. Naging direktor din siya ng National Bureau of Investigation at kalihim ng Interior and Local Government sa ilalim ng administrasyon ng Pangulong Joseph Ejercito Estrada.