Mga Katolikong paaralan, nangangambang malugi sa biglaang pagpapaliban ng klase sa Oktubre

0
4458

NANAWAGAN ang Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP) sa Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) na magbigay ng paglilinaw ukol sa pag-urong ng pagbubukas ng klase sa Oktubre, dahil maaari itong maging sanhi ng pagsasara at pagkalugi ng mga pribadong Katolikong paaralan.

Ito ay matapos maglabas ng memorandum ang DepEd na naglipat sa pagbubukas ng klase sa mga pribado at pampublikong paaralan sa ika-5 ng Oktubre mula sa itinakdang petsa na ika-24 ng Agosto.

Sa isang liham sa DepEd, humingi ng paglilinaw ang pangulo ng CEAP na si Fr. Elmer Dizon kung sakop ng memorandum ang mga pribadong paaralan, dahil nakapagsimula na ng klase ang ibang paaralan noong Hulyo

Iginiit ni Dizon na labis na pagkaluging pinansiyal ang kakaharapin ng mga pribadong Katolikong paaralan kung susundin ang bagong petsa ng pagbubukas ng klase.

To delay the opening of classes for six more weeks would entail severe financial losses on their part given that the enrollment statistics are still not picking up for most of these schools,” saad ng liham ni Dizon nitong ika-14 ng Agosto.

Sinabi ni Dizon na nagsara na at maaaring hindi na kayaning magpatuloy sa operasyon ang ilang Katolikong paaralan dahil sa mababang tala ng mga mag-aaral.

We have been regularly receiving reports of our member schools closing due to very low enrollment, and owing to the financial difficulties they are facing,” sabi ng liham.

May we request that a clarificatory order … be made relative to this Memorandum dated August 14, 2020 that this specifically [applies] to the public schools,” saad ng liham.

Sinabi ng kalihim ng edukasyon na si Leonor Briones noong ika-14 ng Agosto na kasama sa anunsyo ng DepEd ang mga pribadong paaralan ngunit hahayaan pa ring magpatuloy ang mga nakapagsimula na ng klase noong Hulyo.

Private schools are under the umbrella of DepEd, and as far as basic education is concerned…may sarili din silang operations, activities, which they also comply with. Ang gusto namin, generally, naka-comply sila sa DepEd regulations,” sabi ni Briones.

“[K]ung pipigilan namin sila eh nakaumpisa na, kung todo involvement na ng mga parents tapos titigilan natin, that would not be useful at all,” dagdag ni Briones.

Naunang umalma ang Coordinating Council of Private Educational Associations sa biglaang paglipat ng pagbubukas ng klase sa Oktubre at humingi ito ng paglilinaw sa DepEd.

Ang CEAP ay binubuo ng 1,500 Katolikong paaralan sa bansa, kabilang ang Unibersidad ng Santo Tomas.