Tigers, kumbinsidong makaaabot sa Final 4

0
611

SA PAGBUBUKAS ng panibagong UAAP season, muling nangangakong magpapakitang-gilas ang UST Growling Tigers matapos ang nakadidismayang kampanya noong nakaraang taon.

Siguradong gutom sa kampeonato ang Tigers dahil 2006 pa noong huli nilang masungkit ang korona.

Para kay head coach Bong dela Cruz, malayo ang mararating ng Tigers ngayon kung maiiwasan lang ang injuries.

“Last year kasi ‘di healthy ‘yung team, ‘di naman natinp uwedeng sabihin na alibi sa tao na hindi healthy ‘yungteam. ‘Pag healthy, we can go all the way. Ang target is Final Four and next is finals,” ani dela Cruz.

Pangungunahan nina co-captains Kevin Ferrer at Ed Daquioag ang kampanya ng koponan sa taong ito. Makakasama pa rin nila ang two-time Mythical Five member na si Karim Abdul.

Sisiguruhin naman ni Ferrer na hindi na mauulit ang lahat ng pagkakamali noong nakaraang taon, kasabay ng mentalidad na magiging isa siyang mabuting halimbawa sa kaniyang mga teammates bilang isa sa mga go-to guys ng koponan.

Ayon kay Daquiaog, maiituturing na isa sa magpapatibay ng kanilang koponan ang pagsali ni PBA legend Alvin Patrimonio sa kampo ng coaching staff ng UST.

“Nakakatulong ‘yung mga pinapagawa niya tuwing tune-up game, naa-apply [namin] ‘yung mga natutuhan [sa kaniya]. Kumbaga, ‘yun ‘yung bala namin na baon pagdating sa UAAP,” ani Daquioag.

Sa pagpasok ni Patrimonio, aasahan ang mga magiging kontribusiyon nina Jeepy Faundo at Jon Macasaet bilang mga backup ni Karim Abdul.

Iginiit ni dela Cruz na higit pa sa handa ang Tigers sa kanilang pagbawi ng korona at mataas ang kumpiyansa na mas maganda ang ilalaro ng grupo sa paparating na season.

“Everybody has learned the lesson from last year. Hopefully, ine-expect namin mataas ‘yung magiging place,” aniya.

Unang masusubukan ang bangis ng mga Tigre kontra sa koponan ng Adamson sa pagbubukas ng panibagong season sa ikalima ng Setyembre.

LEAVE A REPLY