ALAM BA ninyong hindi lamang UST Singers ang nagdala ng karalangan sa Unibersidad sa larangan ng musika?

Itinatag ang UST Symphonic Band, na mas kilala noon bilang UST-ROTC Band, bago pa man sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Muli itong binigyan ng buhay pagkatapos ng digmaan ng isang nagngangalang Maestro Bautista ng Philippine Constabulary. Sa pamumuno ni Col. Jose Campana sa loob ng halos 20 taon, lalong nakilala ang banda at naging isa sa pinakamahusay na bandang pang-unibersidad sa buong Maynila. Sa pamumuno naman ni Prop. Romeo Verayo na pumalit kay Campana, tumanggap ang banda ng mga babaeng miyembro sa unang pagkakataon.

Noong 1961, itinatag ni Col. Antonino Buenaventura, dating direktor ng UST Conservatory of Music, ang Conservatory of Music Orchestra. Nagtanghal din ang grupo sa Maynila at sa mga kalapit na probinsya. Nagpatuloy ang grupo sa pamumuno ni Prop. Sergio Esmilla, Jr., ngunit nawalan ng suporta dahil sa pagbaba ng bilang ng mga estudyanteng nais mag-aral ng musika sa bansa.

Noong 1987, nilagay ni Rektor P. Norberto Castillo, O.P ang UST-ROTC Band sa pangangalaga ng konserbatoryo, kaya binuo ang UST Symphony Band at nilagay si Manuel Maramba bilang moderator. Dahil dito, napagdesisyunan na buuin ang UST Symphony Orchestra.

Unang ipinakilala ang orkestra noong Oktubre 1987 sa isang misa sa pag-alaala kay San Lorenzo Ruiz. Noong Disyembre rin ng taong iyon, unang tinanghal ang kanilang konsyerto sa Santissimo Rosario Church. Si Prop. Cecinio Ronquillo, ang pangunahing bass player ng Philippine Philharmonic Orchestra, ang tumayong musical director ng “binuhay” na orkestra hanggang umalis siya patungong Estados Unidos at si Prop. Herminigildo Ranera ang pumalit bilang musical director at conductor.

READ
Is Thomasian spirituality a myth?

Itinatag naman ng mga estudyante ng Conservatory of Music ang Coro Tomasino. Sa pamumuno ni Fidel Calalang, Jr., nakamit nila ang pinakamataas na parangal sa Inter-School Sacred Music Competition noong 1984. Nagwagi naman ang grupo sa isang timpalak na sinuportahan ng Spanish Cultural Center noong 1987, sa pamumuno naman ni Ricardo Mazo.

Binubuo naman ng 15 de-kalibreng musikero na mayroong voice majors ang Liturgikon Vocal Ensemble. Pormal itong inorganisa ng kanilang musical director na si Leo Nilo Mangusad. Itinanghal dito ng koro ang Lorenzo Ruiz, isang cantata ni P. Manuel Maramba sa Cultural Center of the Philippines Little Theater noong Disyembre 1987. Naimbitahan din ang Liturgikon sa iba pang pagtatanghal tulad ng Las Piñas Bamboo Festival at isang konsyerto sa St. Andrew’s Seminary noong 1988.

Sa pamumuno naman ni Eddie Sangcap, naitatag ang UST Jazz Band noong 1987. Pormal itong ipinakilala ni Dekana Alejandra Atabug sa pagbubukas ng Angeles University Library sa Angeles City, Pampanga. Patunay sa kagalingan ni Sangcap ang pagtugtog ng saxophone. Umani na rin siya ng papuri sa mundo ng jazz/pop dahil sa ipinamalas niyang kahusayan. Ibinahagi rin niya ang kanyang husay sa paglikha ng musika sa mga kasapi ng UST Jazz Band.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.