Noong Agosto 1, ibinalik ni John Carlo Camagay, isang estudyante ng Medical Technology na nasa ikatlong taon, ang isang pitakang naglalaman ng P500 at iba pang mga mahahalagang bagay. Natagpuan ni Camagay ang pitaka sa CDR King, isang CD store malapit sa V. Concepcion St.
Nang binuksan ni Camagay ang pitaka, nakita niya ang school ID ng may-ari kaya agad siyang nagtungo sa AB Faculty of Arts and Letters Dean’s office upang ibigay ang pitaka. Iniwan din niya ang kanyang cellphone number kung sakaling kailanganin pa siya.
Isang estudyante na nasa ikalawang taon ang nagmamay-ari ng pitaka ngunit hiniling niya na huwag ibunyag ang kanyang pangalan.
“Akala ko noong una, sa girlfriend ko ‘yung wallet kaya binigay ko sa kanya. Tapos sinabi niyang hindi kanya. Ayaw ko namang bulatlatin ‘yung pitaka kasi baka mapagkamalan pa akong magnanakaw,” sabi ni Camagay.
“Hindi ko naman kukunin iyon syempre hindi akin iyon at saka konsensiya mo na iyon kapag kinuha mo ‘di ba?” paliwanag ni Cagamay.
Dalawang araw makalipas ang insidente, nakatanggap si Camagay ng text message ng pasasalamat mula sa may-ari ng pitaka.
Sa panayam ng may-ari ng pitaka, na isang estudyante ng Political Science, sinabi niya na para siyang nabunutan ng malaking tinik nang nakuha niya mula sa kalihim ng AB ang kanyang pitaka.
“Takot na takot ako noong namalayan kong nawala ang wallet ko. Kahit hindi naman kalakihan ang pera ko roon, siyempre may mahahalagang nakalagay sa wallet ko. ‘Yung ID ko, mga cards, at iba pa. I’m thankful that my wallet fell into the right hands. But I wouldn’t be surprised kasi taga-UST siya eh,” ani ng may-ari.
Isang kaparis na insidente ang nangyari noong Mayo 31. Isa ring estudyante ng Political Science ang nakawala ng kanyang pitaka na may lamang P9,000. Isinauli ito nina Alex Andoza, Buboy Calimlim, Bryan Capate, at Patrick Ponteveda, pawang mga estudyante ng Faculty of Engineering, sa AB Dean’s Office kung saan ito ay muling kinuha ng naturang estudyante.
Ayon kay Alex Andoza, isa sa mga nagsauli ng wallet, nakita nila ang pitaka sa isa sa mga benches na malapit sa car park ng UST.
“Doon sa benches sa tapat ng parking, wala ngang pumapansin doon sa wallet, tapos nakita namin taga-AB ‘yong may-ari so sinauli namin du’n sa Dean’s office nila” sabi ni Andoza.
Hindi rin pumasok sa isip nila na itago na lamang ang wallet. Sinikap raw talaga nilang mahanap ang may-ari.
“Nagbibiruan nga kami nung una na itago na lang, pero syempre alam namin na baka pang-enroll yun, alam rin naman namin yung feeling na mawalan ng ganoon kalaking pera. Saka, inisip namin na kung kami yong nawalan, gusto rin namin na isauli sa amin yon di ba,” paliwanag ni Andoza.
Isang linggo matapos ang insidente pumunta sa Engineering Student Council ang may-ari ng wallet at nagpasalamat. Binigayan pa raw sila nito ng “thank you card at Buttons” para sa kanila.
“Ang sweet nga eh, biro mo gumawa pa talaga siya ng card saka button para sa amin,” dagdag ni Andoza. Jennifer B. Fortuno at Elka Krystle R. Requinta
Ngayon ay isang maangas na Medical Officer sa JBL Hospital sa San Fernando, Pampanga si John Carlo Camagay… Sayang ka totoy, lumaki ulo mo!