HINIRANG muli na second top- performing school ang Unibersidad matapos nitong mapanatili ang mataas na marka sa nakaraang nutritionist-dietitian at physical therapist licensure exams.

Ayon sa datos ng Professional Regulation Commission (PRC), pumasa ang 93 na Tomasino mula sa 99 na kumuha ng nutritionist-dietitian exams na idinaos noong Hulyo. Ito ay nangangahulugang 93.94-porsiyentong passing rate para sa UST.

Nakamit ni Hannah Paulyn Co ang unang puwesto matapos magtala ng 87 porsiyento, samantalang ang mga Tomasinong sina Patricia Alyanna Cardoza (85.05 porsiyento) at Kevin Carpio (84.95 porsiyento) ang nakakuha ng ikatlo at ikaapat na puwesto.

Kinilala rin na second top-performing school ang UST noong nakaraang taon nang makapagtala ito ng 93.24 porsiyentong passing rate (69 na pumasa mula sa 74 na kumuha ng pagsusulit) habang dalawang Tomasino ang napabilang sa Top 10.

Nanatili naman ang University of the Philippines-Los Baños bilang top-performing school matapos makakuha ng 100 porsiyentong passing rate, samantalang ang Polytechnic University of the Philippines-Sta. Mesa pa rin ang pinangalanang third top-performing school.

Bahagya namang tumaas ang national passing rate sa 67.08 porsiyento o 601 ng 896 ang nakapasa sa pagsusulit mula sa 66.97 porsiyento o 507 ng 757 ang nakapasa noong nakaraang taon.

Samantala, nagkamit ng mas mataas na passing rate ang UST sa nakaraang physical therapist licensure exams habang dalawang Tomasino ang napabilang sa Top 10 list of passers.

Nagtala ang Unibersidad ng 88.76 porsiyento passing rate o 79 pumasa sa 89 na kumuha ng pagsusulit. Mataas ito sa 86.08 porsiyento, o 68 sa 79 ang pumasa noong nakaraang taon.

Nasungkit ni Maxine Therese Redulla ang ikaanim na puwesto matapos makakuha ng 88.35 porsiyento, habang nakuha naman ang ikawalong pwesto ni Lemuel Lim (83.75 porsiyento).

READ
Catholic schools told to reaffirm faith

Noong nakaraang taon, apat na puwesto sa top 10 list of passers ang nakuha ng UST.

Muling itinuring na top-performing school ang Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) kahit bahagyang bumaba ang passing rate nito sa 97.26 porsiyento sa 100 porsiyento noong nakaraang taon.

Tumaas naman ang national passing rate ngayong taon matapos magtala ng 53.05 porsiyento (469 sa 884) mula sa 51.4 na porsiyento (506 sa 984) noong 2011 PT board exams.

Tumaas din ang passing rate ng UST sa occupational therapy licensure exams na idinaos ngayong Agosto matapos magtala ng 60.53 porsiyento (23 sa 38) mula sa 58.82 porsiyento ng nakaraang taon o 31 sa 51 na kumuha ng pagsusulit ang nakapasa.

Bahagya namang bumaba ang national passing rate matapos magkamit ng 43.75 porsiyento o 49 sa 112 ang nakapasa sa pagsusulit.

Wala namang kinilalang topnotcher at top-performing school ang PRC ngayong taon.

Upang mapabilang sa listahan ng mga top performing schools, kinakailangang makapagtala ang isang paaralan ng 80 porsiyentong passing rate o higit pa at ang mga bilang ng kukuha ng pagsusulit ay hindi dapat bumaba sa 50.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.