Katatapos lang ng pinakaaantay na State of the nation address ng Pangulo. Marami na namang pangako ang nabitawan ng Pangulo sa kanyang administrasyon. Ngunit ang pinakapokus ng kanyang Sona ay ang tungkol sa charter change na kung saan hati ang opinion ng bawat Pilipino dulot pa ng oposisyon na walang magawa kundi punahin ang bawat kilos na ginagawa ng gobyerno.

***

Ayon sa oposisyon, ang charter change daw ay ginagamit na kasangkapan ng gobyerno upang mapagtakpan ang mga problema na kinakaharap nito sa ngayon. Marahil tama sila dahil talaga nga namang baon na ang gobyerno sa problema tulad ng korupsyon, bagsak na ekonomiya, at ang pinakamalaking isyu sa ngayon tungkol sa pagpapatalsik sa Pangulo dahil umano sa dayaan sa nakaraang halalan, at maling pamamalakad sa bansa.

***

Subalit para sa akin, mas maganda sana kung bibigyan pa rin natin ng pagkakataon ang Pangulo na maipatupad ang kanyang mga proyekto at mga inaasam na pagbabago upang malaman natin kung ano ang maidudulot nito sa ating bayan. Hindi yung ating ipagsigawan sa kalye na patalsikin ang Pangulo sa kanyang posisyon. Hindi ito praktikal at ito lamang ay magiging problema sa halip na maging solusyon.

***

Sabihin na nating marami na ring kapalpakan ang dumapo sa kasalakuyang administrasyon ngunit ang pagtatayo ng panibagong gobyerno ay di makakayanan ng naghihikaos na nating bayan. Maraming panahon at pera ang gugugulin para lamang dito. Lalo lamang tayong mababaon sa problema at ang mga pinakamakikinabang lamang ay ang mga makasariling mga pulitiko na walang hinangad kung hindi kapangyarihan at ubusin ang kaban ng bayan. Aminin natin sa ating mga sarili na kahit sino pa man ang iluklok natin ay problema pa rin ang ating kakaharapin at panibagong kontrobersiya lamang ang lilitaw.

READ
Former rector leads TOTAL honorees

***

Ang nakikita kong problema ay hindi galing sa iisang tao lamang. Ito ay gawa rin natin. Tayu-tayo ay nagsisiraan at nagpapagalingan. Lagi nating inuuna ang interes ng bawat isa, kinakalimutan natin na ang susi sa pag-unlad ay pagtutulungan. Kailan kaya natin matututunan na mamuhay nang sama-sama at walang pag-iimbot sa bawat isa?

***

Kailangan natin ng suporta ng bawat isa, iwaglit ang galit sa ating loob at sabay-sabay na itayo ang ating bayan at gamutin ito sa mga sugat na likha ng pagkakawatak-watak. Alam kong mahirap itong makamit at nangangailangan ito ng sapat na panahon at atensyon ngunit kung magtutulungan tayo ay magagawa natin.

***

Kamakailan, yumao ang aking lolo at lola. Sana ay nasa piling na sila ng Diyos.. Hinding-hindi ko makakalimutan ang mga parangal na kanilang iniwan.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.