HINDI ako katulad ng karamihan na mas gustong gugulin ang bakasyon sa pamamasyal sa malalayong lugar.

Nitong bakasyon wala akong ibang inatupag kundi ang aliwin ang sarili ¯ makinig ng radyo, manood ng telebisyon at humiga sa kama hanggang sa makatulog. Ngunit ang bakasyon ko ngayong taong ito ay ibang-iba sa lahat.

Dumating ang kapatid ko mula sa ibang bansa at nagtagal siya ng halos dalawang linggo dito sa Pilipinas. Matagal kaming hindi nagkita kaya hindi kami gaanong malapit sa isa’t isa. Gayunpaman, nagkaroon kami ng oras para sa isa’t isa sa katiting na panahon niya dito sa bansa. Sa gabi ng kanyang pag-alis, binigyan niya ako ng bibliya at gawin ko raw itong gabay sa aking buhay.

Nang makaalis ang aking kapatid, saka ko lamang napagtuunan ng pansin ang aking buhay. Napakahabang panahon pala ng bakasyon, at sa mga araw na iyon ay wala akong nagawang kapaki-pakinabang. Hindi ako katulad ng aking kapatid. Lumiban siya sa kanyang trabaho para lamang pumunta sa Pilipinas at tumulong sa ilan nating mga kababayang nangangailangan. Nagtungo siya sa Tondo, Antipolo, at Cainta upang makilahok sa feeding program, evangelization, at medical and dental mission ng kanyang organisasyon. Sa madaling salita, nakipamuhay siya kasama ng mga mahihirap.

Pinag-isipan kong mabuti kung ano nga ba ang dapat kong gawin. Doon ko naalala ang bibliyang bigay ng aking kapatid.

Sa buong buhay ko, puro pa-sarap ako tuwing bakasyon, hindi ko sineryoso ang bibliya. Hindi ko ito pinahalagahan, pero nang makita ko ang isang batang nagbabasa ng bibliya ay nahiya ako sa’king sarili. Sa mura niyang edad ay may nalalaman na siya sa bibliya samantalang ako ay salat pa rin sa kaalaman. Pag-uwi ko, hinanap ko ang bibliyang bigay ng aking kapatid at sinimulan ko itong basahin.

READ
Paghuhunos ng paninindigan

Ilang linggo na lang at pasukan na pero nananatili pa rin ako sa bahay. Baduy siguro para sa iba pero ipinagmamalaki kong nagbasa ako ng bibliya. Natutunan ko ang mga bagay na mas maganda pa sa mga panaginip ko, at ang mga aral na hindi mapapantayan ng maraming kayamanan dito sa mundo. Pero higit sa lahat, natutunan ko ang pinakamahalagang bagay, ang pagpapahalaga.

May mga importanteng bagay at tao ang binabale-wala. Naisasantabi sila dahil sa dami ng mga inaasikasong mga di-makabuluhang bagay. Natututunan lang silang pahalagahan kapag dumating ang puntong kailangan na sila.

Nabubuhay ang lahat sa biyaya ng Maykapal pero kung ito’y babale-walain, hindi natin matatamasa ang importansiya nito. Sabi nga sa sulat ni San Pablo sa mga Romano, ang tao ay hindi dapat magpadala sa mga tukso upang hindi magkasala. Kung magkakasala ang isang bahagi ng katawan ay tanggalin ito at itapon. Gayundin, kung walang pagpapahalaga at patuloy na magpapabaya ay para na ring itinapon ang sarili.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.