MARAMI sa mga Pilipinong makatang nabuhay noong unang bahagi ng nakaraang siglo ang maingat na sumunod sa mga tradisyunal na tuntunin ng panulaan. Ngunit, isang Tomasinong makata ang natatangi dahil sa kaniyang pangunguna sa pagsalungat sa mga ito.

Itinuturing si Alejandro G. Abadilla bilang “Ama ng Modernistang Panulaang Tagalog” dahil sa kaniyang paggamit ng malayang taludturan at makabagong pananalita sa kaniyang mga akda. Una niya itong ipinakita nang kaniyang ipalathala noong 1940 ang tulang “Ako ang Daigdig,” kung saan mapapansin ang pagiging matipid ni Abadilla sa paggamit ng mga salita subalit puno naman ang mga ito ng mga kahulugang-pilosopikal. Kabilang sa iba pa niyang mga akdang kinakitaan ng istilong ito ang “Sanaysay sa Sarili,” “Parola,” at ang koleksyong Tanagabadilla, kung saan binago niya ang nakagisnang hubog ng tanaga (isang uri ng tulang-Tagalog na may apat na taludtod) sa pamamagitan ng pagbawas ng isa sa pitong pantig ng nakagawiang porma nito.

Nakapagtapos si Abadilla ng kursong Pilosopiya sa dating UST Faculty of Philosophy and Letters noong 1931. Bago siya nag-aral sa Unibersidad, nagtrabaho muna si Abadilla sa isang maliit na palimbagan sa lungsod ng Seattle sa Estados Unidos noong 1927. Sa kanyang isang taong pananatili rito, naging patnugot si Abadilla ng seksiyong-Pilipino ng pahayagang Philippine Digest at tagapamahalang patnugot ng lathalaing Philippine-American Review. Itinatag din niya sa Estados Unidos ang Kapisanang Balagtas na naglalayong palaguin ang paggamit ng wikang Tagalog.

Bukod sa pagsulat ng mga tula, naging kritikong-pampanitikan din si Abadilla. Mula 1932 hanggang 1936, itinatampok niya sa kaniyang pitak na “Talaang Bughaw” ang kaniyang mga pagsusuri sa mga tula at maikling kwentong inilalathala sa mga pahayagan. Kanya ring itinipon ang ilang mga tulang Tagalog mula ika-19 na siglo hanggang dekada ‘40 sa koleksyong pinamagatang Parnasong Tagalog na nailathala noong 1964. Ayon kay Francisco Arcellana, na isang Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan, ang libro ay tinuturing bilang katangi-tangi dahil ito raw ang unang koleksyon ng mga pinakamagandang tulang naisulat sa wikang Tagalog.

READ
Finding the elusive last piece

Bukod dito, pinamatnugutan din ni Abadilla ang mga koleksyon ng maikling kuwento gaya ng Mga Kuwentong Ginto, kasama si Clodualdo del Mundo (1936), Ang Maikling Kathang Tagalog, kasama sina Frederico Sebastian at A.D.G. Mariano (1954); at Maikling Katha ng 20 Pangunahing Awtor kasama si Ponciano B. Pineda (1957). Katuwang rin siya ni Elpidio Kapulong sa pagsulat ng nobelang Pagkamulat ni Magdalena noong 1958.

Kasama rin si Abadilla sa mga nagtatag ng Kapisanang Panitikan noong 1935, isang grupo ng mga manunulat sa wikang Tagalog na kung saan kasapi rin sina Teodoro Agoncillo, Brigido Batungbakal, at Genoveva Edroza-Matute. Naging patnugot din siya ng pahayagan ng grupo, ang Panitikan, na naglalayong palaganapin ang hangarin nitong maiangat ang kalidad ng panitikang Tagalog.

Bukod sa pagiging manunulat at kritiko, naglingkod din si Abadilla bilang konsehal ng bayan ng Rosario, Cavite kung saan siya ipinanganak at lumaki. Nagtrabaho rin si Abadilla bilang ahente ng isang kumpanya ng insurance noong dekadang din iyon. Pumanaw siya noong Agosto 26, 1969 sa edad na 63 taong-gulang.

Sa kaniyang pagtiwalag sa mga nakagisnang alintuntunin ng panulaang-Tagalog, nagsilbing huwaran si Abadilla sa mga sumunod na henerasyon ng manunulat hinggil sa maingat na pagsusuri sa pagsulat ng tula. Joseinne Jowin L. Ignacio.

Tomasalitaan:

bungkok (pang-uri) – walang pag-unlad


Halimbawa:

Kinamumuhian ng mga bihasang manunulat ang bungkok na kalagayan ng panitikan.


Sanggunian:

The Varsitarian, Tomo 78, Blg. 10, March 23, 2007

Panitikan.com.ph

Livinginthephilippines.com

Virgilio Almario, “Ang Ideolohiya ng Pagtula ni Alejandro Abadilla,” Tomas 5 Literary Journal 5

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.