Minsan, kasama ko ang dalawang kaibigang malapit nang ordenahang mga diyakono nang biglang nasabi ng isa sa kanila na dapat akong magsulat tungkol sa mga isyu na bumabagabag sa ating bansa. Ang aking sagot: ayaw kong patulan ang mga ito, sapagkat ang dami nang manunulat ang tumatalakay sa mga isyu mula sa kani-kanilang perspektibo, ngunit wala namang nangyayaring pagbabago dahil lamang sa mga sulating ito.

Marahil, isang bagay na makikita ng manunulat ang mga nangyayari at iba pa ang paggalaw para baguhin ang mga ito. Sabihin nating ang pagsusulat ay isang paraan ng paggalaw, ngunit sapat ba ito? Kadalasan ay hindi, sa tingin ko, sapagkat ang pagsulat, bagamat ito ay tumutuligsa sa mga kamaliang bumabaha sa ating paligid, ay pamamaraan ng mga edukado at may-alam, samantalang malaking porsyento ng masang mambabasa ay hindi man lang nakatuntong sa kolehiyo o mataas na paaralan. Ang pagsulat, kung titingnan natin sa panig na ito, ay isang uri ng elitismo.

Humihingi ako ng patawad sa aking mga kapwa manunulat o nagnanais magsulat, pero tanggapin natin na kahit nasa tamang lugar at nagsasabi ng katotohanan ang ating mga sulatin, kadalasa’y hindi tayo naiintindihan at kung minsa’y naakusahan tayo ng pagpapanig sa mga mismong partidong ating tinutuligsa.

Sa pagsagot ko sa aking kaibigan na hindi ako papatol sa mga isyu, hindi ko naman ibig sabihing hindi ako makikialam. Ibig ko lang bigyang diin na merong ibang mga bagay na dapat bigyang pansin, at ang mga ito ay hindi lamang mga negatibong aspeto ng lipunan na ating kinatatayuan.

Nitong mga nakaraang buwan, anu-ano ba ang mga nagsilabasang pangyayari na yumanig sa ating lipunan at mundo? Nariyan ang mga iskandalo sa Simbahang Katoliko. Patuloy pa rin ang paglupig sa terorismo sa buong mundo ngunit patuloy din ang karahasan na nagpapalawak sa terorismo. Sa ating lipunan, nariyan ang pagtutol sa muling pagdating ng mga sundalo ng America. Nariyan ang pagtuligsa sa mga aksyon at sinasabi ni Presidente Macapagal-Arroyo, partikular na ang kanyang huling SONA. Sino’ng hindi magsasabi na napakagulo nitong mundo natin?

READ
Sa saliw ng musika

Gusto kong tuunan ng pansin ang ginanap na BIGKIS Youth Festival sa Folk Arts Theater dalawang linggo na ang nakalilipas. Isa ako sa mga delegado roon, kasama ang libu-libong mga kabataan mula sa iba’t-ibang sulok ng bansa. Ang naturang festival ay isa sa mga ginagawang paghahanda sa 4th World Meeting of Families na gaganapin sa ating bansa sa darating na Enero, 2003.

Habang ang kongregasyon ay sayang-saya sa pagkanta at pagbigay-puri, iniisip ko noon kung paano makayang manalig ang tao bagamat ang buhay ay napakagulo at kung minsan ay parang walang silbi. Saan nanggagaling ang ganoong klaseng pananampalataya, ang positibong ugali, sa kalagitnaan ng mga paghihirap? Ang hirap ipaliwanag.

Kung minsan, nakakaligtaan nating pansinin ang mga postibong bagay. Sa halip, palaging ang mga negatibo ang ating nakikita, at ito ang nagiging paksa ng halos lahat ng talakayan.

Kahit malala ang sitwasyon at krisis, ipinakita sa akin ng kongregasyon na naniniwala ang tao sa pag-asa. Sana, ang paniniwalang ito ay hindi lamang manatili sa sarili, kundi ibahagi as kapwa sa pamamagitan ng mga konkretong gawain. Ang mga konkretong gawain na ito ay hindi kailangang maging grande. Mas epektibo pa ang gawaing simple, ngunit ginagawa nang tama, at sa lahat ng makakaya. Dito umuusbong ang progreso. Hindi biglaan.

Maraming mga positibong bagay sa lipunan. Kadalasan lamang ay hindi natin pinapansin ang mga ito.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.