SA ISANG mundong dinidiktahan ng kapitalismo, paano nga ba maipapalaganap ang diwa ng pagbabahaginan kung puro pansariling interes ng mga negosyante ang naghahari sa ekonomiya?
Economy of communion ang sagot, ayon kay Prop. Luigino Bruni ng Unibersidad ng Milan-Bicoca, sa isang talakayan noong Hulyo 19 sa Thomas Aquinas Research Complex. Kung kusang-loob na hahatiin ang kita ng negosyante para sa mga kapus-palad, sa kumpanya at sa Simbahan, aniya, hindi lamang maiaangat ang pamumuhay ng mga tao kundi pati din ang industriya at antas ng kaligayahan.
Isang teorya ni Dr. Chiara Lubich, Katolikong karismatikong nagtatag ng Focolare Movement at Italyanong propesor sa Pilosopiya, ibinabalik ng economy of communion ang tradisyon ng mga sinaunang Kristiyano na pamamahagi ng kayamanan upang masolusyunan ang laganap na kahirapan.
“If the theory of economy of communion is implemented, businessmen will donate their profits to charity in order to uplift the poor’s status in life, to develop skilled laborers, and to glorify the name of God,” ani Bruni.
Nang makita ni Lubich ang mga mahihirap na mamamayan ng Sao Paulo, Brazil, naisip niyang dapat ipagpatuloy ang pamamahagi ng biyaya upang maiangat ang kabuhayan ng mga maralita hindi lamang sa Brazil kundi maging sa buong mundo. Dahil sa kanyang pagsisikap na ipalaganap ang teoryang ito, ginawaran siya ng UST ng doctoral degree sa Theology, honoris causa, noong 1997.
Kalagayan at kaligayahan
Inilahad din ni Bruni ang konsepto ng law of diminishing marginal utility na nagsasabing tumataas ang kaligayahan ng tao habang lumalaki ang kanyang kita. Magpapatuloy ang sistemang ito hanggang sa marating ang kritikal na lebel, kung saan tuluyang bababa ang kaligayahan ng tao kahit na lumalaki pa ang kanyang kinikitang yaman. Sa panahong ito, mas nanaisin na ng isang tao na ipamahagi ang kanyang kita dahil hindi na rin naman ito makapagpapaligaya.
Ani Bruni, kung ipapatupad ang ideyalismo ng economy of communion batay sa law of diminishing marginal utility, bumaba man ang kita ng isang tao, tataas naman ang kanyang kaligayahan dahil sa pamamahagi niya ng kanyang yaman.
Sa kasalukuyan, nasa 750 korporasyon sa buong mundo ang tumatangkilik sa adhikain ng economy of communion, kabilang ang Bangko Kabayan sa Batangas at ang Ancilla Enterprise Development Consulting Corporation sa Makati.
Ayon kay Dr. Ernesto Gonzales, direktor ng Social Research Center at propesor ng ekonomiks sa Faculty of Arts and Letters, ang economy of communion ay makatotohanan dahil maipapatupad ito sa totoong buhay.
“It’s basically sharing the fruits of your labor with the least of your bretheren,” aniya, tulad umano ni John Gokongwei, na kusang ibinigay ang halos kalahati ng kanyang kita mula sa tinatag niyang JG Summit Holdings, Inc, na sumasaklaw sa mga kumpanyang tulad ng Sun Cellular, Cebu Pacific, at Universal Robina Corporation. Ayon din kay Gonzales, naging mas produktibo ang mga trabahador at mas umunlad pa ang korporasyon matapos ipatupad ang economy of communion.
Bagaman maganda ang prinsipyo at hangarin ng teorya, marami pang dapat gawin upang lalong mahikayat ang pagpapatupad nito sa bansa, ani Prop. Solita Monsod, isang ekonomista sa Unibersidad ng Pilipinas.
“Advocates of economy of communion could persuade the government to promote the theory through offers of tax incentives and discounts to business corporations participating in its ideals,” ani Monsod, na isa ring panauhin sa nasabing talakayan.
Ngunit ayon kay Gonzales, kadamutan lamang ang problema.
“Ang tsinetsek dyan ay yung pagkaganid ng mga kumikita sa sistema,” ani Gonzales. Aniya, isang pagsubok para sa mga negosyante ang economy of communion para ibalik sa tao ang perang nagmula sa kanila. Nathaniel R. Melican