INAASAHANG magiging mas mabilis at maayos ang Internet sa Unibersidad kapag natapos na ang pagkukumpuni ng network system nito, ani P. Winston Cabading O.P., direktor ng Santo Tomas e-Service Providers (STePs).
Hangad ng STePs, kaakibat ang Trend Technologies Inc., na patibayin ang network system ng Unibersidad sa pamamagitan ng pagbuo ng isang matibay at protektadong network connection na ginagamit sa mga malalaking kumpanya.
“Itinuturing tayo ng ating mga service providers bilang isang malaking kumpanya, kung kaya’t ang klase ng Internet line na nagmumula sa kanila ay nasa enterprise level at siguradong mas mabilis kaysa dati,” ani Cabading.
Ayon kay Ma. Theresa Nabor, network software operations officer ng STePs, ang mabagal na Internet connection ay sanhi ng lumang core switch na kailangang kumpunihin. “Tinatayang sampung taon nang ginagamit ng Unibersidad ang nasabing core switch,” ani Nabor.
Dinagdag pa ni Cabading na bago pa man tuluyang masira ang network system ng Unibersidad at magdulot ng mas malaking suliranin, naisipan na nila itong isaayos nang maaga.
Binanggit ni Cabading na noong ikalawang semestre ng nakaraang taon, nakaranas ang gusali ng Albertus Magnus ng malaking problema sa Internet connection kung saan nahirapan ang STePs na maghanap ng mga materyales at kagamitan upang solusyunan ang nasabing aberya.
“Ang ating network system ay inaasahang tatakbo nang maayos at mas mabilis sa pagbubukas ng ikalawang semestre sa Nobyembre,” ani Cabading.
Bukod dito, sinabi niya na ang pagsasaayos ng network ay unang hakbang sa muling pagkakabit ng Wireless Fidelity (WiFi) Internet connection sa Unibersidad.
Pinag-aaralan din ng StePs sa ngayon ang posibilidad ng pagpapaabot ng WiFi sa mga Tomasinong nakatira sa mga dormitoryo sa paligid lamang ng Unibersidad.
Ngunit kailangan ding isaalang-alang ang mga ilang usaping legal na maaring ipatupad ng National Telecommunications Commission kaugnay ng planong ito, ayon kay Cabading.
“Para sa kaligtasan ng lahat, kinakailangang iparehistro ng mga estudyante at guro ang kani-kanilang mobile devices katulad ng laptops, notebooks, at cellphones,” ani Cabading.
Ipinaliwanag ni Cabading na kailangan ang lubos na pangangalaga sa seguridad ng internal network system dahil ito rin ang gagamiting network sa mga opisyal na pagtitipon na gaganapin sa loob ng Unibersidad.
“Hindi lahat ng website ay maaring bisitahin,” ani Cabading.
Pagsusuri
Bago natapos ang nakaraang taong pang-akademiko, sinuri ng STePs ang WiFi, kung saan 250 ang nagparehistrong respondents. Naglagay ng mga access points sa Plaza Mayor, Quadricentennial Park at sa unang palapag ng Main Building. Natapos ang pagsusuri noong ikalawang linggo ng Mayo at kasabay nito ay inilunsad na ang online WiFi survey.
Ang survey ay nahahati sa tatlong bahagi: Mobile Devices Information, Wireless Network Service, at Client Information.
Sinabi ni Nabor na dahil sa hindi naipamalita nang husto ang tungkol sa survey, kaunti lamang ang sumagot dito (138 na estudyante, 13 guro, at isang alumni). Ang bilang na ito ay malayo sa inaasahang 1000 respondents. Napag-alamanan mula sa survey na karamihan sa mga sumagot ay nagmamay-ari ng laptop bilang kanilang pangunahing mobile device at naghahangad na magkaroon ng Internet connection sa loob ng Central Library, sa silid-aralan, at sa “open areas” gaya ng Quadricentennial Park.
“Ang mga patakaran sa paggamit ng WiFi ay kasalukuyang naka-draft pa lamang habang inaantay ang kasagutan ng 1000 respondents,” ani Nabor. “Inaanyayahan namin ang buong Thomasian community, lalo na ang mga estudyante na sagutan ang survey, na matatagpuan sa website ng EdTech, upang mas maging maayos ang sistema na aming ipapatupad.”
Samantala, sinabi ni Cabading na kinakailangang magkaroon ng pansariling WiFi account ang mga nagnanais na gumamit nito, kung saan ang mga mobile devices na gagamitin ay dapat iparehistro upang pigilan ang mga mga taga-labas sa paggamit ng nasabing serbisyo.
Dinagdag pa ni Cabading na hindi maipapangako na magiging libre ang paggamit ng WiFi.
“Dahil sa gastusin na inilaan para sa planong pagpapatupad ng WiFi, kinakailangan din na magkaroon ng reasonable source of income,” ani Cabading.