ISANG linggo bago ang deadline ng pagrerehistro sa aming distrito, saka ko lang naisip na magparehistro.
Pasado alas-diyes ng umaga nang dumating ako sa opisina. Gaya ng inaasahan, maraming tao ang naroon. Mga tipikal na Pilipino nga naman, kung kailan malapit na ang deadline, saka pa lamang kikilos.
Hindi ko gawain ang makipagsabayan sa deadline. Hindi ko alam kung bakit naisipan kong magpahuli. Sabi ko pa, for experience’s sake lang ito. Tumingin-tingin ako sa paligid. Nagbakasakaling may makitang kakilala. Nang walang makita, naghanap ako ng makukuhanan ng registration form subalit ubos na pala. 600 na katao lang pala ang kayang i-accommodate ng Comelec sa bawat araw. At bago pa makakuha nito, bibigyan ka muna ng numero bago magbukas ang opisina. Kapag hindi ka nakakuha ng numero, pababalikin ka kinabukasan. Nasayang ang oras ko sa mga sandaling iyon. Umuwi na lang ako at nagplanong babalik sa ibang araw.
Matapos ang ilang araw, pumunta ako ulit sa Comelec bago pa lang mag-alas-sais ng umaga. Nagulantang ako sa dami ng taong nadatnan. Magulo ang paligid. Narinig kong ubos na rin ang numerong ipinamimigay. Ang nangyari, kinagabihan pa lamang, nagbigayan na ng numero at naglistahan na ng mga pangalan. Ang iba naman, doon na natulog. Nagdala sila ng mga kumot, unan, at banig. Maya-maya pa, humaba ang pila at nakaramdam din ako ng pagkahapo. Nawalan ako ng gana dahil sa pangit na ang lugar, pihadong aabutin pa ako ng siyam-siyam sa haba ng pila. Nagdesisyon ako ng obserbahan muna ang ginagawang pagsasaayos ng lahat. Muntik pang magkaroon ng away dahil sa isang kalituhang nangyari. Nagkahiyawan. Buti na lang at na-control ng mga tao ang kanilang emosyon. Lumipas ang oras. Alas-otso na nang nagdesisyon akong huwag na lang magparehistro—isang desisyong hindi ko lubos-akalaing magpapabago sa aking mga pananaw.
Ilang araw akong nabagabag ng desisyon kong huwag na lang magparehistro. Kahit nai-extend ang deadline ng isa pang linggo, pinanindigan ko ang desisyong iyon. Nag-isip ako ng ilang dahialn upang mapapayapa ko ang aking sarili—mga sapat na dahilan na sa tingin ko’y maglalayo sa akin sa kahihiyan. Isa pa naman akong mag-aaral ng Political Science na may voter’s education advocacy tapos hindi ko magagawang makaboto. Mali rin namang sabihing porke’t Polsci student ako at nanghihikayat ako ng isang matalinong pagboto, dapat na rin akong bumoto. Sabi sa konstitusyon, may karapatan tayong bumoto at kasama rin nito ang karapatang hindi bumoto.
Masakit mang hindi ako makaboto sa darating na halalan, nakaisip naman ako ng ibang paraan upang makagawa ng mabuti para sa bayan. Una, nagsisilbing sign of protest ang hindi pagpaparehistro ng isang potensyal na botanteng kagaya ko. Napansin kong maraming kapalpakan ang logistics ng Comelec. Halimbawa rito ang kakulangan ng registration officers kaya hindi nagawang ma-accommodate ang milyon-milyong kabataan. Kung hindi ako nagkakamali, hindi naabot ng Comelec ang target na bilang ng mga bagong botante. Ang katotohanan, nasa kalahati lamang ng target na bilang ang nakasama. Pangalawa, ipapakita ko sa marami na hindi ang pagboto ang tanging pagkakataon upang makasali sa political process ng gobyerno at hindi rin ito ang tanging paraan upang mapaunlad ang bansa. Pangatlo, mangangampanya ako para sa napupusuan kong kandidato. Sa ganitong paraan, hindi mawawalan ng saysay ang hindi ko pagpaparehistro at magiging mas makabuluhan pa ang aking partisipasyon sa darating na eleksyon lalo na’t karapat-dapat na ihalal ang taong mapipili kong suportahan.