BINIGYANG-DIIN ni Jun Cruz Reyes ang pagmamahal at paggalang ng isang manunulat sa sariling akda sa ikalawang Ustetika Pampanitikang Palihan na idinaos ng Varsitarian noong Setyembre 17 sa St. Raymund’s Bldg.

“Huwag kayong humingi ng respeto at papuri sa inyong mga akda kung hindi niyo naman ito pinaghirapan,” ani Reyes, dating patnugot ng Diyaryo Hagonoy, kuwentista, makata, at propesor sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) at De La Salle University.

Kasama ni Reyes ang ilang miyembro ng Faculty of Arts and Letters na sina Rebecca Añonuevo, guro sa Literature; Eros Atalia, guro sa Filipino; at Jose Victor Torres, guro sa Feature Writing at Historical Writing, bilang kasapi ng panel sa katha.

Samantala, sina Dean Francis Alfar, speculative fictionist; Charlson Ong, guro sa Literature; at Creative Writing sa Unibersidad ng Pilipinas at Paolo Enrico Melendez, isang fictionist, ang sumuri sa mga akdang fiction ng mga Tomasinong lumahok sa palihan.

Layunin ng palihan na mapaunlad ang kalidad ng mga kathang isinusulat ng mga mag-aaral sa Unibersidad bilang tugon sa mga suliraning nakita ng Varsitarian sa mga ipinasang kalahok sa Gawad Ustetika Paligsahang Pampanitikan nang mga nakaraang taon.

Ipinaliwanag ni Reyes sa 10 Tomasinong dumalo mula sa 12 napiling kalahok sa palihan na kailangan munang magbasa ang isang indibidwal tungo sa ikalilinang ng kanyang kakayahang magsulat.

“Kung hindi kayo magbabasa, mawawalan kayo ng obligasyong moral na magsulat,” ani Reyes, na kilala sa kanyang mga akdang “Tutubi, Tutubi, ‘Wag Kang Pahuhuli sa Mamang Salbahe,” na nagwagi ng unang gantimpala sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature noong 1982, at “Utos ng Hari,” na nagwagi ng unang gantimpala sa Centennial Literary Prize noong 1998. Pinarangalan din siya ng Writer’s Union of the Philippines noong 2000 ng Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas Award.

READ
Rector: Vote pro-life candidates

Sinabi naman ni Atalia na pinaghihirapan ng mga manunulat ang kanilang mga akda at hindi ito tinatapos sa isang upuan lamang. Ibinigay niyang halimbawa ang “Galaw sa Asoge” ni Cirilo Bautista na 13 taong isinulat.

Dagdag pa ni Atalia, ang tauhan ang dapat na nagsasalita sa halip na manunulat upang makabuo ng isang mahusay na kuwento.

Kapwa nagwagi ng unang gantimpala sa Gawad Palanca si Atalia para sa maikling kuwentong “Si Intoy Syokoy ng Kalye Marino,” at si Añonuevo sa koleksiyon ng mga tulang “Sa Tanda ng Pagsisimula ng Buhay.” Isang kilalang mandudula, mananaysay at historyador naman si Torres na nagwagi ng limang beses sa Gawad Palanca para sa kanyang mga dula at akdang kasaysayan.

Samantala, iginiit ni Ong ang kahalagahan ng koneksiyon ng manunulat sa kanyang mga tauhan upang maging makatotohanan at makabuluhan ang isang kuwento.

“Kung higit ninyong alam kung paano mag-iisip ang isang tauhan, higit na magiging makatotohanan at makabuluhan ang inyong kuwento,” ani Ong.

Isang kwentista, scriptwriter at mang-aawit, nakamit ni Ong ang Centennial Literary Prize noong 2002 para sa kanyang nobelang Embarrassment of Riches. Siyam na beses namang nagwagi si Alfar sa Gawad Palanca para sa kanyang mga speculative fiction at dula.

Nagsusulat naman si Melendez, dating project director ng UST Center for Creative Writing and Studies (UST-CCWS), sa magasing Burn ng Hinge Inquirer Philippines at nakapaglathala rin ng kanyang mga akda sa Philippines Free Press at Tomas, ang pampanitikang pahayagan ng UST-CCWS.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.