Dibuho ni Carla T. Gamalinda

Dibuho ni Carla T. Gamalinda

HABANG ipinagdiriwang natin ang pagkakaroon ng Wikang Pambansa, kailangan din nating malaman na ang wikang Filipino ay isang wikang papausbong pa lamang at hindi dapat idikta bilang wikang dapat gamitin ng bawat Filipino.

Bago pa man naging Filipino ang Wikang Pambansa, mayroon ng sariling wika ang bawat rehiyon na ginagamit simula’t sapul. Ito ang kanilang wikang ginagamit sa kanilang pang-araw-araw na pumumuhay, at ang wikang nagbuklod sa kanila bilang isang komunidad at pamayanan.

Sa kasamaang palad, kagaya ng wikang “Pilipino” na halaw sa Tagalog, nilalamat na rin ang mga wikang pang-rehiyon dala ng globalisasyon.

Kaya’t marapat lamang na pagtuunan din ng pansin ang mga wikang ito kagaya ng atensiyon na ibinibigay sa wikang Filipino na gamit sa Metro Manila.

Hindi rin maikakaila na ang Filipino ang umiinog na wika sa kapital ng Pilipinas, at habang may pangangailangan man dito, hindi naman matuwid na ito ay pilitin sa lahat ng kapuluan. Kailangan itong itaguyod at pagyamanin pero hindi sa paraan na nangyari sa Bahasa Indonesia na namayani sa diktadurang Suharto.

Dahil din sa sentralisasyon ng Pambansang Wika ay hindi na nabibigyan ng karampatang atensiyon ang mga wika ng iba’t ibang rehiyon. Naglaho na ang mga araw kung kailan ang mga panitikan ng mga Cebuano at Hiligaynon ay kasing sigla ng mga panitikan na isinulat sa Tagalog.

Hindi natin maaaring palakasin at pagtibayin ang wikang Filipino kung hindi muna natin bibigyan ng pagpapahalaga ang wika sa mga rehiyon, lalo na at ang mga ito ang pinagkukunan ng mga wikang Filipino.

READ
Dire need for contextual Bible-reading

Ang pagpapalago ng wikang Filipino ay isang adhikain na kaakibat ang maraming aspekto, sapagkat maraming wika ang nagbubuklod sa mga Pilipino.

Tama ang manunulat at propesor na si Ruth Elynia S. Mabanglo sa isang panayam sa Faculty of Arts and Letters noong ika-5 ng Agosto kung saan niya sinabi na “Language cannot be legislated.”

Dagdag pa, ang pagbuo sa wikang pambansa ay hindi dapat ipagkatiwala sa mga linggwistiko at mga grammarian na ang tuon ng pansin ay ang wika bilang isang agham, kailangang may partisipasyon ang mga manunulat sapagkat sila ang mas may gamay at may lawak ng kaalaman sa gamit ng mga salita.

Dapat isaalang-alang na hindi lamang iisang wika ang ginagamit sa kapuluan, dapat din pagyamanin ang lahat ng mga umiiral na lengguwahe sa ating bayan upang matamasa ng mga Filipino ang lubos na pagkakaintindihan, iba-iba man ang “pagka-Filipino” ng kanilang binibigkas na salita.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.