Pagkakaroon ng programang Mining Eng’g

0
2203

KAUNA-UNAHANG nag-alok ng pangkolehiyong programang Mining Engineering sa Filipinas ang Unibersidad ayon sa ulat ng Varsitarian noong Mayo 1934.

Binuksan ito noong Hunyo 1934 nang ipinasa ng awtoridad ang panukalang pagkakaroon ng gayong programa noong Disyembre 1933. Kinumpirma ito ni Padre Juan Labrador, O.P., secretary general ng Unibersidad noong taong iyon.

Sumailalim sa apat na taong pagsasanay na teoretikal at panlarangan ang lahat ng kumuha ng programang ito na kabilang sa Kolehiyo ng Inhinyeriya na mayroong kurikulum na ibinatay sa mga unibersidad sa Amerika at Europa.

Ayon sa tala, taong 1938 nagtapos ang unang grupo ng mag-aaral na nagkaroon ng degree na Bachelor of Science in Mining Engineering.

Kabilang dito sina Vicente Zaragoza at Andres Casanave na nanguna ang nakuhang marka sa government examination sa parehong taon.

Nahinto ang programa noong 1949 bunga ng mababang bilang ng mag-aaral. Hanggang sa kasalukuyan, hindi na muling naibalik ang nasabing programa.

 

Tomasino siya

Pagmamahal at hilig sa musika ang nagbigay kay Padre Leo Nilo Mangussad ng parangal na Outstanding Thomasian sa taong 2016.

Nakamit niya noong 1984 ang kaniyang degree na Bachelor of Music sa Unibersidad.

Nagtapos din siya bilang magna cum laude sa Pontifico Instituto de Musica Sacra sa Roma ng Magister in Sacred Music.

Ayon sa ulat ng Varsitarian noong 2005, siya ang nagbuo ng Liturgikon Vocal Ensemble sa taong 1986 na noo’y kinabibilangan ng 15 de-kalibreng musikero. Nagsilbi siya bilang musical director ng grupo.

Umupo si Padre Mangussad bilang rektor ng Mary Queen of Peace Shrine o EDSA Shrine mula 2014 hanggang 2015.

Nabigyan naman siya ng pagkakataong pamunuan ang Committee on Liturgical Music para sa pagbisita ng Santo Papa Francisco noong Enero 2015.

Nakapagsulat siya ng mga awitin para sa simbahang Katolika tulad ng “Si Cristo ay Muling Nabuhay” at “Munting Alay.” Kaugnay nito, malimit siyang naiimbitahan bilang tagapagsalita o hurado sa iba’t ibang pagpupulong at patimpalak na may kaugnayan sa musika.

Mula pa noong 2007, nagsisilbing tagapangulo si Mangussad ng Composition and Theory Department ng UST Conservatory of Music. Siya rin ang tumatayong direktor ng Sub-Commission on Music ng Federation of the Tagalog Diocesan Directors of Liturgy.

Sa kasalukuyan, itinalaga siya bilang kura paroko ng San Roque de Sampaloc Parish.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.