BIBIGYANG diin ni P. Ernesto Arceo, O.P. ang disiplina sa mga seminarista ng UST Central Seminary (CS) sa kanyang termino bilang rektor ng pangunahing seminaryo ng bansa. Pinalitan ni Arceo si P. Honorato Castigador, O.P., na itinalagang rektor ng Colegio de San Juan de Letran-Laguna.
“Ngayon, ang ibang mga pari, kulang sa disiplina,” ani Arceo, sa kanyang installation sa CS Chapel sa mismong araw ng kanyang kaarawan noong Hulyo 23. “Naiiskandalo ang mga tao. Kaya dito sa seminaryo, habang bata pa sila, dapat ma-develop nila itong disiplina.”
Maliban sa spiritual formation ng mga seminarista, mahalaga ang tamang pagdidisiplina sa mga seminarista upang maging mas mabuti silang mga pari sa hinaharap, wika ng 49 taong gulang na rektor. Dahil dito, ipagbabawal na ni Arceo ang madalas na paglabas, paninigarilyo, panliligaw, at lalo na ang pandaraya sa eksamen.
“Ang kultura natin ngayon, panay pandraya,” ani Arceo. “ Kaya ang seminaryo dapat maging counter-cultural. Kung ang kultura ay corruption, dapat maging tapat ang mga seminarista.”
Itinalaga si Arceo bilang rektor ng CS sa rekomendasyon nina Prior Provincial P. Edmund Nantes, O.P., at UST Rektor P. Tamerlane Lana, O.P. sa Master General ng Order of Preachers. Opisyal na nahirang sa pwesto si Arceo noong Enero 28, sa kapistahan ni Sto. Tomas de Aquino, sa pamamagitan ng isang kautusan mula sa Congregation for Catholic Education.
Pinangunahan ni Apostolic Nuncio Bishop Antonio Franco, D.D., ang kinatawan ng Vatican sa Pilipinas, ang installation rites ni Arceo.
Nagsilbi si Arceo sa Unibersidad bilang Vice-Rector simula 1998 hanggang 2001, Dean ng Faculty of Philosophy mula 1996 hanggang 1999, at Regent ng College of Commerce mula 1995 hanggang 1998. Nanilbihan din siya bilang Prior Provincial ng Dominican Province of the Philippines mula 2000 hangang 2004.