NASA gitna kami ng isang masinsinang usapan ng aking kasama nang madama kong may kung anong sumampa sa akin. Isang bata. Nagitla kami sa bigla niyang pagsulpot sa bukana ng dyip. Pinili ko kasing umupo sa bukana ng dyip upang madaling makababa, kaya sa akin sumampa itong munting bata.
Madilim man ay malinaw na malinaw siya sa aking paningin—isang musmos na nasa pagitan ng lima hanggang pitong taon, patpatin, gula-gulanit ang damit, subalit di pangkaraniwan ang maamo nitong mukha.
Ibang-iba rin ang pares ng kanyang mga mata sa lahat ng mga nakita kong nilalang na nagkalat sa lansangan. Ipinatong niya ang isa niyang kamay sa aking kamay, habang hawak ang ilang tali ng sampagita.
“Bilhin na po n’yo itong sampagita.” pakiusap ng bata, habang patuloy sa banayad na pangangalabit.
“Sige na po,” patuloy niyang paghimok, tila nilalambing at sinusuyo kami upang iuwi ang mga natirang sampagita. “Gusto ko na pong umuwi.”
Walang pag-aatubili, iniabot ko ang sampung piso. Iniabot niya ang mga sampagita sa akin at kaagad na lumisan nang sabihin ng aking kasamang nagberde na ang stop light. Di man siya nagpasalamat, nag-iwan siya sa akin ng isang tingin na tutop kong tigib nito.
Agad naman naming pinaghatian ng aking kasama ang mga bulaklak. “Ilagay natin sa altar,” bilin ko pa sa kasama.
Pagkarating ko sa bahay, agad kong tinungo ang aming Santo Niño sa ibabaw ng refrigerator. Nang isasabit ko na ang sampagita, bumalik sa akin ang batang magsasampagita. Ang mga mata ng Santo Niño at ng bata ay tila iisa.
Panalangin: Ama, itulot mo pong sa Iyong bawat pagbisita sa aming mga buhay, patuloy naming isabuhay ang iyong mga salita. Patuloy nawang manahan sa amin ang Iyong mga salita, sa aming paglalakbay upang marating ang lunan Mong dakila. Nawa’y sa gitna ng gulo at galaw ng pang-araw-araw na pamumuhay, maipaalala mo ang aming pangangailangan sa Iyong pagkalinga’t paggabay. Na kailangan naming ang bawat tinapay na salita na bumubukal mula sa Iyo. Amen.