Habang nagpapalit ng damit pantulog, nakita ko ang college diploma ko na nakatago sa kabinet kasama ng mga damit. Hindi ko muna ito isinabit sa pader dahil kapag nakita ito ni Tatay, baka magalit na naman siya sa akin. Pinapaalala kasi nito ang pagsuway ko sa kagustuhan niya. Kinuha ko ito at saka pinagmasdan.
Natapos ko naman ang kursong gusto ko pero bakit nag-aalangan akong pumunta sa interbyu bukas?
***
Mas mabuti pa yata kung nagdyip na lang ako kaysa nag-FX. Kaya nga ako nag-FX para hindi ko maramdaman na tag-init na pala. Kaya lang, halos wala nang maibugang lamig ang air-con. Naka-long sleeves pa ako kaya’t halos maligo na ako sa pawis. Sayang lang ang ibinayad ko.
Trapik pa kanina. Muntik na akong ma-late sa interbyu sa isang call center sa Ortigas. Buti na lang, may nauna sa akin. Sabi nga nila, first impressions last. Nakakahiya naman kung hindi naging maganda ang bungad ko sa magiging boss ko.
“Mr. Patrick Reyes. Pasok na po kayo sa loob,” sabi ng sekretaryang nagbabantay sa aming mga aplikante. Kinuha ng sekretarya ang aking mga ipinasang requirements kasama na ang kopya ng diploma ko.
Kinabahan ako pagpasok sa opisina ng mag-iinterbyu sa akin. Malamig naman sa loob ng opisina pero tumatagaktak ang pawis ko.
“Take a seat, Mr. Reyes,” bungad sa akin ng mag-iinterbyu na may bahid ng katarayan ang boses. Lalo pa akong kinabahan nang magsimula siyang magtanong.
“So you’re a Journalism graduate. Siguro hindi ka mahihirapan sa training,” sabi niya habang tinitingnan ang resume ko.
“Are you willing to work on a graveyard shift?”
“Yes Ma’am. I’m very willing.”
“So I think wala na akong dapat pang itanong.”
Ganoon lang? Parang sayang naman ang kabang naramdaman ko at ang isinuot ko kung ganoon kaikli lang ang interbyu niya sa akin.
“You have impressive credentials. Student-assistant and cum laude graduate ka pa. Siguro pinagkakaguluhan ka kung saan ka man mag-apply. Bakit dito mo gusto magtrabaho?”
“Because I want to earn money?” Hindi ko talaga alam ang dapat isagot.
Napansin ko ang reaksyon niya. Tila napangiti siya sa isinagot ko.
“I like your honesty,” sabi niya pagkatapos ay isinara ang folder na naglalaman ng resume ko. “That’s all. We’ll call you anytime this week.”
Habang papalabas ng gusali, naisip kong sa libu-libong nagtapos sa kolehiyo ngayong taon, mapalad na ako kung matatanggap ako dito. Hindi man ito ang gusto ko, mas mabuti nang may kinikita kaysa maging pabigat ako sa pamilya ko.
Malaking isyu sa pamilya namin na journalism ang kursong kinuha ko. Sabi ni Tatay, sayang lang daw ang ibabayad niyang matrikula dahil hindi naman daw ako kikita ng malaki sakaling magtapos ako dito.
Pero nagmatigas ako. Inilihim ko sa kanya na nag-confirm na ako ng enrolment sa kursong ito. Buong akala niya, civil engineering ang kinuha ko.
Ang alam ko, nais ni Tatay na maging inhinyero noong kabataan niya. Kaya lang, wala namang sapat na pera sina Lolo’t Lola kaya’t ipinasok si Tatay ng kanyang tiyuhin sa isang training program para maging bumbero.
Noong bata pa lang ako, madalas niyang sabihin sa akin na dapat daw ay maging inhinyero ako para matupad ko ang pangarap niya. Pero kahit kailan, hindi sumagi sa isip ko ang kumuha ng engineering.
Kaya lang, hindi ko rin naitago sa kanya ang ginawa ko. Halos umusok ang tainga niya sa galit nang makita niya sa registration form ko na sinuway ko ang gusto niya.
“Sa susunod na semestre, bahala ka na kung saan mo kukunin ang ipambabayad mo sa pangmatrikula mo!”
Halos isumpa niya ako, pero pinanindigan ko ang naging desisyon ko.
Nang magsimula na ang unang semestre, talagang nagsunog ako ng kilay para maipakita ko kay Tatay na kaya kong panindigan ang naging pasya ko. Nagbunga naman ang pagsisikap ko dahil nakapasok ako sa dean’s list. Pero hindi natinag si Tatay. Pinanindigan pa rin niya na hindi siya magbibigay ni isang kusing para sa pag-aaral ko.
Gusto ko sanang ipamukha sa kanya ang karapatan ko bilang anak niya na pag-aralin niya, pero parati akong nauunahan ng hiya dahil sa hindi ko pagsunod sa gusto niya. Kung kaya noong mga oras na iyon, napagdesisyunan kong ako na mismo ang gagawa ng paraan para matupad ang pinili ko para sa akin.
Lakas-loob akong nagpasa ng mga requirements, kumuha ng IQ tests, at sumabak sa sunud-sunod na interbyu upang matanggap bilang student-assistant sa unibersidad. Sa awa ng Diyos, isa ako sa mga napili para magtrabaho sa silid-aklatan.
Hindi biro ang pagsabayin ang pagtatrabaho at pag-aaral pero hindi naman ako umabot sa puntong mag-drop ng mga klase para makapag-duty. Araw-araw din akong umuuwi ng gabi, at hindi ko na mabilang kung ilang beses na rin akong pinagagalitan ni Tatay sa tuwing uuwi nang gabi kahit alam niyang trabaho ang dahilan ng pag-uwi ko ng gabi.
Pero hindi sumagi sa isip ko ang maglayas. Kahit madalas akong bulyawan ni Tatay. Ang importante ay sinusustentuhan pa rin niya ang aking mga pangangailangan maliban sa aking pag-aaral.
***
“Kuya, kanina ka pa hinihintay ni Tatay,” bungad sa akin ni Nica pagpasok ko sa bahay.
Nakita ko si Tatay na nakaupo sa may hapagkainan. Maaga siyang umuwi. Dapat ay on-duty siya ngayon. Tinawag niya kami upang sabay-sabay na kumain.
“Ano? Natanggap ka ba?” tanong ni Tatay.
“Tatawagan na lang daw po ako.”
“Sinasabi ko na nga ba. Wala kang mapapala sa kursong tinapos mo. Kung nag-engineering ka na lang sana, madali ka pang makakahanap ng trabaho basta nakapasa ka sa board exam.”
Hindi ako umimik at pinagpatuloy ang pagkain.
“Mag-call center ka na lang tulad ng mga pinsan mo. Siguro naman kahit papaano magagamit mo doon ‘yang pinag-aralan mo.”
Tumayo ako at inilagay ang pinagkainan sa lababo. Matapos maghugas ng kamay, umakyat na ako sa kuwarto.
“Nakakainis talaga siya. Wala siyang karapatan na sabihin iyon sa akin dahil ako mismo ang nag-paaral sa sarili ko.” Kausap ko sa telepono si Jay, ang matalik kong kaibigan.
“Hayaan mo na lang ang Tatay mo, Patrick. Ang mas mahalaga ngayon, makahanap ka ng trabaho para makatulong ka sa pamilya mo. Siya nga pala, kamusta naman iyong interbyu mo kanina?”
“Tatawag daw within this week kung tanggap daw ako.”
“Siguro naman tatanggapin ka nila dahil lamang ka na ng job experience sa ibang aplikante.”
Pareho kami ni Jay na student-assistant noong kolehiyo. Naalala ko pa na siya ang nagpatatag ng loob ko noong mga oras na gusto ko nang sumuko.
Minsan habang naka-duty, may isang mag-aaral na naghahanap ng isang libro na hindi ko makita. Sa inis niya, sinabihan niya akong: “Pinag-aaral lang kita kaya dapat gawin mo ng maayos ang trabaho mo.”
Hindi ko na napigilan ang mapaluha. Sa hirap at pagod na ibinuhos ko sa pag-aaral at pagtatrabaho ng maayos, hindi yata tamang makarinig ako ng masakit na salita mula sa kanya. Lumapit sa akin si Jay at sinabing intindihin ko na lang ang estudyante.
“Tayo na lang ang umintindi, Patrick. Ang importante, ginagawa natin ang kung ano sa tingin natin ang tama.”
Bilib nga ako kay Jay. Kahit na mas gusto niya ang kumuha ng kursong literature, mas pinili niyang mag-nursing para mapagbigyan ang kahilingan ng kanyang mga magulang. Kahit halos hindi na siya nakakatulog para makapag-duty sa ospital, sa silid-aklatan, at mag-aral para sa mga pagsusulit, tinitiis niya. Kaya nga kapag siya ang nagbibigay ng payo, nakikinig ako dahil alam kong mula iyon sa karanasan niya.
“Kamusta naman ang pag-a-apply mo sa media companies? May tumawag na ba sa’yo?” tanong ni Jay, pagpapatuloy ng pag-uusap namin.
“Wala pa. Nang ako naman ang tumawag, wala pa raw bakante.”
“Bakit hindi ka na lang kasi tumuloy sa call center?”
Ipinangako ko talaga sa sarili ko na kapag nakapagtapos na ako ng pag-aaral, hinding-hindi ako papasok sa call center. Pakiramdam ko kasi, hindi ako uunlad bilang isang tao kung doon ako magtatrabaho.
“Nasa sa iyo naman ‘yan kung hahayaan mo ang sarili mo na ma-stuck sa call center.”
Nakita kong nakasilip si Nica sa pintuan kaya’t ibinaba ko ang telepono at pinapasok siya sa kuwarto.
“Kuya, may tumawag galing sa Pilipino Star. May interbyu ka raw bukas sa Port Area. Sabi ni Tatay, huwag ko raw sabihin sa iyo pero naisip kong mas gusto mo naman doon, ‘di ba?” sabi niya sabay yakap sa akin. “Pupunta ka ba doon bukas?” usisa niya.
Hindi ko alam kung anong dapat isagot. Lumabas si Nica ng kuwarto.
***
“Kuya, telepono. May naghahanap sa iyo,” sabi ni Nica habang ginigising ako.
Kinausap ko ang taong nasa kabilang linya. Pagkababa ng telepono, napansin kong hawak ko pala ang diploma ko. Nakatulog pala ako habang hawak iyon. Pumasok ako sa banyo para maligo.
Maayos ang air-con ng sinakyan kong FX. Walang trapik. Sandaling tumigil ang sasakyan. Tinitigan ko ang traffic light. Naalala ko si Tatay. Kasing pula ng ilaw ang galit ni Tatay sa akin nang hindi ko siya sinunod sa kanyang kagustuhan.
Itiniklop ko ang manggas ng suot kong long sleeves. Naguguluhan pa rin ako sa dapat kong gawin. Nag-text ako kay Jay. Agad siyang sumagot.
“Kung naguguluhan ka, isipin mo na lang na para kang nag-e-exam. Just choose the best answer.”
Muli kong ibinaling ang aking tingin sa traffic light. Naging berde na ang ilaw. Ilang minuto pa ang tinakbo ng FX. Malapit na ako sa opisina. Pagkababa sa sinasakyan ay pumasok na ako sa gusali.
Masikip ang daanan papasok sa gusali dahil maraming papalabas. Katatapos lang yata ng shift nila. May mga mabagal maglakad habang nagka-kape at mayroon namang nagmamadaling makalabas. Pero iisa ang napansin ko sa kanila: tila inaantok na sila at may malalaking eyebags.
Nang makarating sa conference area ay nakita ko ang sekretarya. Ipinakilala niya ako sa iba pang makakasama ko. Nasa sampu kaming tinanggap sa kumpanya. Dadaan daw muna kami sa communication skills training sa loob ng isang buwan bago tuluyang sumabak sa pagtatrabaho. Ang maganda pa, may suweldo na kami kahit nagte-training pa lang.
Umuwi ako kaagad matapos ang orientation. Habang nasa biyahe papauwi, nag-text ako kay Jay.
“Sabi na nga ba, tatanggapin mo rin ang trabahong iyan. Huwag ka nang mag-isip pa. At least, napagbigyan mo ang Tatay mo ngayon,” sagot ni Jay.
Nasa bahay na si Tatay. Maaga na namang natapos ang duty niya. Inabot ko ang kanyang kamay at saka nagmano. Papasok na sana ako sa kuwarto nang magsalita siya.
“Sinabi pala sa iyo ni Nica na may tumawag mula sa isang diyaryo. Pinuntahan mo ba?”
Tinitigan ko siya. Hindi ko mabasa sa mukha niya kung anong gusto niyang ipahiwatig. Akmang bubuksan ko na ang pinto ng kuwarto ko nang magtanong siya.
“Saan ka ba galing?”
“Orientation ko po sa call center kanina.”
Hindi ko na hinintay ang sasabihin niya. Pumasok ako sa loob ng kuwarto at saka nagpalit ng damit.