UPANG mapaigting at higit na mabigyan pansin ang pakikipag-ugnayan sa mga alumni ng Unibersidad, isang bagong kagawaran ang nilikha na magsisilbing daan upang mas mapagtibay ang pakikipag-ugnayan sa mga ito.

“Maasahan ngayon ng ating mga alumni ang isang opisina na ginawa para lamang tugunan ang kanilang pangangailangan,” ani Prop. Evelyn A. Songco, ang bagong luklok na direktor ng Office for Alumni Relations (OAR).

Binuo ang nasabing opisinang noong nakaraang Hunyo mula sa dating Public and Alumni Affairs Office na ngayon ay kilala na bilang Public Affairs Office kung saan si Prop. Giovanna Fontanilla pa rin ang naatasang mamuno.

Plano ng OAR na gumawa ng isang data base na maglalaman ng mga mahalagang impormasyon ng mahigit 200,000 nabubuhay pang alumni.

“Marami pa tayong mga alumni na nakakalat sa iba’t ibang bahagi ng mundo at importante na magkaroon tayo ng koneksyon sa kanila,” ani Songco.

Maliban dito, hangad din ng Office for Alumni Relations na maglunsad ng mga programang makakatulong sa pagpapaunlad ng kasanayan ng mga alumni batay sa kani-kaniyang propesyon bilang bahagi ng kanilang continuous learning process bagama’t nakatapos na sila ng pag-aaral sa Unibersidad.

Bukod dito, oobligahin din ni Songco ang bawat magsisipagtaps na magpasa sa OAR ng isang bio-data upang mapadali ang pagkalap nila ng impormasyon at pag-organisa ng mga pagtitipon para sa mga alumni.

“Mas madaling hanapin ang mga estudyante habang sila’y nandito pa sa Unibersidad at mas madali rin silang tawagan kapag mayroon na tayong impormasyon tungkol sa kanila,” ani Songco.

Maliban sa pagkakaroon ng alumni card, agad na mapapabilang ang mga Tomasinong nagsipagtapos sa mga alumni associations na nagtitipon-tipon taun-taon.

READ
HRM students rule food expo tilt

Ayon pa kay Songco, magpapatuloy pa rin ang mga career development programs ng Unibersidad para sa mga alumni sa pamamagitan ng mga taunang job fairs at career seminars upang tulungan ang mga nagsipagtapos makahanap ng trabaho.

Hindi rin, aniya, mawawala ang individual career and mentoring program kung saan maibabahagi ng isang alumnus na malapit ng magretiro ang kanyang kaalaman at karanasan sa mga mas nakababata sa kanya.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.