MADALI para sa atin ang tumuligsa sa mga maling gawain kapag hindi tayo ang nasasangkot sa isang mahirap na suliranin. Subalit tulad ng hunyango na nagpapalit ng kulay ng balat kapag nalalagay sa panganib, naghuhunos tayo ng ating mga panininidigan sa oras ng matinding pagsubok.

Sa paksang ito umiikot ang kuwento ng nobelang Hunyango sa Bato (UST Publishing House, 2004) ng nobelista at inhinyerong si Abdon Balde Jr. Ginagalugad nito ang iba’t ibang mga pagbabalat-kayong ginagawa ng mga inhinyero at kontraktor sa kanilang mga proyekto.

Isinalaysay rito ng inhinyero ang iba’t ibang mga anyo ng katiwaliang laganap sa mga proyektong pang-imprastraktura na kaniyang pinagtatrabuhan. Halimbawa nito ang pagdaragdag ng mga inhinyero at kontraktor sa totoong halaga ng mga gastusin ng mga proyekto, ang pagbuhos ng tubig sa solusyon ng semento upang mapabilis ang pagpapatuyo ng ginagawang gusali, at ang pamemeke sa tunay na sukat sa ginawang surveying ng kalsada para makadaya sa dami ng bibilhing materyales para dito. Matapos ang mga bigong pagtatangkang lumahok sa mga subastahan sa Malaysia at Indonesia, nagbalik ang inhinyero sa bansa at nakahanap ng pagkakataong bumawi nang kanilang mabalitaan ang planong rehabilitasyon sa isang paliparan sa Visayas.

Kumuha siya ng kasosyong Hapones na si Ishijima at sumali sila sa subastahan para rito; at naging katunggali ang tatlo pang dayuhang kontraktor (isang Koreano, isang Amerikano, at isa pang Hapon).

Upang maiwasan ang kumpetisyon, inudyok na lamang ni Ishijima kasama ng mga ibang kontraktor at ang nakikialam na kongresista na paghatian ang proyekto.

Subalit, kumalat sa midya ang isyu ng “lutuan” sa subastahan nang lumabas ang isang larawan ng pagkikita nina Ishijima at ng Koreanong kontraktor sa isang hotel, kasama ang kinatawan ng kongresista.

READ
More researchers needed - De la Rosa

Sa una, aakalain ng mambabasa na isa lamang simpleng saksi sa mga pangyayari ang inhinyero at wala siyang aktibong kinalaman sa katiwaliang nagaganap sa kaniyang pinagtatrabahuan. Magbabago na lamang ang pananaw na ito nang aminin niya sa kaniyang kasintahan ang kaniyang pagpapayo kay Ishijima na makipag-usap sa mga kontraktor upang “maluto” ang subastahan. Ipinapakita nito na nabahiran na rin siya ng katiwaliang pilit niyang iniiwasan noong una.

Sa huli, tila higit na madaling magpalit ng prinsipyo kapag nalalagay sa kagipitan ang isang tao. Gaya ng sabi ng inhinyero sa pagwawakas ng nobela, “Mabuti pa ang hunyango at kailangan lamang niyang magbago ng anyo at kulay kung kinakailangan; pero ang tao—kahit ang kaluluwa—dapat maghunos kapag hinihingi ng pagkakataon.”

Nagwagi ang Hunyango sa Bato ng National Book Award at Juan C. Laya Prize, kapwa para sa kategoryang nobela noong 2004, habang naging finalist naman ito sa Gintong Aklat Awards noong nakaraang taon.

Nakapaglathala na rin ang tubong Albay na si Balde ng tatlo pang libro, ang Mga Pangarap at Pangitain (2001), Sa Kagubatan ng Isang Lungsod (2002) at Mayong (2003). Sa kasalukuyan, isa siyang kagawad ng Lupon sa Wika at Salin sa National Commission for the Culture and the Arts at direktor ng Unyon ng mga Manunulat ng Pilipinas. Ruben Jeffrey A. Asuncion

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.