KAHIT saang larangan, bumabandera ang galing ng mga Tomasino. Katunayan nito, isang grupo ng manggagamot ng UST Hospital nang isagawa nila ang kauna-unahang paggamit ng acupuncture bilang anesthesia sa Pilipinas.

Noong Agosto 11, 1972, matagumpay na nagamit ang acupuncture bilang anesthesia sa pagtatanggal ng thyroid ng isang ginang sa pangunguna ni Dr. Helen Paulino-Abundo, isang cardiologist at internist.

Sa tulong ng lima pang espesyalistang sina Dr. Fredesvina Arias-Soliva, isang surgeon; Dr. Leoncia Adam-Nobleza, isang anesthesiologist; Dr. Leon Lopez, isang radiologist; Dr. Lourdes Buhay-Castillo, at Dr. Librado Canicosa, naisagawa ang operasyon nang maging human pin cushion ang pasyenteng si Marcelina Marasigan.

Pitong mahahabang karayom ang itinusok sa katawan ng pasyente: tig-isa sa magkabilang bahagi ng leeg; tig-dalawa sa ibabang bahagi ng panga; isa sa may tainga; at isa sa pagitan ng hinlalaki at hintuturo. Mayroong nakakabit na wire sa mga karayom sa acupuncture machine na maaaring itaas o ibaba ang epekto ng anesthesia.

Kung dati, binibigyan ng general anesthesia ang isang pasyenteng kailangan operahan at ilalabas sa operating room nang wala pang malay, nakipagkwentuhan pa habang inooperahan si Marasagan at nakangiting lumabas ng operating room.

Kahit naging matagumpay ang itinuturing na medical first dito sa Pilipinas, nagkaroon pa rin ito ng problema, nang kuwestyunin ang paggamit ng acupuncture dahil hindi pa ito tanggap sa medical curriculum.

Kinailangan pang patunayan ng grupo ni Dr. Abundo para sa research ang pagsasagawa nito.

Giit ng Board of Medical Examiners, nilabag ng grupo ang medical ethics nang una pa itong nabasa sa isang pahayagan kaysa sa mga medical journals, kung saan dapat una itong mababasa.

READ
Reporma sa sistema ng buwis

Sagot ni Dr. Abundo, dahil bago ang acupuncture, hindi pa talaga ito masasama sa medical curriculum at pawang sa ngalan ng research ang paggamit nito dahil isinagawa ito sa Charity Hospital, ang research center ng UST.

Pinanigan ng Philippine Medical Association(PMA) noong Setyembre 7, 1972, ang grupo ni Dr. Abundo at sinabing walang naging paglabag sa medical ethics ang mga ito.

Matagal nang ginagamit ang acupuncture sa Tsina. Sa pamumuno ni Mao Tse-tung, ang dating lider ng Communist Party sa Mainland China, hinikayat niya ang mga manggagamot na magkaroon ng pag-aaral para sa modernisasyon nito.

Hindi naman mahirap gawin ang acupuncture, ayon kay Dr. Abundo. Kinakailangan lamang na alam kung saan itutusok ang mga karayom para sa tamang epekto nito.

Naitala ang paggamit ng acupuncture bilang anesthesia noong Cultural Revolution sa China noong 1966. Ngayon, ginagamit ito sa paggamot ng ibat-ibang sakit, tulad ng sakit sa tiyan, arthritis, at rheumatism. E.T.A. Malacapo

Sanggunian:

The Varsitarian, Agosto 18, 1972, Tomo 44, Bilang 3; The Varsitarian, Setyembre 1, 1972, Tomo 44, Bilang 5 at The Varsitarian Setyembre 15, 1972, Tomo 44, Bilang 7.

Tomasalitaan:

Tabok (pandiwa)- tawirin; tumawid

Halimbawa:

Hindi ko napansing tumabok na siya sa kabilang kalye.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.