BIBILI lamang ng pagkain ang anim na Tomasino nang di-sinasadyang makuryente ang tatlo sa kanila bunga ng live wire na nakahambalang sa kalye ng Dapitan habang nananalasa ang bagyong Dodong noong Agosto 8.

Pagkagaling sa kanilang boarding house sa Kalye Alfredo bandang 7:30 ng gabi, nakahawak si Franz De Jesus, 15, ng basang live wire sa posteng katapat ng Wendy’s Dapitan, ilang metro ang layo sa McDonald’s kung saan binalak nilang bumili ng hapunan. Sinubukan ni Edison Yambot, 17, estudyante ng accountancy, na sagipin si De Jesus subalit ito ay nakuryente rin kasama ni Jancinto Angelo Genuino, 17, na sumubok ding iligtas ang huli. Pawang mga estudyante ng Faculty of Engineering sina De Jesus at Genuino.

Isinugod sa UST Hospital ang tatlong malubhang biktima, samantalang ang tatlo pang Tomasino at apat na mag-aaral mula sa Perpetual Help College na kasama ay bahagya lamang nasaktan.

Lumipat at nanatili sa Manila Doctors ng tatlong araw si Genuino. Hindi nito maigalaw ang kaliwang bahagi ng kanyang katawan. Dalawang araw matapos ang aksidente, muling isinugod sa UST Hospital si De Jesus bunga ng sunod-sunod na pagsusuka.

“Nanghihina ako at dehydrated,” ani De Jesus. “Nakainom kasi ako ng tubig baha.”

Samantala, isang bata ang binawian ng buhay matapos makuryente sa Dimasalang bago pa man makarating sa emergency room ng Holy Infant Jesus Hospital.

Iniutos ng Alkalde Alfredo Lim ang masusing imbestigasyon at ang pagpapataw ng karampatang parusa sa sino mang mapapatunayang may kinalaman sa insidente.

READ
Seeing God in the context of the real world

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.