HINDI na mapigilan ang pagdami nila.
Sa pagbukas pa lang nitong taon, halos 200 nursing schools na ang maaaring pagpilian ng mga may balak tumawid sa ganitong propesyon. Ngunit mabibilang sa mga daliri ang may de-kalidad na pagsasanay para sa mga estudyante. Dito pa lang sa Unibersidad, nahihirapan na ang administrasyon upang mabigyan ng kasanayan ang halos 40 seksiyon ng Nursing, paano pa kaya sa ibang nursing schools na pinaka-kaunti na ang 30 seksiyon sa bawat baitang?
Gaya ng iba pang kurso, kasabay ng paglobo ng mga estudyante ang pagdami ng mga magkakambal na problema sa daigdig ng nursing education. Bukod sa kakulangan sa makakapitang ospital na gagawing affiliate, ang paglisan ng mga de-kalibreng guro ang pinakamalaking kawalan sa industriya. Sa UST pa lang, hindi na mabilang ang mga propesor na pinirata at nangibang-bansa kaya nagkakandarapa ang administrasyon sa paghahanap ng mga kapalit ng mga ito.
Sa kabilang banda, nananatiling epektibo pa rin ang pagtuturo dito. Marahil malaking tulong na rin ang mas pina-igting na selection process at makabagong kagamitan. Ngunit kung susuriin, naroon pa rin ang mga magkakambal na problemang maaaring magpabago sa daloy ng “nursing process” na ito.
Kaugnay nito, nakakaawang isiping ginagawang palabigasan ng ibang nursing schools ang kanilang propesyon. Tila walang-humpay ang pagtanggap nila kaninuman, basta may kaakibat na halaga. Kung sa bagay, sino nga ba ang manghihinayang sa libu-libong halaga kung dolyar naman ang magiging kapalit nito?
***
Sa pagkakabihag ng mga rebeldeng Iraqi kay Angelo dela Cruz na tubong Mexico, Pampanga, maraming nag-iisip na masusubukan ang kakayahan ng administrasyong Macapagal-Arroyo kung matutupad nga ang mga pangako nito sa tinubuang bayan.
Kasabay ng pagputok ng maraming panawagang pakawalan ang kaawa-awang Dela Cruz ang pagsulpot ng iba’t ibang isyu ukol sa overseas contract workers, sapat na trabaho para sa mga Pilipino, at higit sa lahat, ang seguridad ng pamilya ni Juan dela Cruz. Bagaman hindi hawak ng Pangulo ang buhay ng bihag, inaasahan siyang tumulong sa pamilya Dela Cruz, masama man o mabuti ang kahahantungan ng pobreng Pilipino.
Marahil katakut-takot na tanong na walang patutunguhan ang ibabato ninuman sa isyung ito. Sapat na marahil ang maramdaman ang hirap na dinaranas ng pamilya ni dela Cruz upang masagot ang mga tanong na ito, lalo na’t kitang-kita sa mga pahayagan at telebisyon ang mga baril na nakatutok sa ulo ng minamahal nila.
Mabigat na nga sa kalooban ang makitang lumisan ang isang kapamilya, paano pa kaya ang pakiramdam na makita ang lumisang ito sa kamay ng mga taong kinatakutan sa buong mundo?