Isang Tomasinong peryodista at guro ang inatasan ni Pangulong Macapagal-Arroyo na maging deputy spokesperson ng Malacañang.
Nagtapos ng A. B. Journalism sa Faculty of Arts and Letters (Artlets) noong 1986, si Ma. Isabel De Leon ang nahirang na katulong ni Presidential Spokesperson Rigoberto Tiglao.
Ayon kay De Leon, na isang propesor ng A. B. Journalism, kahit na nasa gubyerno na siya, gusto pa rin niyang magpatuloy magturo sa pakultad.
Simula noong 1998, nagturo na ng Press Ethics and Libel Law at Newswriting si De Leon sa Artlets.
Kamakailan, binigyan siya ng plaque of recognition ng UST Journalism Society bilang pagkilala sa karangalang idinulot niya sa departamento at facultad sa pagkakahirang sa kanya sa isang mataas na puwesto sa gubyerno.
Bago naatasang maging assistant spokesperson, si De Leon ay presidential reporter na ng Manila Bulletin, kung saan siya nagtrabaho pagkatapos makuha ang kanyang degree, cum laude, sa Artlets.
Noong siya’y nag-aaral pa, naging editor si De Leon ng Flame, ang opisyal na pahayagan ng Artlets, kalihim ng UST Journalism Society, at news staffer sa Varsitarian.