SUNOD-SUNOD na putok ang umalingawngaw sa gabi. Kasunod ang mahabang hiyaw at pagsusumamo ng tulong, humandusay ang isang lalaki sa Gelinos kanto ng Laon-Laan.

Hinawakan ni Marc Santos ang tiyang may tama ng bala. Bagaman nanghihina na, sinubukan niyang humingi ng saklolo.

Patuloy ang pag-agos ng dugo ni Marc, habang sa kanyang dumidilim na kamalayan, pilit na sumisingit ang mga alaala ng kanyang nakaraan.

“Ma naman! Bakit ninyo hinalughog ang mga gamit ko? Wala naman akong itinatago dito ah,” mariin ang pagtanggi ni Marc sa kanyang ina.

“Eh,ano pala ito?,” sigaw ni Elma, hawak ang isang pakete ng Marlboro.

“Dito pala napupunta ang P120 na baon mo. Sa ganitong bisyo lang pala inilalaan mo ang perang pinaghihirapan ng iyong ama!”

“Ma, tama na iyan! Oo na, bumili ako ng isang pakete ng yosi, pero ngayon lang naman. Saka, patikim-tikim lang ito.”

“Patikim-tikim, e nakakaisang pakete ka nga. Huwag mo akong lokohin Marc, hindi uubra ang kasutilan mo sa akin,” buwelta ng ina. “Narinig ko na iyan. Huwag mo akong papakitaan ng bisyo mo habang nananalagi ka sa bahay ko!” Nilukot niya ang pakete ng sigarilyo at itinapon sa basurahan.

“Ano ba ang nangyayari sa anak ko?”, bulong ni Elma sa kanyang sarili habang lumalakad patungo sa kanyang silid. “Ganito ko ba siya pinalaki?”

Sumuka na ng dugo si Marc, sabay tumindi ang sakit sa kanyang tiyan. Tinangka niyang gumapang patungo sa bangketa. Minumulto siya ng mga alaalang matagal na niyang nakalimutan.

Inabangan ni Elma ang pag-uwi ni Marc mula sa isang party. Sinabi ni Marc na makakauwi siya ng hatinggabi, ngunit ika-apat na ng umaga at wala pa rin ang anino ng kanyang anak.

READ
UST posts 48.6 percent passing rate in Bar

Matapos ang ilang minuto, may nagbukas ng garahe at kumatok sa pintuan. Nang buksan ni Elma ang pinto, nakita niya ang namumulang mukha ng lasing na anak.

“Hindi ba’t sinabi mo sa akin na hatinggabi ka uuwi? Eh, magbubukang-liwayway na?” ani Elma.

“Ma, alam mo naman na may party kina Jomards. Matanda na ako at hindi ko kailangang tratuhin na parang bata! Kaya kong umuwi kahit anong oras. Mamaya na lang niyo ako ulit kausapin,” padabog na pumasok si Marc sa kanyang silid.

“Nag-aalala lang naman ako sa iyo. Hindi ba’t sa Ayala Heights nakatira si Jomards? Pagkalabas niyo doon, maraming luko-luko ang nagkalat sa Tandang Sora,” ani Elma.

“Ilang beses ko bang kailangang sabihin sa inyo na binata na ako. Huwag niyo akong pakialaman,” tugon ni Marc. Sabay dabog ng pinto sa kanyang kwarto.

Nakatayo si Elma sa labas ng pinto, magkahalong kalungkutan at pagkalito ang nararamdaman. Alam niyang may maling ginawa si Marc, subalit nais niyang maunawaan ang saloobin nito. Hindi habang panahon mananatili si Marc sa aking piling.

Tuloy pa rin sa pagsusuka ng dugo si Marc, sabay na naulinigan ang mga yabag ng mga taong sumaklolo sa kanya. Itinaas ng dalawang lalaki ang bahaging ulunan at dibdib niya. Tinanggal nila ang uniporme at bumulaga sa kanila ang mga tama sa tiyan ni Marc.

“Isugod na natin sa ospital!” sabi ng isang sumaklolo.

Nakaupo si Marc, kasama ang kaibigang si Sef, sa may Tinoko Park habang may hinihintay na kaklase. Dito, muling naglabas ng sama ng loob ang una.

READ
Delegasyon para sa World Youth Day, handa na

“Naalala mo pa ba iyong naikwento ko sa iyo na nainis si Mama dahil inumaga ako ng uwi? Galing tayo kina Jomards noon.”

“Oo,” tugon ni Sef.

“Nag-away kami uli nung pinag-uusapan na namin ‘yung outing sa Cavite. Mantakin mo, pati gastos at distansya ng lugar, pinalalaki niya! Masyadong malayo raw. Tapos, pinagdiskitahan pa niya ‘yung P3000 na bayad. Problema ko na iyon, ako naman ang mawawalan!”

“Saan mo nga nakuha yung pambayad doon?”

“’Yung P2000, galing sa ipon ko, ‘yung P1000 naman, inutang ko.”

“Pero, hindi ba may iba pang mga gastos sa outing tulad ng pagkain?” tanong ni Sef.

“Baka mangungupit na lang ako mamaya, kapag kukunin ko na ‘yung perang pinapakuha ni Mama. Kayang–kaya ko iyan.”

Kayang-kaya. Muling bumalik sa alaala ni Marc ang salitang iyon. Kayang-kayang magbisyo. Kayang-kayang gumala hanggang sa kalaliman ng gabi. Kayang-kayang gumawa ng paraan makasama lang sa outing ng klase sa isang mamahaling resort. Pero ngayon, pakiramdam niyang ito na ang kanyang katapusan.

Naramdaman ni Marc ang paguuga-uga ng kanyang katawan, na dulot ng mabilis na pagbuhat ng mga tao sa kanya patungo sa ospital. Dumidilim ang kanyang paningin na sinabayan ng pagbula ng dugo mula sa kanyang bibig. Sa oras na ito, napagtatanto na niya ang taong kanyang binigyan ng matinding pagdurusa, ang kaniyang ina. Patawad po Ma, sa lahat ng aking ginawa laban sa iyo. Sorry po.

Laking gulat ni Elma nang tumunog ang telepono. May kakaiba siyang kabang nararamdaman sa mga oras na iyon.

“Hello, kayo po ba ang nanay ni Marc Santos?” tanong ng nasa kabilang linya.

READ
On Newton’s theory of light

“Opo, ako ang nanay niya. Bakit?,” tugon ni Elma.

“Nandito po siya sa UST Hospital, kritikal ang lagay.”

“Ano’ng nangyari kay Marc?”

“Binaril ho siya matapos manlaban sa isang holdaper sa may Sampaloc. Nasa ICU po siya.”

Natulala si Elma sa narinig na balita. Isang minuto ang lumipas bago ito nahimasmasan mula sa pagkabalisa nang muling magsalita ang pulis.

“Hello? Hello, ma’am?”

Dumiretso ang pulis at si Elma sa ospital. Hindi nila inalintana ang ingay sa pasilyong papunta sa ICU. Ilang sandali pa at bumungad sa kanila ang nakaratay na si Marc. Puno ng bandage ang bahagi ng sikmura nito, habang nakaturok ang dextrose sa kaliwang braso. Dahan-dahang lumapit si Elma sa anak.

Habang pinipigil ang luhang papatak na sa mga mata, hinawakan niya si Marc. Hinimas niya ang noo nito. Nais niyang sabihin sa kanya na mahal na mahal niya ito, na kahit ilang ulit na siyang nasaktan, pilit pa rin niyang intindihin ito. Pinapatawad kita, Marc. Ilang minuto ang lumipas bago muling bumukas ang mga mata ng kanyang anak. Bagaman hindi agad makasalita, pinilit ni Marc na sabihin ang nais niyang sasabihin sa ina : “Sorry po.”

Pagkalabas ng mga katagang ito sa kanyang bibig ay naramdaman niya na lumuwag ang kaniyang dibdib. Hinawakan din ang kamay ng ina. Matapos nito, hindi na siya tumuloy sa pagsasalita. Pumikit na rin ang binata at nanatili na ang kanyang kamay sa palad ni Elma. Kinabahan ang ina at tinawag na ang doktor na umaasikaso sa kanyang anak.

“Nasaan si Dr. Velasco? Pakitawag naman siya!” R.J. A. Asuncion

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.