ISANG kahibangan ang panukalang palitan ang pangalan ng bansa upang tanggalin ang impluwensya ng mga dayuhan dito, wika ng isang tanyag na historyador.

Ayon kay Jose Victor Torres na nagtuturo ng kasaysayan sa Pamantasang De La Salle, hindi maiaalis ang impluwensya ng mga dayuhan sa Filipinas dahil sa “inculturation” na pinapakahulugang pagtangkilik ng kultura ng ibang bansa at pagbibigay nito ng panibagong identidad sa sinakop na bansa.

“Tunay na mayroong nabubuhay pang tradisiyon na tunay na Filipino pero ang mga tradisiyong ito ay bunga rin ng impluwensiya ng mga dayuhan na bago pa dumating ang Kastila,” wika ni Torres.

Dagdag pa niya, bunga ng iba’t ibang kultura na galing sa iba’t ibang dayuhan ang identidad natin bilang Filipino.

“Ano ang tatanggalin? Ano ngayon ang tunay na Filipino?” giit niya.

Gayunman, hindi na bago ang panukala ni Gary Alejano, party-list representative ng Magdalo, na baguhin ang pangalan ng Filipinas sapagkat mayroon na ring ilang personalidad na gumawa ng parehong pagtatangka ilang dekada na ang nakalipas.

Ayon sa Parliamentary Bill 195 na isinulong ng dating senador na si Eddie Ilarde noong 1978, “Maharlika” ang dapat na ipalit sa pangalan ng bansa. Paliwanag niya, galing ito sa salitang Sanskrit na “Maha,” nangangahulugang “great” o “noble,” at salitang “Likha” na isinasalin sa Ingles bilang “create.” Samakatuwid “nobly created” ang ating bansa at ang mga naninirahan dito.

Sang-ayon naman dito ang akdang “Why We Should Change the Name Philippines” na isinulat ng historyador na si Celedonio Resurreccion sa parehong taon. Isinaad niya sa kaniyang saliksik na karaniwan lamang ang pagpapalit ng pangalan ng mga bansa.

Ilan sa mga halimbawa niya ang mga bansang Taiwan na dating tinawag na Formosa, Malaya na tinatawag nang Malaysia, Nueva España na lumang pangalan ng Mexico, at marami pang ibang bansa.

Iminungkahi ni Resurreccion ang mga pangalang Solimania na galing kay Raja Soliman, Luzvimin na galing sa mga unang pantig ng Luzon, Visayas, at Mindanao, Perlas ng Silangan na galing sa “Perlas del mar del oriente” ni Jose Rizal, at Rizalinas o mga isla ni Rizal.

Ayon kay Torres, isang mahabang proseso ang pagpapalit ng pangalan ng isang bansa. Kailangang sumailalim ito sa referendum sapagkat hindi raw ito desisyon ng pinuno lamang.

“Kung ang pagpili ng isang pinuno ng bayan ay dinadaan sa isang boto, bakit hindi ang pangalan ng bayan?” wika niya.

Dagdag pa niya, marami pang ibang usapin na mas mahalaga ang kailangang pagtuunan ng pansin ng pamahalaan.

“Di bale sana kung ito ay magbibigay solusyon sa mga problemang panlipunan.  Pero sa ngayon wala akong nakikita,” pagdidiin niya.

Samantala, inilahad naman ni Augusto de Viana, pinuno ng Departamento ng Kasaysayan, na isang hakbang patungo sa pagiging makabayan ang pagpapalit ng pangalan ng Filipinas. Wika niya, sa pangalan nagsisimula ang pag-unlad ng isang bansa at pagbibigay-karangalan dito.

Ilan sa mga binigay niyang halimbawa ang Chung Kuo na tawag ng mga Tsino sa China, Malaysia na “Land of the Malays” ang kahulugan, at Nippon (land of the rising sun) na tawag ng mga Hapon sa Japan.

“Magbibigay ka ng pangalan na magbibigay ng pride sa’yo… Kaya nga may kasabihang ‘alagaan mo ang pangalan mo kasi ‘yan ang ibinigay sa’yo,’” sabi ni de Viana.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.