AYON kay Colin Powell, walang lihim sa likod ng isang tagumpay. Para sa kanya, bunga ng paghihirap, dedikasyon, at paghahanda ang bawat panalong nakakamit ng tao sa kanyang buhay. Ang tagumpay, diumano, ay kultura ng mga magagaling at determinado.

Kamakailan lamang ay lumabas ang pinakahihintay na resulta ng nakaraang Nursing board exams noong Hunyo at ikinagagalak kong isulat na sa pagkakataong ito, nagtala ng 98 percent passing rate ang Kolehiyo ng Narsing.

Kung ibabase sa naging resulta noong taong 2006 at sa bilang ng mga kumuha ng pagsusulit ngayong taon, maituturing na nagkaroon ng malaking pag-unlad ang performance ng kolehiyo sa board exams. Kumpara sa 83 porsyento noong 2006, halatang malaki ang naging agwat ng passing rate ngayong taon. Unang beses rin na lumampas sa 500 na mag-aaral na nagmula sa kolehiyo ang kumuha ng eksaminasyon, idagdag pa ang bilang ng mga nag-retake mula sa batch 2006.

Ngunit kung ikukumpara ang resultang ito sa naitala ng kolehiyo noong mga nakaraang taon, marami ang magsasabi na hindi na kagulat-gulat ang passing rate ngayong taon. Sa aking pananaliksik sa mga lumang pahina ng Varsitarian simula dekada 90 hanggang kasalukuyan, hindi bumababa sa 91 porsyento ang passing rate ng kolehiyo.

Sa katunayan, nakapagtala rin ang kolehiyo ng magkasunod na 100 percent passing rate noong 1993 at 1994. Sa parehong magkasunod na taon din nagtala ng pinakamaraming topnotchers ang kolehiyo. Limampu’t tatlo ang pumasok sa unang 20 examinees noong 1993 at 87 naman noong 1994. Si Jimmy Bersamin ng batch 1999 ang pinakahuling Tomasinong nars na nakakuha ng unang puwesto sa Nursing Licensure Exams (NLE).

READ
Lason

Bilang isa sa mga centers of excellence ng Unibersidad, hindi nakapagtataka na nangingibabaw ang magandang reputasyon ng Kolehiyo ng Narsing pagdating sa paghubog nito ng mga dekalidad na mga nars. Ipinapakita lamang ng magandang track record nito sa NLE kung paano ito nagpupursigi na panatilihin ang namanang kultura ng kahusayan at kagalingan sa larangan ng agham pang-kalusugan. Hindi rin mapasusubalian ang paninindigan ng kolehiyo sa pagtutuwid ng mga pagkakamali at anomalya sa isyu ng pandaraya sa nakaraang NLE noong 2006.

Sa susunod na taon, ako at sampu ng aking mga kaklase ang inaasahan at ngayo’y hinahasa ng kolehiyo para sa susunod na NLE sa Hunyo 2008. Isa itong mabigat na hamon para sa amin at kahit buwan pa ang itatagal bago dumating ang araw ng eksaminasyon, kakaibang kaba at pressure na ang aking nadarama. Salamat na lamang at tinutulungan ako at ang aking mga kamag-aral ng kolehiyo sa paghahanda para sa pagsusulit na babago sa aming mga kapalaran.

Maliban pa sa aming intensive review sessions sa bakasyon, ngayon pa lamang ay may mga enrichment classes ng isinasagawa ang Kolehiyo ng Narsing para sa mga nasa ika-apat na taon upang puspusang ihanda kaming lahat para sa NLE. Sa pamamagitan nito, nabibigyan kami ng pagkakataon na balikan ang mga mahahalagang aralin na aming napag-usapan sa loob ng apat na taon ng aming pananatili sa kolehiyo. Hindi lamang ito nakatutulong sa paghahanda para sa NLE kundi para na rin sa aming mga sarili sa patuloy pang pagpapakahusay sa serbisyong aming ibibigay sa aming mga magiging pasyente sa nalalapit na panahon.

READ
Seeing God in the context of the real world

***

Nais kong ipaabot ang aking pagbati sa batch 2007 ng Kolehiyo ng Narsing lalo’t higit sa aking mga kasambahay na sina, Pio Alfonso Gatpandan, Rupert Go, Ike Christian Lee Go, at Gaylord Henson sa matagumpay nilang pagpasa sa nakaraang board exams noong Hunyo. Kasihan nawa kayong lahat ng Maykapal sa pagtahak niyo sa inyong bagong mundo bilang mga registered nurses. Magsilbi sanang inspirasyon sa mga susunod na mga batches ng Kolehiyo ng Narsing ang inyong mga nagawa.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.