Tumatalas ang kakayahan at kaalaman sa wika sa pamamagitan ng pagsasalin, ayon sa isang manunulat at tagasalin sa idinaos na Paglulunsad ng Aklat ng Bayan sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) noong ika-11 ng Agosto.
“Kapag nagsasalin ka, obligado ka hanapin ‘yung eksaktong kahulugan ng mga sinasalin mo. Gusto mo maging tapat sa orihinal [na akda], obligado ka mag-research at magtanong sa mas marunong sa’yo, dahil doon tumatalas ang kakayahan mo sa wika,” ani Joaquin Sy, isang trilingual, tagasalin at direktor ng Unyon ng mga Manunulat sa Filipinas, sa isang panayam sa Varsitarian.
Sinangayunan naman ito ni Roy Rene Cagalingan, tagapagsaliksik sa wika sa KWF.
“Sa proseso ng pagsasalin, nagkakaroon ka ng pagkakataon na manipula ang wika dahil kailangan mong pag-aralan ang mga istruktura nito. ‘Yung pinagsasalinan mong wika, inaaral mo rin ‘yung istruktura ng wikang ‘yun.”
Dagdag pa ni Cagalingan, kinakailangan din sa pagsasalin ang hilig sa pagbabasa at pagkiling sa akda.
Samantala, iginiit ni Edgardo Maranan, dating dalubguro sa Unibersidad ng Santo Tomas at isang tagasalin, na dapat gamitin ang wikang nakasanayan sa pagsusulat at hayaan ang mga tagasalin na gumawa ng kinakailangang “popularization” sa mga akdang klasiko.
Hinimok naman ni Roberto Añonuevo, direktor heneral ng KWF, ang mga manunulat na lumahok sa Aklat ng Bayan ng KWF bilang awtor, kritiko o tagasalin.
Inilunsad sa KWF ang 18 bagong pamagat ng mga librong binubuo ng mga orihinal na akda na isinulat ng mga Filipino, salin ng mga tekstong banyaga at muling paglilimbag ng mga klasiko.