Nagprotesta ang ilang aktibistang kababaihan noong ika-9 ng Agosto sa harap ng tanggapan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa Intramuros, Manila, upang ipaglaban ang karapatan ng mga kababaihan sa dokumento ng Vatican na pinamagatang “Letter to the Bishops of the Catholic Church on the Collaboration of Men and Women in the Church and in the World.”

Tinalakay ng dokumento na isinulat ni Joseph Cardinal Ratzinger ng Congregation for the Doctrine of Faith ang sinasabing mga maling paraan ng pagsulong sa mga isyu ng kababaihan na dulot umano ng kawalan ng pagtangi sa pagkakaiba ng lalake at babae. Magkakasalungat ang naging reaksyon at interpretasyon ng mga taong Simbahan at maging ng mga feminista rito. May nagsasabing laban ang sulat sa feminismo, may nagsasabing pabor ito, at may nagsasabi namang walang kinalaman ito.

Dalawang kontrobersyal na “pagkiling” ang pinuna ng dokumento. Una ang “matinding pagdiin sa mga kondisyon ng subordinasyon sa babae, hangga’t ituring na pagkilanlan ang maging kaaway ang lalake.” Pinagtutunggali rin ang lalake at babae para mapatunayan ang halaga ng isa sa ikasasama ng isa.

Sumunod ang pagmamaliit sa pagkakaiba ng dalawa base sa kasarian at ginagawa itong elementong kultural lamang ng gender. Nagdudulot ang paglalabo ng pagkakaiba “sa pagtanong sa natural na heterosekswal na istruktura ng pamilya, at pagmumukhang magkatulad ng homosekswalidad at heterosekswalidad.”

“Nakatatak sa katawan ng tao ang kanyang pagkababae o pagkalalake,” sabi ng dokumento. “Di maipagwawalang-bahala sa pisikal, sikolohikal, at espiritwal na katangian ng tao ang kanyang sekswalidad,” saad nito.

Ayon sa sulat, “complementary” ang tungkuling ginagampanan ng lalake at babae, kaya nga kaya ng dalawang maging isa at magbunga. Bagaman kasama sa “elementong pagkakakilanlan” ng babae ang maging ina, hindi naman nangangahulugang tinawag lamang siya para mag-anak.

READ
Santuwaryo ng mga pangarap

Nilinaw din ng sulat na kahit pa naunang nilikha ang lalake ayon sa Bibliya, hindi nangangahulugang kalamangan ito sa babae. Parehong hinulma and dalawa sa “imahe ng Diyos,” at bagaman magkaiba, pantay ang halaga nila sa paningin ng Lumikha. Ang original sin ang naging dahilan kung bakit nagkalamat ang ganitong relasyon.

Isang maling ideyolohiya umano ang kastiguhin ang Banal na Kasulatan “na may patriyarkal na konsepto ng Diyos,” na “nakalipas na konsepto ng pagkababae” ang makikita kay Maria.

Ayon kay Arsobispo Oscar Cruz ng Arskiodiyosesis ng Lingayen-Dagupan, pagkakapantay-pantay ng babae at lalake ang dokumento.

“Basahin sana nila ito nang buo, hindi yung kuha rito, kuha roon. Titulo pa lang malalaman naman na ang intensyon. Wala itong ekstremismo, walang machismo o feminismo,” aniya.

Nauna nang nagsalita si Austin Ruse, pangulo ng Culture of Life Foundation sa Washington DC, isang kilalang Katolikong think-tank, na hindi feminismo ang pinapatamaan ng sulat.

“The media portrayed the document as an attack on ‘feminism,’ though that word is never used in the document. What the document focuses on is the inherent genius of women, and how men and women compliment each other in all aspects of their lives,” ani Ruse.

Maging ang mga feminista hindi magkasundo kung maroon nga ba at ano ang problema ng dokumento. Salungat sa reaksyon ng ilang feminista sa Amerika at Pilipinas, pagtanggap sa sulat ang naging tugon ng mga feminista sa Australia.

Sa pangunguna ng Sex Discrimination Comissioner ng bansa na si Pru Goward, pinuri ang dokumento na isang “small step for man, but a great step for womankind.”

READ
Archbishops Palma, Valles on Synod results: 'No change in Church teaching'

Ayon kay Goward, nirekomenda ng dokumento na huwag gawing imposible sa mga babae ang pagkakataong pagsabayin ang pagtatrabaho at pagpapamilya. Sinabi nitong bigyan ang babae ng angkop na work-schedule, para hindi kailangang mamili kung buhay pamilya o hirap ng trabaho ang bubunuin.

Feminismong Tomasino

Sa pananaw ni Fr. Delfo Canceran, O.P., propesor ng Pilosopiya sa UST Ecclesiastical Faculties, depende na sa babasa ng dokumento kung anong magiging interpretasyon dito.

“Kapag advocate ka ng feminismo, baka tingnan mo iyong atake sa kilusan. Kung may personal na agenda man ang media sa paggawa nito ng sariling interpretasyon, hindi na rin kasi ito maiiwasan,” ani Canceran.

Para naman kay Dr. Josephine Pasricha, manunulat sa Manila Standard at 15 taon nang guro ng Pilosopiyang Feminismo sa Unibersidad, hindi tama ang mga panghuhusga sa dokumento dahil maaaring naiba na ang kahulugan nito sa pagsalin mula sa Latin.

Nilinaw niya na naniniwala ang feminismo na may pagkakaiba ang lalake at babae, na hindi maaaring magpantay ang dalawa sa pisikal na baitang.

“Pinaglalaban lang ng mga feminista na dapat parehong oportunidad, at hindi basehan ang gender, na epekto ng paano ka pinalaki, sa anumang diskriminasyon,” ani Pasricha.

Bagaman kinonteksto mismo ng sulat na ang “femininity’ ay hindi katangian lamang ng babae, sinabi ni Pasricha na hindi tahasang gender-free ang dokumento. Mas mabuti umanong may feminista o uri ng feminismo na direkta na nitong inatake para malinaw sa babasa.

“Magkakaiba ang posisyon ng mga feminista sa ilang isyu. Kabilang ang konserbatibo at radikal, at Marxista at sosyalista. Hindi naniniwala ang mga konserbatibong feminista gaya ko sa mga pinaglalaban ng mga radikal, tulad ng contraception, abortion, pagkasal ng magsing-uri, at pagiging legal ng prostitusyon, ilan sa mga isyung ayaw ng Vatican,” ayon kay Pasricha.

READ
Malikhaing Pagsulat, dapat bang gawing programang pangkolehiyo?

“Feminalismo nga ang bago ngayon, kung saan hindi pinagrerebelde ang babae, kundi pinagdiriwang ang kanyang pagkababae at kakayahang maging ina,” dagdag pa niya.

Niliwanag rin niya na “diyalogo…sa sinserong paghahanap sa katotohanan” ang sadya ng sulat.

“Bagaman ganoon, sana man lang nauna ang paguusap bago ang paglabas ng sulat. Wala kasing kinunsultang kababaihan, at lahat nang footnote puro sa Santo Papa,” ani Pasricha.

Payo niya, hindi tamang sagot sa radikal na feminismo ang anumang senyales ng anti-feminism, kundi ang pagbunsod ng Katolikong feminismo na kokontra sa mga radikal.

“Panahon na para magkaroon ng Vatican feminism. Maaaring simulan ito ng pagdedeklara kay Maria bilang ‘sangtagapagligtas,’ isang usaping doktrinal ngayon kung saan may pantay na pagtanggap sa tungkulin ng kababaihan. Gaya na nga ng sinabi sa dokumento: ‘Wala nang lalake o babae…sa inyo na mga bininyagan Kay Kristo’ (Gal 3: 27-28),” pagtatapos ni Pasricha.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.