Growling Tigers lusot laban sa Falcons

0
380

MULING nakalusot ang UST Growling Tigers mula sa mainit na opensa ng Adamson University, 61-59, sa pagbubukas ng second round ng UAAP men’s basketball tournament sa Smart-Araneta Coliseum noong Agosto 16.

Gaya ng kanilang unang paghaharap noong Hulyo 26, pinahirapan ng epektibong shooting ng Soaring Falcons ang UST sa second half.

Gayunpaman, nakabangon ang Tigers sa pangunguna nina Louie Vigil, Ed Daquioag, Aljon Mariano at John Sheriff upang masungkit ang panalo.

Pumukol ng isang go-ahead jumpshot si Vigil sa huling 1:51 ng laban upang bigyan ng 60-59 na kalamangan ang UST.

Malaki rin ang naging tulong ng apat na offensive rebounds ng Tigers, tatlo mula kay Mariano, sa huling isa’t kalahating minuto upang maipanalo ng UST ang kanilang unang laban sa ikalawang round at mapatid ang kanilang three-game losing skid.

Tangan ng koponan ang 4-4 na win-loss record.

“Importanteng maipanalo namin ang first game ng second round para kapag gumaling na si [Karim] Abdul sa second game, sana magka-winning streak na kami,” ani UST head coach Bong dela Cruz.

Naging mainit ang opensiba ng Adamson sa pagbubukas ng ikatlong yugto matapos magpakawala ng 16-4 run para sa 49-44 na bentahe.

Ngunit nakabawi naman kaagad ang UST sa pangunguna ni Sheriff at naitabla ang laban, 52-all, bago ang ikaapat na yugto.

Maganda ang naging simula ni rookie Renzo Subido na nagtala ng walong puntos, anim mula sa magkasunod na tres, sa unang yugto para bigyan ng 19-12 na bentahe ang UST.

Nagtapos si Vigil nang may 13 puntos para sa UST habang nagdagdag naman ng 11 marka si Daquioag.

Minalas naman sa opensa si Mariano na nagtala lamang ng pitong puntos dahil sa 3 out of 17 shooting ngunit bumawi naman sa rebound matapos magtapos ng may 12.

Samantala, sa kanilang huling tatlong laban sa first round, mapait na three-game losing skid ang dinanas ng koponan kontra Ateneo de Manila University, De La Salle University at University of the East (UE).

Napatid ang three-game winning streak ng UST matapos pumukol ng floater si Kiefer Ravena sa huling 3.7 segundo ng laban upang isalba ang Ateneo Blue Eagles, 63-61, noong Agosto 6.

Naitabla ni Kevin Ferrer ang laban, 61-all, may 23 segundo ang nalalabi bago pinakawalan ni Ravena ang kaniyang game-winner sa harap nina Daquioag at Abdul para tuluyang ibaon ang UST.

Sa paghaharap naman nila kontra defending champion na La Salle Green Archers noong Agosto 10, hindi nakabawi ang Growling Tigers sa kanilang finals rematch matapos magpamalas ng matinding opensa ang La Salle sa second half upang masungkit ang panalo, 83-70.

Nagtapos ang first half na tabla ang score, 35-all. Lamang pa ang UST sa dulo ng ikatlong yugto, 50-46, bago nagpakawala ng 13-1 run ang Green Archers at tuluyan nang iwanan ang Tigers.

LEAVE A REPLY