DAHIL sa “cute” at maliit nitong mga sepals, ipinangalan ang isang bagong hybrid ng halamang Mussaenda kay Pangulong Arroyo.

Ibinigay ni Dr. Teresita Rosario, plant breeder ng Unibersidad ng Pilipinas-Los Baños, ang pangalang Mussaenda Gloria Macapagal Arroyo sa isang bagong uri ng Mussaenda na nabuo mula sa crossbreeding ng Mussaenda Doña Evangelina at Doña Aurora. Inihandog ang halaman sa ika-38 anibersaryo ng kasal ng first couple noong Agosto 2.

Nauna nang ipinangalan kay dating unang ginang Evangelina Macapagal ang Doña Evangelina noong 1962, samantalang sa dating unang ginang Aurora Quezon naman ipinangalan ang unang hybrid ng Mussaenda na nilikha sa Pilipinas noong 1938.

Ayon kay Dr. Grecebio Jonathan Alejandro, propesor ng College of Science, makikilala ang mga hibrido ng Mussaenda sa pamamagitan ng limang sepals nitong kulay puti, rosas, o pula na mas malaki kaysa sa ordinaryong sepals ng ibang bulaklak, at sa mga likas o natural na halamang Mussaenda na isang sepal na kulay puti o dilaw lamang ang lumalaki. Isang halimbawa ang Mussaenda ustii, na may sepal na kulay dilaw, sa mga Mussaenda na likas na tumutubo na matatagpuan sa Aklan, Panay.

“Karaniwang ginagamit ang mga hybrids na ito sa landscaping dahil makulay ang mga ito,” sabi ni Alejandro. “Naging tradisyon na rin ang pagpapangalan ng Mussaenda hybrids sa mga unang dating ginang ng Pilipinas.” Tulad ng Mussaenda Doña Esperanza, para sa ginang ni Pangulong Osmeña, Doña Pacencia, ginang ng Pangulong Laurel, Doña Trining (Roxas), Doña Luz (Magsaysay), Doña Leonila (Garcia), Ginang Imelda (Marcos), Doña Ming (Ramos), at Doña Hilaria (Aguinaldo).

READ
Dibuho ng kapalaran ni Jecho

Ipinangalan sa dating Pangulong Aquino ang Mussaenda Corazon C. Aquino ngunit hindi ito kasama sa talaan ng Kagawaran ng Agrikultura.

“Gawa na ng tao ang (ilang) mga hibrido na mula sa dalawang magkakaibang halaman, kaya hindi na ito maituturing na likas na tumutubo,” ani Alejandro. K. L. Li

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.