Hindi batayan ng kalidad ng literatura ang pinagmumulang bansa ng isang akda.
Ito raw ang napatunayan ni Eros Atalia, dalubguro ng Filipino sa Unibersidad, nang lumahok siya sa prestihiyosong International Writing Program (IWP) ng University of Iowa sa Estados Unidos. Ginanap ang palihan mula Agosto hanggang Nobyembre noong nakaraang taon.
Ayon kay Atalia, epektibo ang sulating Filipino sapagkat karaniwan nitong tinatalakay ang mga suliraning “third world,” gaya ng kahirapan, pagkagutom at korupsiyon. “Hindi malayo sa bituka,” paliwanag niya.
“‘Pag binabasa ko ang mga kuwento’t mga tula sa mga bansang mauunlad, sumasagi sa isip ko: ‘Ganoon pala sa kanila, wala nang maproblema,’” pag-amin ni Atalia sa isang panayam sa Varsitarian.
Paliwanag niya, iba ang lalim ng mga suliranin sa mga bansang “first world” kaya madalas nakatutok ang pagkatha sa teknikal na aspekto ng pagsulat. Taliwas ito sa mga akdang Filipino na mas humuhugot ng alindog mula sa masalimuot na karanasan ng karaniwang mamamayan kaysa sa pormula at paraan ng pagkakasulat nito.
“Sabi nga ni Manong Frankie (F. Sionil Jose), ang good times ay nag-reresult sa bad literature at ‘yong bad times [naman ay] nag-reresult sa good literature,” wika ni Atalia.
Katatawanan sa mga akda ni Atalia
Ani Atalia, ang ibinahagi niya sa IWP ay ang paglangkap ng mga Filipino ng humor sa mga sulating nagtataglay ng malalalim na mga paksa. Ginawa niyang halimbawa ang “Si Intoy Siyokoy ng Kalye Marino,” ang kaniyang akda na nagkamit ng unang gantimpala sa Gawad Palanca sa Maikling Kuwento noong 2006.
“Noong nag-lecture ako sa IWP, hindi sila makapaniwalang naliligo tayo sa baha. Hindi sila makapaniwalang habang nagbabaha, may mga nag-iinuman o kaya nagbabasketbol,” sabi niya. “Sa kabila ng kahirapan at pagsubok, hindi nagpapahuli ang mga manunulat sa Filipinas. Ibinahagi ko sa kanila na Filipinos are worth reading for; Filipinos are worth writing for.”
Si Atalia ang pinakabagong naidagdag sa mga manunulat na Filipino na naging bahagi ng IWP. Humanay siya sa ilan sa malalaking pangalan sa lokal na panitikan tulad nina Ruth Elynia Mabanglo, Rogelio Sicat at Ophelia Dimalanta.
Kahalagahan ng mga palihan sa lokal na panitikan
Binigyang-diin ni Atalia ang kahalagahan ng mga palihan tulad ng IWP sa pagpapayabong ng panitikan sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
“Hindi ka naman didiktahan ng IWP kung paano ka dapat magsulat. Pupunta ka roon para pakinggan ka nila,” paliwanag niya.
Dagdag niya, maganda raw ang lagay ng panitikan ng Filipinas dahil sa mga palihan sa pagsusulat. Sa katunayan, isa ang Filipinas sa mga bansa sa Asya na maigting na nagsusulong ng malikhain at malayang pagsusulat.
“Hindi hadlang kung ano man ang politika mo, ang relihiyon mo, as long na nagkakasundo kayo at pare-parehas na gusto ninyong magsulat,” ani Atalia.