Pagsangga para sa titulo

0
674

MATAPOS putulin ng UST ang paghahari ng De La Salle University noong nakaraang season para sa kanilang ika-40 na overall crown, higit na inaasahan ang mga first semester sports upang bigyan ng maagang abante ang Unibersidad sa karera para sa UAAP general championship.

BEACH VOLLEYBALL

Tiger Spikers
Nakaraang taon: Ikalawang puwesto
Prediksiyon: Kampeon

Pangungunahan ni Season 76 Rookie of the Year Kris Roy Guzman ang kampanya ng Tiger Spikers ngayong taon patungo sa titulo kasama ang bagong katambal na si Anthony Lemuel Arbasto.

Mamumuhunan sa depensa ang koponan bunsod ng pagkawala ng beteranong si Mark Gil Alfafara na pinangunahan ang koponan sa huling dalawang taon.

“Nag-mature na siya (Guzman) at saka nakapaglaro na siya sa Nestea [beach volleyball competition] kaya malaki‘yung advantage niya,” ani Tiger Spikers assistant coach John Paul Doloiras.

Bagaman kailangan pang pagtuunan ng pansin si Arbasto, kumpiyansa si Doloiras na magagawang masungkit ng koponan ang titulo dahil na rin sa haba ng preparasyon na kanilang ginagawa.

Makatutulong ang pagkawala ng kasalukuyang kampeon mula sa National University na sina Edwin Tolentino at Season 77 Most Valuable Player Joseph Henry Tipay upang mangibabaw ang Tiger Spikers ngayong taon.

Lady Spikers
Nakaraang taon: Kampeon
Prediksiyon: Kampeon

Pagtitibayin lalo ng Lady Spikers ang kanilang kapit sa korona gamit ang mas mahigpit na depensa at opensa sa loob ng sand court.

Bagaman mas lumakas ang koponan ng Ateneo de Manila University, Far Eastern University at Adamson University, kumbinsido si Doloiras na muling gagana ang sistemang kanilang ipinakita sa nakaraang taon.

Kahit na kagagaling lang sa injury ang katambal na si Rica Jane Rivera, ang Rookie of the Year noong nakaraang season, handang pangunahan ni Season 77 Most Valuable Player Cherry Anne Rondina ang koponan patungo sa pangalawang sunod na titulo.

Inaasahang makatutulong ang pagkakalantad ni Rondina noong Hunyo sa Queen of the Sands beach volleyball tournament kung kailan nasungkit niya ang ikatlong puwesto.

“Hindi pa naman sila mature pero ang nilalaban namin, ‘yung technique talaga. Sa skills kami bumabawi at sa tamang approaches,” ani Doloiras.

Junior Tigresses
Nakaraang taon: Ikalawang puwesto
Prediksiyon: Finals

Matapos silang kapusin noong nakaraang season, muling nagbabalik ang mas pinalakas na Junior Tigresses upang bawiin ang nakawalang kampeonato ngayong Season 78.

Pangungunahan nina co-captains Eya Laure at Mary Regina Mangulabnan ang mas maliit at batang koponan ng Tigresses.

Sa kabila ng paglisan nina Pauline Gaston, Alyssa Teope at Gyra Baroga, mataas pa rin ang kumpiyansa ni head coach Emilio Reyes na magiging championship caliberang team at muling aabot sa finals.

“Kakayanin naming bawiin. ‘Di lang tayo sasali, magko-compete tayo. ‘Di man ganoon kalalaki, pero ‘yung puso ng mga bata na ito nag-uumapaw,” ani Reyes.

Handa na ring magpakitang gilas ang mga rookie na sina Joanne de Guzman, Bernadeth Pepito at Joyce Abueg upang lalong mapagtibay ang magiging kampanya ng koponan.

TAEKWONDO

Tiger Jins
Nakaraang taon: Kampeon
Prediksiyon: Kampeon

Matapos bawiin ng Tiger Jins ang kampeonato mula sa De La Salle University, pipiliting panatilihin ng UST ang korona ng men’s taekwondo sa pangunguna ni Season 77 Most Valuable Player Paul Romero at ng nagpapagaling na si Rookie of the Year Aries Capispisan.

Ayon kay assistant coach Gershon Bautista, handang-handa ang Tiger Jins para sa pagbubukas ng susunod na season, kabilang na ang pagdating ni rookie Russell Gargantes mula Butuan City.

“Malakas pa rin ang tiyansa ng Tiger Jins na ma-retainang championship, dahil halos wala namang nawala mula sa Season 77,” wika ni Bautista.

Lady Jins
Nakaraang taon: Ikatlong Puwesto
Prediksiyon: Kampeon

Mula sa isang mapait na pagkatalo ng Lady Jins noong nakaraang taon, nagbabalik ang mga beterano upang bawiin ang korona mula sa University of the Philippines.

Muling magpapakitang-gilas sin Korina Paladin at Abigail Cham, kasama ang rookie na si Alyssa Asegurado upang lumaban para maibalik ang korona sa España.

Kabilang sa mga kasama sa Lady Jins ngayong taon ay ang mga nagkamit ng gintong medalya sa Philippine National Games Luzon leg noong Hulyo na sina Colleen Heria (finweight), Arriane Asegurado (featherweight) at Marjelle Sy (welterweight).

“Kayang-kaya ng Lady Jins na makuha ulit ang championship, at sa tingin ko naman ay gagawin nila ang lahat upang manalo,” ani Bautista.

BADMINTON

Male Shuttlers
Nakaraang Taon: Ikalimang puwesto
Prediksiyon: Ikalimang puwesto

Sa pagkawala ni former team captain Patrique Magnaye, magiging mahirap ang landas na tatahakin ng UST Male Shuttlers upang makaabot sa Final Four, ayon kay head coach Noli Cajefe.

“Kahit isa lang ‘yung nabawas, malaking kawalan, kasi siya ‘yung leader,” ani coach Cajefe. “May mga junior at rookie pero hindi pa ganoon ka-competitive.”

Nasa balikat ngayon nina Paul Pantig, Mark Sotea, Alcaed Lee Sabanal at John Edgar Reyes ang pag-angat sa bandera ng mga Male Shuttler na may haharaping malaking balakid sa kanilang mga counterpart sa NU, Ateneo, UP at La Salle upang makasingit sa Final Four.

Female Shuttlers
Nakaraang Taon: Ikalimang puwesto
Prediksiyon: Final Four

Nananatitiling buo ang roster ng UST Lady Shuttlers, ngunit katulad ng Male Shuttler, maliit pa rin ang tiyansa nilang masungkit ang korona dahil na rin sa paglakas ng ibang UAAP teams.

Pangungunahan ni team captain Patricia Barredo ang laban para sa Lady Shuttlers ngunit kailangang ma-angat nila Steffi Aquino, Sugar Vizmonte at Airish Macalino ang kanilang performance upang lumaki ang tiyansa ng koponan na makapasok sa Final Four.

Maaari pang hindi makalaro ang ibang key players ng team matapos magkaroon ng problema sa class schedule ang mga Commerce students na kabilang sa koponan.

“Natapat ‘yung schedule ng pasok sa training. Ang available na schedule sa kanila 5 hanggang 9 ng gabi, iyon ‘yung training schedule namin.”

Kung hindi magagawan ng paraan ang schedule ng training, mapipilitang ipasok ang mga players mula Team B upang punan ang mga puwestong maiiwan ng mga hindi makakapag-ensayo.

LEAVE A REPLY