PINATATAPOS na ng administrasyon ng UST ang lahat ng trabaho ng Publishing House sa UST Printing Press na pinangangambahang magsasara bago matapos ang taon.

Isang empleyadong mahigit dalawang dekada nang nagtatrabaho dito ang nagsabi sa Varsitarian na bagaman wala pang opisyal na abiso ng pagsasara, tila doon na rin papunta ang utos sa Printing Press na tapusin ang lahat ng trabaho hanggang katapusan ng Agosto.

“Nagtanong kami kung bakit hindi na tatanggap ng bagong trabaho at humihingi kami ng meeting, pero hindi nila kami sinasagot,” ani ng empleyadong humiling na huwag pangalanan.

Ayon naman kay John Jack Wigley, dating officer-in-charge ng Publishing House, bali-balita na ang pagsasara ng imprenta.

“I heard the news just this semester,” ani Wigley na kamakailan lamang ay tumangging pahabain ang kaniyang termino sa Publishing House.

Sinegundahan naman ito ni Jocelyn Calubayan, ang huling direktor ng Publishing House. Miyembro siya ng isang komite na binuo upang pag-aralan ang kalagayan ng Printing Press noong 2007. Lumabas sa pag-aaral na malaki ang lugi ng Publishing House.

Tinangka ng Varsitarian na kunan ng panayam ang administrasyon pero walang nagpaunlak.

Tumangging magbigay ng pahayag ang Samahan ng Mangagawa at ang Office of the Secretary General na siyang may hawak ngayon sa Publishing House.

Base sa ulat ng Rektor P. Rolando de la Rosa, O.P. noong nakaraang taon, lumabas na mahigit P30 milyon ang lugi ng Publishing House mula noong 2007 hanggang 2008.

Parehong sinisi nina Wigley at Calubayan ang mataas na overhead expense o ang gastos sa produksyon ng Publishing House.

READ
Doctrina Christiana, first printed in 1593, now an e-book

“[Halimbawa,] kahit iyong mga nag-ko-collate ng papel, pareho ng sweldo ng regular office employee,” ani Wigley.

Aminado naman dito ang nakapanayam naming empleyado ngunit sinabi niya ring makatarungan lamang ito para sa mga empleyadong matagal na sa serbisyo sapagkat ito ay nasa collective bargaining agreement naman.

Sa naaalala ni Wigley, P12 milyon ang nalikom na sales ng Publishing House noong termino ni Calubayan pero umabot sa P30 milyon ang gastos sa produksyon. Sa termino naman niya ay umabot sa P18 milyon ang sales pero tumaas din ang sweldo ng mga empleyado.

‘400 Books at 400,’ dapat sisihin?

Isa pang nakikitang problema ni Calubayan ay ang hindi tamang pagpapatupad ng “400 Books at 400” na proyekto ng Unibersidad sa pagdaraos nito ng ika-400 anibersaryo nito sa 2011.

Sa ilalim nito, kailangang makapaglimbag ang UST ng hindi kukulang sa 40 libro kada taon sa loob ng 10 taon, simula noong 2001. Aniya, nagkaroon ng problema sa budget nang simulan ng Publishing House ang proyekto.

“Nag-overshoot ang cost ng production nang pumasok ang [proyektong] ‘400 Books at 400’, kasi we have to produce 40 books a year, e wala naman iyon sa budget,” ani Calubayan. “Kung binigyan ng budget ang proyekto out of the usual budget hindi siguro lalaki ang liability.”

Ayon naman kay Mecheline Zonia Manalastas, dati ring naupo sa Publishing House at kasalukuyang direktor ng Office for Student Admissions, siguradong matutuloy ang proyekto na sinimulan sa kaniyang termino, kahit na magsara pa ang imprenta.

“There will be 400 titles by [2011],” aniya.

Nanganganib namang mawalan ng trabaho ang humigit-kumulang isang dosenang tauhan ng Printing Press sakaling matuloy ang pagsasara nito.

READ
Bigkis ng kabataan

“Mababa ang morale ngayon ng mga empleyado,” ani ng empleyadong nakapanayam ng Varsitarian. “Hindi namin alam kung ano ang susunod na mangyayari. We deserve a good explanation.”

Ang UST Press ay itinuturing na isa sa pinakamatandang palimbagan sa mundo na tumatakbo hanggang ngayon. Itinatag noong 1593 ang palimbagan na naging UST Press matapos buksan ang Unibersidad noong 1611.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.