PATULOY na makararanas ang Unibersidad ng pagbaha tuwing tag-ulan kung wala pa ring agarang aksyon ang lokal na pamahalaan ng Maynila, ayon kay UST Buildings and Ground sassistant superintendent Antonio Espejo.
Nauna nang ipinahayag ng lokal na pamahalaan na ang problema sa pagbaha ay sanhi ng mababang lugar na kinatatayuan ng Unibersidad. Nakadaragdag din ang mga squatters na naninirahan sa lugar ng España-Sampaloc sa problema dahilan sa mga itinatapon nilang basura sa mga estero na nagiging sanhi ng pagbara ng mga ito.
Sa pahayag ni Manila assistant city engineer Armando Andres, wala pang agarang solusyon ang pamahalaang lokal dito ngunit may mga pinaplano nang proyekto sa mga susunod pang taon.
Ayon kay Espejo, kung walang maibibigay na solusyon ang lokal na pamahalaan, tiyak na lalala pa ang problema ng baha.
Bagama’t walang maibibigay na agarang solusyon ang lokal na pamahalaan, ipinahayag ni Espejo na may mga proyekto namang isinasagawa ang Unibersidad upang maibsan ang naturang problema.
Kasama rito ang flood control project ng Unibersidad na isinagawa sa St. Raymund’s Building.
Ito ay ang “mega dike” na inilagay sa mga entry points ng gusali na haharang sa tubig baha na magmumula sa Dapitan St., ayon kay Espejo.
“Sa ngayon may mga flood control project tayong isinasagawa (sa St. Raymund’s Building). Pero kanselado ito ngayon dahil sa construction ng tangke sa likod ng building,” ayon kay Espejo.
Noong nakaraang Hulyo 22, matatandaang naipon ang tubig baha sa loob ng St. Raymund’s Bldg. dahil sa pag-apaw ng tubig mula sa mga palikuran sa unang palapag ng gusali.
Ayon kay Espejo, ang pag-apaw ay sanhi ng tinamaang pasilidad sa likod ng gusali dahilan sa ginagawang tangke ng tubig.
Naipon ang tubig baha sa loob dahil sa hindi ito agad nakaagos palabas ng gusali sanhi ng isinagawang “mega dike” sa mga pintuan nito.
Ngunit ayon kay Espejo, ang proyektong ito ay eksperimental lamang kaya’t tanging ang St. Raymund’s Bldg. ang mayroon nito.
Sa kabilang banda, patuloy pa rin ang isinasagawang paglilinis ng mga drainage systems sa loob ng Unibersidad, ayon kay Espejo.