Noon Po Sa Amin
TAONG 1970, ilang araw bago ang kapaskuhan, nagkagulo ang UST dahil sa pagpapatalsik sa labindalawang manunulat ng Varsitarian.
Inilabas ng pahayagan ang Vuisitarian, ang lampoon issue ng Varsitarian, noong Oktubre 14, 1970. Subalit hindi ito nagustuhan ng administrasyon at sinabing puno ito ng mga hindi karapat-dapat na artikulo para sa isang konserbatibong pamantasan tulad ng UST.
Makalipas ang isang buwan, napagpasyahan ng administrasyon sa pamamagitan ni Dean Andres R. Narvasa, Vice Rector for Academic Affairs, na hindi papayagang makapasok sa ikalawang semestre ang mga kasapi ng Varsitarian na nagsulat sa naturang isyu ng Vuisitarian.
Dahil dito, inulan ng batikos ang administrasyon ng mga aktibistang estudyante. Sa pagbubukas ng ikalawang semestre noong Disyembre 2, nagkaisa ang lahat ng mga student councils sa buong UST na ibalik ang mga napatalsik na manunulat ng Varsitarian.
Sa unang pagkakataon, nakilahok ang mga mag-aaral mula sa Kolehiyo ng Nursing at Pakultad ng Medisina sa nasabing demontrasyon. Saksi ang UST sa isang linggong demonstrasyon sa paligid ng Main Building. Hiniling ng mga aktibistista na muling tanggapin ng UST ang mga naturang kasapi ng Varsitarian.
Dahil sa hindi mapigilang emosyon, tatlong hindi nakikilalang estudyante ang nagbato ng pillbox sa isang grupo. Bilang ganti, binato rin nila ng mga basyong bote ng softdrinks ang naunang grupo.
Sa takot ng administrasyon na lumala pa ang mga karahasan, tinanggap nilang muli ang mga naturang 12 na kasapi ng Varsitarian. Sa pamumuno ni Rosalinda M. de Leon, punong patnugot ng Varsitarian, humingi ng paumanhin ang lahat ng sangkot sa pamamagitan ng isang liham.
Disyembre 15 nang tinanggap ng administrasyon ang naturang paumanhin sa kondisyong hindi muna papayagan ang mga naturang kasapi ng anumang pahayagan o publikasyon sa Unibersidad. J.V. Pua
Sanggunian: Varsitarian, Tomo 42, Blg. 13, 197