PINAKAMALAWAK ang bayan ng Tineg sa lalawigan ng Abra subalit ito rin ang pinakamahirap. Mabundok at walang masasabing kalsada. Pagkatapos ng anim na oras na biyahe mula sa Bangued, dalawang araw pa ang lalakarin bago marating ang poblasyon.
Karamihan sa mga nakatira dito ay mga Tingguian na hanggang ngayon ay patuloy pa ring hindi naabot ng kanilang mga kapwa katutubo at mga kapatid na Ilokano sa kapatagan.
Kamakailan, pinatay sa loob ng simbahan ang alkalde ng bayang ito sa isang kasalan sa Laguna. Tumambad sa mga headlines ang karumal-dumal na krimen. Sa isang iglap, naging martir ang nasabing mayor na kung tutuusin ay hindi naman kasing banal ng alam ng karamihan.
Subalit, hindi nakita—marahil, ayaw tingnan—ng mga sambayanan ang tunay na nagdurusa, ang tunay na nanghihingi ng katarungan. Sila ang mga tao ng Tineg. Malayo sa kabihasnan, patuloy na nagdarahop, nangangamatay sa mga alitan ng mga taong walang ginawa kundi sumamsam.
At sa gitna ng madilim na bayang ito, may pitong mag-aaral na nangahas magsulat.
Kamakailan, lumabas sa mga pahayagan ang kuwento ng isang pari na humihingi ng mga tulong para sa pitong mag-aaral na ito upang kahit papaano ay maabot nila ang kanilang mga pangarap.
Nakakapanlusay na isipin na sa mga batang ito na may marangal na pangarap ay siya pang pinagkaitan ng kapalaran. Napadpad sila sa bahagi ng mundo kung saan ang lapis at papel ay mga kayamanan. Kung saan kada Sabado, hihiramin pa nila sa munisipyo ang nag-iisang makinilya sa kanilang bayan upang pagsulatan nila ng kanilang manuskrito.
Hindi ko lubos maisip ang aking sarili sa ganoong sitwasyon. Kung wala pa naman pala akong sandata, ano pa ang dahilan upang ako’y lumaban? Magsusulat kaya ako sa gitna ng ganoong kapalaran?
Tanging lakas ng loob at paniniwala sa kanilang ginagawa ang armas ng mga batang ito upang patuloy na magsulat kahit mas malaki pa ang maitutulong nila kung gagawa na lang sila ng ibang larangan. Sa murang edad, pinili nilang akyatin ang kabundukan, mabasa sa ulan, at maglakad ng mga ilang araw, upang dumalo lamang sila sa isang pagpupulong ng mga kapwa baguhang manunulat. Bagama’t bigo ang isa sa mga nanalo sa kanila na ipagpatuloy ang pakikibaka sa national finals dahil sa kakulangan ng panustos, isang testamento ang kanilang kuwento ng tibay ng pluma na ilabas sa isang nilalang ang tunay na diwa ng katatagan at pagmamahal sa katotohanan.
Dito nasasalamin ang kakulangan ng ating bansa na bigyan ng kaukulang gamit ang mga batang ito upang mahasa ang kanilang mga potensyal. Ang hinihingi ng mga baguhang manunulat na ito ay hindi lamang lapis, papel o makinilya. Maliit lamang ito kung ihahambing sa mga mas mahalaga pang bagay na kanilang inaasam, na kung susuriin ay karapatan naman nilang angkinin. Halimbawa, ang mga kalsada, kahit hindi sementado, na mag-uugnay sa kanila sa mundo upang mabasa at masuri ng iba ang kanilang mga akda at upang sa gayon ay mas malaya rin nilang matutunan ang mga bagay na makakatulong at makapagpapabuti pa sa kanilang pagsusulat.
Bilanggo sila sa isang sistema kung saan ang mga mumunting bagay na ipinagsasantabi ng iba ay patuloy na ipinagkakait sa kanila. Sa mundong ipinagyayabang ang kapangyarihan ng pakikipagtalastasan, nakakulong pa rin sila sa kanilang sariling mundo, umaasang matawid ang mga matataas na bundok at maranasan ang buhay na naririnig lamang nila sa kanilang de-bateryang radyo.
Pasalamat tayo at patuloy pa rin silang nagpupursige. Ang kuwento ng mga baguhang manunulat na ito ay kuwento ng pag-asa, na kahit nasadlak man sila sa isang bayang nilimot ng lipunan, nagawa nila itong habian ng inspirasyon at isulat ang mga linalaman ng kanilang damdamin.
Hindi awa ang hinihiling nila. Bagkus, ang kanilang kuwento ay isang pagsusumamo sa mga bagay na likas sa kanila. May potensyal tayong lahat na magsulat. Kadalasan, nasasalamin ang ating pagkalinang sa kinalakhang kapaligiran o mga bagay at pangyayari na nagtulak sa atin upang pasukin ang mundo ng panitikan. Katulad ko, dahil kulong ako sa seminaryo at kung minsan, tanging ang pagbabasa lamang ang nagiging libangan, unti-unti akong itinutulak ng sino mang bathala ng panitik upang humabi ng mga salita. Subalit sa mga mag-aaral na ito, sa isang kapaligirang malayong magbibigay sa kanila ng inspirasyon, nagagawa pa rin nilang magsulat. At hindi ba kahanga-hanga ang kanilang determinasyon na makahanap ng magbabasa sa kanilang mga gawa?
Nabihag ako sa kuwento ng pitong mag-aaral na ito. Una, dahil taga-Abra rin ako. Hindi ko man naranasan ang hirap nila subalit sila mismo ang nag-antig sa akin na ipagpatuloy at palawakin ang aking pagsusulat. Kung sila na nangangahas kahit mahirap, ako pa kaya na abot-kamay ang mga kakailanganing bagay? Ikalawa, dahil alam kong kahit gaano ko man isatitik ang kanilang mga pasakit at halos isakdal sila sa isang napakataas na pedestal, wala pa rin akong maitutulong kundi isang taimtim na panalangin
Sa isang bansang takot magbasa, kaunti rin ang nagsusulat. Ewan ko kung ito ba ay sadyang likas na sa atin o talagang pinagpala lamang ang nagsusulat. Hindi natin maikakaila ang naiambag ng letra sa ating kalinangan, maging sa ating ordinaryong buhay. At sa kuwento ng pitong baguhan na manunulat na ito, sana makagawa man lang tayo ng kaunti upang makatulong sa kanila—hindi lamang sa anyo ng mga lapis, papel, libro, makinilya, at kalsada, kundi ang pagpapadama sa kanila na sila ay mahalaga at kahangaan