“LIGTAS at masarap” na fishballs para sa mga Tomasino.
Isang grupo ng mga nagsipagtapos sa Institute of Technical courses ng Faculty of Engineering ang magtitinda ng iba’t ibang uri ng street food sa paligid ng Unibersidad gamit ang mga ginawa nilang stainless carts.
Sa tulong ng Office for Community Development (OCD), 16 na kabataan mula sa Tondo ang nakapag-aral sa Institute for Technical Courses ng Faculty of Engineering. Walo sa kanila ang nag-aral ng Basic Computer Literacy, samantalang kumuha naman ng Basic Metal Fabrication ang iba, at sila ang gumawa ng mga carts.
“Proyekto ito ng mga estudyante at nagsisilbing regalo na rin namin sa kanila,” ani OCD Director Jose Cruz III. “Sa ngayon, dalawa pa lamang ang mga nagagawang carts pero nag-iipon kami para makagawa pa ng mga bago.”
Ang OCD ang gumastos para sa mga carts. Dahil dito, napagkasunduan ng OCD at ng mga estudyante na 25 porsyento sa kikitain kada araw sa pagtitinda ang iuukol sa pagpapagawa ng karagdagang carts.
“Ang mga carts ang magsisilbing simula ng mga gusto pa nilang gawin,” ani Cruz. “Tinutulungan namin sila para magkaroon ng magandang pamumuhay.”
Ayon kay Cruz, hindi lang mga kabataan ng Tondo ang makikinabang dito kundi pati na rin ang mga Tomasino. At dahil ang OCD ang namamahala ng proyektong ito, sisiguraduhin nilang ligtas ang mga ibebentang pagkain ng mga carts.
Ang Tondo Youth Program street food cart plan ay proyekto ng OCD at ng Consuelo Chito Foundation para sa Barangay 228 ng Tondo.
Nagsipagtapos ang 16 na iskolar noong Hulyo 6 sa Engineering Audio-Visual Room. Ulat mula kay Miko L. Morelos