UST Poomsae walang planong isuko ang kampeonato sa UAAP

0
412

MATAPOS pagharian ng UST Poomsae team ang UAAP noong nakaraang taon, mas aabangan ang pagdepensa na gagawin nila ngayon.

Kahit noong Season 76 lang naging opisyal na UAAP sport ang poomsae, nagpamalas kaagad ng bangis ang Tiger Jins matapos ang kanilang dominanteng sweep sa lahat ng category.

Ngunit mas mahirap ang kanilang dadanasing kompetisyon ngayong taon dahil sa mga paghahanda ng ibang koponan na ang pangunahing misyon ay patalsikin sila sa trono.

“I think competition will be tougher this year. Marami na rin ang nag-invest sa mga coaches sa ibang schools, pero we started early for our preparation in the UAAP and we are training double time to prepare for this season,” ani poomsae head coach Rani Ortega.

Naniniwala rin si Ortega na makalipas ang isang taon, UST pa rin ang dapat paghandaan ng ibang mga koponan.

Sa ensayo pa lang na nagsisimula ng 5:30 nang umaga, makikita nang determinado ang Tiger Jins na mapanatili ang kanilang puwesto sa taas ng UAAP.

“I think we have good camaraderie and they push each other in training. Kapag may nahirapan, they cheer them up. Kapag meron nang naiiyak sa training, they push them. Kapag sa tingin nila may naiiwan, pinapahabol. It's not that one person is being good, it's everybody pulling each other up,” ani ng dating Southeast Asian Games poomsae gold medalist.

Nasa taas man ng pedestal, nananatiling nasa lupa ang mga paa ng Tiger Jins at patuloy sa paghahanda para sa kanilang magiging mga laban sa UAAP.

“What I always tell everyone is what you think is what will happen. So if you think positive and you think of the gold, it will happen. If you doubt yourself, if you think you’ll only make it second, that will happen. Kaya we always think of the highest prize, kasi iyon ’yong goal natin, and we can reach it,” ani Ortega.

Bilang paghahanda sa UAAP, nakapag-uwi na ng apat na ginto at dalawang tansong medalya ang UST Poomsae squad sa nakaraang National Poomsae Championships na ginanap sa Rizal Stadium noong nakaraang Hulyo 20.

Magiging sandalan ng koponan sa kanilang title defense ang reigning Most Valuable Player at team captain na si Marvin Vidal ng men’s division.

“We will try to have a better performance this year. Sabi nga nila it is harder to stay on the top. We will plan to get the first place again, hopefully another sweep. They can bank on us again,” ani Vidal.

Malaki naman ang kailangan punan ng women’s team captain na si Yuei Murillo matapos mawala ang MVP na si Shaneen Sia at naniniwala siyang kailangan niyang maging malakas dahil siya na ang magiging modelo ng mga baguhan.

LEAVE A REPLY