MAY DALANG aral ang bawat karanasan at mga taong dumarating sa buhay. Ito ang mensahe ng Mila, isang pelikulang hinango mula sa buhay ni Anita Pamintuan, isang gurong nakipaglaban para sa mga karapatan ng kapwa niya guro sa ilalim ng administrasyong Aquino.

Sa ilalim ng direksyon ni Joel Lamangan at panulat ni Ricky Lee, matagumpay na naipaabot ng Mila ang mga katotohanan ng buhay. At sa pamamagitan ng pangunahin nitong tauhan na si Mila Cabangon (Maricel Soriano), nakapagdulot ng iba’t ibang aral ang nasabing pelikula.

Bilang guro sa isang pampublikong paaralan, naging inspirasyon at naging malapit si Mila sa kanyang mga mag-aaral, lalung-lalo na kay Jenny (Serena Dalrymple), dahil sa buong-pusong pag-aalay ng sarili sa bokasyon.

Ngunit nang dumating ang pagkakataong di dininig ang kanilang hinaing bilang mga guro, at ilan pang mapapait na karanasan, tulad ng paglisan ng pangalawang lalake sa kanyang buhay na si Primo (Piolo Pascual), lumabas siya sa apat na sulok ng silid-aralan upang hanapin ang nawawalang bahagi ng kanyang pagkatao.

Sa kanyang paglalakbay, napadpad siya sa Ermita at doon nakilala ang iba pang mga tauhan ng pelikula na tila nawawala ring mga kaluluwa tulad niya. Naging kaibigan niya ang mga babaeng nagbebenta ng panandaliang aliw na sina Winona (Kaye Abad) at Rona (Cherry Pie Picache). Nakasama rin niya sa lansangan ang mga batang sina Leni (Angelica Panganiban) at Peklat (Jiro Manio).

Naging mas malawak ang mundo ni Mila sa Ermita. Doon, ipinagpatuloy niya ang kanyang bokasyon bilang isang guro nang magturo siya sa lansangan. Mas naunawaan at naipaunawa niya sa iba ang mga aral at tunay na kahulugan ng buhay.

READ
Thomasian appointed to SC

Ibinabahagi ni Mila ang kanyang sarili sa lahat ng makilala. Sa pamamagitan ng pakikiisa niya sa bawat taong nasa kanyang paligid, unti-unting nabuo ang kanyang pagkatao. At sa huli, tuluyan niyang nahanap ang sarili sa kandungan ng matagal nang di nakakasamang ina.

Bukod sa mga aral na iniiwan ng pelikula sa mga manoonod, naipakita rin ng Mila ang ilang kabulukan sa sistema ng lipunan – ang kakulangan ng edukasyon para sa mga kabataan na nagdadala sa kanila sa madumi at mapanganib na buhay-lansangan, at ang pakikibahagi sa prostitusyon at pang-aabuso ng mga may kapangyarihan sa mga mahihinang naghahanap ng masasandalan.

Tinalakay din ng Mila ang matagal nang isyu tungkol sa abang kalagayan ng mga guro. Ipinakita sa pelikula ang pagiging bulag at bingi ng pamahalaan sa kahalagahan ng mga gurong nagtitiyaga sa mga pampublikong paaralan. Panahon na marahil para makinig sila sa mga “bayani” ng silid-aralan.

Malaki ang inaasahan ng mga manonood sa pelikulang Mila dahil sa naging mahusay at malawakang promosyon nito bago ito ipinalabas. Maaaring hindi ito gaanong naabot ng pelikula dahil kung titingnan ang kabuuan ng istorya sapagkat simple lamang ang pagkakagawa nito. Hindi ito umasa sa kumplikadong teknolohiya o special effects. Ngunit kapansin-pansin pa rin ang mahusay na paglalapat ng musika at masinop na pagkakalikha ng bawat eksena.

Sa kabila nito, ang simple ngunit makabuluhang kuwento ang naging kalakasan ng pelikula. Buhay na buhay ang bawat tauhan at naitatanim sa isipan ng mga manonood ang bawat katagang binibitiwan nila.

Bukod sa pangunahing aktres na si Maricel Soriano, naging mahusay din ang pagganap ng iba pang mga naging bahagi ng pelikula, tulad nina Princess Punzalan (Linda), bilang matalik na kaibigan ni Mila, at Kathleen Hermosa (Teresa), isang baguhang guro na kaagad na napasabak sa hirap ng piniling bokasyon.

READ
Seven years of plenty

Repleksyon ng mundong ating ginagalawan ang pelikulang Mila. At nagsisilbing inspirasyon si Mila sa mga taong nais ibahagi ang kanilang sarili upang higit na maunawaan at maipaunawa sa iba ang mga aral ng buhay na hindi lamang sa loob ng apat na sulok ng silid-aralan matututuhan.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.