PANANDALIANG kinitil ng Center for Creative Writing and Studies (CCWS) ang katinuan ko nang ibalitang kabilang ako sa 15 napiling kalahok para sa 5th UST National Writers’ Workshop.

Nakaramdam ako ng parang tsinapsuy na pananabik, tuwa, at kaba. Pakiramdam ko, isa akong William Hung na na nakipila at nakikanta sa harap ng mga hurado ng “American Idol”. Ngunit di tulad ni Hung, nakarinig ng kakaibang indayog ang mga hurado mula sa aking mga tula. Di ko akalaing ang mga tulang ginawa ko sa kasadsaran ng aking katamaran ang magdadala sa akin sa “Hollywood” ng CCWS—ang Hotel Veneracion sa Baguio.

Abril 25—Parang “namatanda” ako nang namataang isa ako sa pinakabatang nakasali. Lalo na nang sinalubong kami ng mga pinakaiidulo kong manunulat na sina Cirilo Bautista at Ophelia Dimalanta.

Pagkatapos kaming batiin ni Sir Cirilo, ipinakilala naman ni Ma’am Ophie si Nea Cahill ng Australia, ang kauna-unahang banyagang nakasama sa UST Workshop.

Kasama ang 14 pang mga baguhang mukha, tinahak naming ang daan patungong Baguio. Wala pang tanghali nang marating namin ang Max’s Restaurant sa Tarlac at doon, nakasalo namin sa hapag ang mga de-kalibreng manunulat na sina Jose Victor Torres, Lourd De Veyra, Eric Melendez, Ramil Gulle, Joselito Zulueta, at Ferdinand Lopez.

Di pa sumasaklob ang dilim nang marating namin ang Hotel Veneracion. Inakala kong mala-post card na itsura na hotel ang tutuluyan namin, ngunit isa pala itong malaki’t lumang bahay bakasyunan.

Kinagabihan, may munting programa ang inihandog para sa mga kalahok upang bigyan ng mga alituntunin. Sinabi ng associate director ng CCWS na si Sir Lito na ito ang kauna-unahang workshop na may “clinicking” kung saan puwedeng lapitan ng mga kalahok ang mga beteranong manunulat upang ikunsulta ang kani-kanilang gawa.

READ
The rule of law

Sa pangalawang araw, inumpisahan ang pagkatay ng mga akda. Bawat araw sa buong linggo ay may nakatakdang gawa na isinasalang, at tatlong batikang manunulat ang uupo bilang panel. May karapatan din ang mga kalahok na ipagtanggol ang kanilang mga gawa at makigatong sa pagkatay ng gawa ng iba.
Bagama’t isa ako sa mga mahilig pumapel sa pagkritik ng gawa ng iba, panakip-butas lang ito sa nararamdaman kong takot.

Nahuling dumating ang National Artist na si F. Sionil Jose. Gabi-gabi ay naglalabas siya ng bagong bote ng alak, at lahat ay hindi ko kinaya sa sobrang tapang. Kesa pahirapan ang sarili, ipinapainom ko sa iba ang alak ko, at nanood na lang sa pagwawala nila sa Videoke gabi-gabi dala ng sobrang kalasingan.

Samantala, nag-uumpugan ang mga tuhod ko sa tuwing ikinukuwento sa akin ng mga kasamahan kung paano magkritik ng tula ang “heavyweight” na si Michael Coroza, dating junior associate ng CCWS, dahil namamahiya raw siya at nagpapaiyak ng makata.

Pumatak ang umaga ng Huwebes, ikaapat na araw ng workshop, at gumising akong nagbubunyi dahil wala akong Corozang namataan nang nagdaang gabi. Ngunit, pagbaba namin upang mag-almusal, naroon si Coroza, tila nilulunod ako sa kanyang mga halakhak habang kausap niya si Reynaldo Candido na kapwa kakatayin ang tula ko.

Inihanda ko na ang sarili ko sa ganitong pagkakataon, ngunit sa kabila ng mga negatibong inaasahan, naging mabait sa kanilang pangungutya ang apat na kumatay sa gawa ko. Natutunan ko na dapat ay masinsing hinuhulma ng manunulat ang kanyang mga katha. Inaalam niya dapat kung ano ang malinaw na sitwasyong gusto niyang palabasin mula sa kanyang kuwento, kung sino ang personang nagsasalita, at kung sino ang kinakausap ng persona. Mahalaga ring palagiang magbasa ang isang makata upang matuto sa istilo’t balarila ng mga nauna nang mga manunulat, at higit sa lahat, mas makakabuti rin sa isang manunulat na maging mapagkumbaba’t tumanggap ng pamumuna mula sa nakatataas sa kanya.

READ
Cebu Archdiocese launches apps for 2016 Internat'l Eucharistic Congress

Sa huli, sa halip na mapaiyak, pinuri ako ni Coroza dahil sa aking buong-ngiting pagtanggap sa kanyang mga kritisismo.

Isa ang workshop na ito sa mga nakatarak na sa aking memorya hindi lamang dahil sa libreng aral na naipamahagi sa’min ng aming mga hurado’t kasamahan, o sa mga libreng pasilidad at pagkaing lalong nagpataba sa aming kagalakang matuto’t makinig, kundi dahil sa isa ako sa mga nakasaksi ng pighati ng mga manunulat.

Sumalubong sa araw ng pagkatay ni Coroza sa aking tula ang pagpanaw ng itinuturing na pinakamagaling na manunulat na Pilipino—si Nick Joaquin. Unti-unti, parang mga kandilang naupos sa pagluha ang aming mga huradong naghanap ng kani-kanilang espasyong masasandalan at mapagdadasalan para sa yumaong maestro at kaibigan.

Sa gabi ng huling araw ng workshop, Abril 30, muli kaming nagtipon-tipon at nakinig sa musikang tinugtog ni Ma’am Ophie sa piano at sa mga tulang binasa ng aming mga kasamahan.

Hindi natapos ng isang linggo ang aming pagbabaklas at muling paghubog sa pinanindigang sining sapagkat balang-araw, kaming mga nakatay sa palihang ito ang magluluwal sa bagong henerasyon ng panitikang Pilipino.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.