“HINDI ito para sa mga mahihina ang loob.”

Ito ang naging babala ni Beverly Siy sa sinumang magbubuklat ng mga pahina ng Palalim nang Palalim, Padilim nang Padilim (Fox Literary House, Inc., 2008), kalipunan ng mga kathang nakakapanindig-balahibo.

Pinamatnugutan ni Siy, na nagtapos ng kursong Malikhaing Pagsulat sa Filipino sa Unibersidad ng Pilipinas (UP), Diliman at kasalukuyang nagtuturo ng Filipino sa UST College of Commerce, binubuo ang libro ng 20 maikling kuwento na isinulat ng ilang manunulat mula sa UP-Diliman.

Patungkol sa kalagiman ang mga kuwento sa libro na nahahati sa tatlong bahagi: Sasakyan, Natatanging Okasyon, at Lunan.

Naganap sa iba’t ibang uri ng sasakyan sa lungsod ang mga kuwento sa unang bahagi, na ayon kay Siy ay “tungkol sa pighati ng mga nasawi sa siyudad.”

Isa sa mga kuwentong ito ang kuwentong “Patok” ni Wennie Fajilan na umiikot sa pagtuklas ng isang misteryo. Tungkol ito sa pagsasawalang-bahala ng mga mag-aaral sa babala ng kanilang guro na umiwas sa panganib lalo na at nalalapit ang kanilang pagtatapos.

Matinding pagseselos naman ang bumabalot sa akdang “Palalim nang Palalim, Padilim nang Padilim” ni Siy. Madalas umanong makita na may kasamang lalaki ang nobya ni Renier gayong malapit na silang ikasal. Mariin itong itinanggi ng kanyang nobya, subalit nang magbakasyon sila sa isang resort, nakita niyang kasama nito ang sinasabing lalaki sa jet ski.

Bukod sa pagtuklas sa mga palaisipan, ipinapakita sa ilang mga istorya ang mga makalumang pamahiin na hanggang ngayon ay bahagi pa rin ng kulturang Pilipino tulad ng sa akdang “Karo” kung saan hindi raw dapat matulog sa labas ng bahay dahil kapag dumaan umano ang karo ng patay ay hihigupin nito ang kaluluwa ng natutulog.

READ
Opus

Sa bahagi ring ito, ipinakita na may mga taong hindi kaagad nakakaahon sa kalungkutang dulot ng pagkasawi ng minamahal, na ipinamalas sa mga akdang “Red-Eye” ni Rita dela Cruz at “Ang Kapitbahay” ni Haidee Pineda. Ang una ay tungkol sa taunang pagsakay ng pangunahing tauhan sa eroplanong bumibiyahe upang abutan ng pagpapalit ng taon bilang paggunita sa pagkamatay ng kanyang ina. Samantala, ang ikalawa naman ay nagpapakita ng hapis ng isang ina sa pagkamatay ng kanyang batang anak.

Ani Siy, “May kung anong enerhiya ang nananatili sa probinsiya kaya lunsaran pa rin ito ng kahindik-hindik na mga kuwento.” Sa kaisipang ito umiikot ang ikalawang bahagi ng koleksiyon.

Tila isang pagpapaalala naman ang “Taong Putik” ni Rita dela Cruz na ang tao ay nagmula sa putik. Ayon sa misteryosong tauhan sa kuwento, “simbolo (ito) ng pagbabalik ng tao mula sa primitibong panahon, panahon nang ang tao at ang kalikasan ay iisa…” Sa kanyang pagdalo sa Mudpack festival sa Negros Occidental nakaranas siya ng kahindik-hindik na pangyayari sa resort na kanyang tinutuluyan.

Nakakakilabot na Araw ng mga Puso naman ang tagpo sa “Mapulang Araw” ni Wennie Fajardo. Sa kalagitnaan ng kanilang pag-uusap ng manunulat na si Zora at ng kanyang kaibigan, nagsisigaw si Zora nang mapuno ng hindi mabilang na mga taong sugatan at duguan ang kanyang kuwarto.

Tungkol naman sa mga lugar na hindi aakalain ng mambabasa na pamumugaran ng kababalaghan ang paksa ng mga akda sa ikatlong bahagi.

Una na rito ang “Ang Tambayan ni Boy Dugyot” ni Pineda, na naglalahad sa kakaibang nakikita ng taong-grasang si Boy Dugyot sa overpass na kanyang pinamamalagian.

READ
In and out of cinema season

Nakatuon naman sa nakakatakot na karanasan sa pag-overtime ng isang manunulat ang kuwentong “Rooftop” ni Rita dela Cruz. Dito, natuklasan ng manunulat na hindi siya nag-iisa habang naninigarilyo sa rooftop ng kanilang opisina.

Bagama’t may ilang bahagi ang koleksyon na may pagkatradisyunal ang pagkakasulat, karamihan ng mga manunulat ay kontemporaryo ang istilong ginamit sa paglathala ng kanilang mga katha. Ang nasabing pamamaraan ang nagbibigay ng mabilis na daloy ng mga istorya na huhuli sa interes at kikiliti sa imahinasyon ng mga mambabasa.

Mapapansin din na hindi lamang pananakot ang layunin ng libro kung hindi ang talakayin rin ang mga kontrobersyal na isyu tulad ng domestic violence sa mga kuwentong “Mother’s Day” ni Mar Anthony dela Cruz at homosekswalidad at prostitusyon sa akda ni Pineda na “Ang Urinal sa Cubao.”

Gayunpaman, may ilang akda na madaling mahulaan ang kahihinatnan ng mga gawain ng pangunahing tauhan, tulad ng sa naunang inilabas na komersiyal na horror story pocketbooks. Ang kaibahan nga lamang, ang mga istorya sa huli ay hango sa totoong buhay, hindi tulad ng sa Palalim nang Palalim na halos lahat ay likhang-isip lamang. Bukod pa rito, mas sopistikado ang mga salitang ginamit sa mga akda sa huli.

Nakatulong rin sa aklat ang mga guhit ni Josel Nicolas, mag-aaral ng Advertising Arts sa UST, upang mas maging kapanapanabik ang pagbabasa ng libro. Wala mang kulay ang mga ito, malinaw namang nailalarawan ng bawat dibuhong ginamitan ng istilong sureyalismo ang mga mensaheng nais ipabatid ng mga akda.

Sa kabuuan, nagbibigay ang Palalim nang Palalim, Padilim nang Padilim ng mga posibilidad at kaalaman na maaaring mag-alis o makadagdag sa takot ng mambabasa. Masisigurong sa pagbabasa ng mga kuwento ng lagim sa aklat na ito, lalong lalalim ang iyong pag-unawa sa mga “kadiliman” ng mundo.

READ
Golden Memories

1 COMMENT

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.