Growling Tigers tinambakan ng FEU

0
359

UPDATED 23 Agosto 2014, 8:00 p.m. – KALUNUS-LUNOS ang sinapit ng UST Growling Tigers matapos silang tambakan ng Far Eastern University Tamaraws, 55-66, sa ikalawang round ng UAAP season 77 men’s basketball tournament sa Mall of Asia Arena, Sabado.

Bagaman labing-isa lang ang naging huling abante ng Tamaraws, dominado ng FEU ang kabuuan ng laro.

Umabot sa 24 puntos ang pinakamalaking lamang ng FEU, 59-35, sa ikatlong yugto. Hindi naman nakatikim ng lamang ni minsan ang UST.

Sinubukang humabol ng UST sa huling yugto gamit ang 14-5 run. Ngunit nagkulang ito para bawasan ang 20 puntos na kalamangan ng FEU, 55-66.

Sa simula pa lang, hindi na nakaporma ang Tigers matapos silang tambakan ng Tamaraws, 24-7, sa pagtatapos ng unang yugto.

Lalong nag-init ang FEU sa pangunguna ni Mac Belo sa ikalawang quarter kung saan lumobo ang kanilang lamang, 42-19.

Bahagyang nakabawi ang Growling Tigers tungo sa halftime matapos ang three-pointer ni Louie Vigil at and-one play ni Karim Abdul, 25-42.

Sa pagbubukas ng ikatlong yugto, nagpatuloy ang tangkang paglapit ng UST matapos ang layup ni Abdul, 31-45.

Ngunit nagpakawala ng isang 14-1 run ang Tamaraws upang muling ibaon ang UST, 59-35.

Nalaglag sa 4-5 na kartada ang Growling Tigers.

“Hindi talaga maganda (4-5 record) pero hindi pa naman tapos eh. Kailangan lang i-motivate ang mga bata,” aniya. “Kailangan ma-improve ang offense and maging loose ang mga players.”

Nilinaw rin ni Dela Cruz ang sitwasyon ni Kevin Ferrer na hindi nakalaro matapos siyang magtamo ng fracture sa kanyang kaliwang kamay.

“Day to day ‘yung healing niya (Ferrer). Hindi naman out for the season,” aniya.

“Hindi totoo na out for the season. Mga walang magawa ang nagpakalat nun,” dagdag mismo ni Ferrer.

Isang positibo sa laban ang naging laro ni Abdul na tumapos ng may 24 puntos at 16 na rebounds para sa Growling Tigers.

Nanguna naman si Roger Pogoy para sa FEU sa kanyang 19 puntos.

Sunod na makakalaban ng UST ang University of the Philippines Fighting Maroons sa Agosto 27 sa Mall of Asia Arena.Paul Kennedy A. Lintag.

LEAVE A REPLY