BINIGYAN ang bawat nilalang ng pagkakataong magtagumpay sa buhay ngunit iilan lamang ang nakakatupad nito. Kabilang si Gloria Garchitorena-Goloy sa napakaraming nangarap at nagtagumpay. Para kay Goloy, nagsimula ang tagumpay sa pagtukoy sa bokasyon ng isang tao.
“Hindi mahirap ang magtagumpay,” ani Goloy. “Basta’t sigurado ka sa direksyong iyong tatahakin at alam mo kung saan ka papunta.”
Isa sa pinakamahirap na pinaglabanan ng buhay ni Goloy ang pagpili sa pagsusulat bilang bokasyon. Ani Goloy, nagbanta ang kanyang ama na hindi nito tutustusan ang kanyang pag-aaral kung hindi Medisina ang kukunin niyang kurso. Hindi raw sapat ang kikitain niya sa pagsusulat para mabuhay.
Ngunit sinuway ni Goloy ang payo ng kanyang mga magulang. Pinatunayan niyang higit pa sa pansariling kasiyahan ang maaaring idulot ng panitikan.
Hindi maikakailang naging matagumpay si Goloy sa kanyang napiling desisyon nang makapagtapos siya ng kursong Journalism noong 1950, cum laude. Nasa ikalawang taon siya sa kolehiyo nang sumali sa Varsitarian na noo’y binibigyan ng scholarship ng unibersidad. Naging patnugot siya nang Panitikan matapos ang isang taon, at katuwang na patnugot naman nang sumunod na taon.
“Nagulat ang mga magulang ko nang malaman nilang iskolar na ako dahil sa Varsitarian,” ani Goloy. “Unti-unti na rin nilang natanggap ang aking pagsusulat matapos malaman ang magandang balita.”
Naging mahirap man ang daang tinahak ni Goloy para tanggapin ng pamilya ang piniling kurso, hindi naman siya nahirapang kumuha ng trabaho matapos ang kolehiyo.
Kinuha siya ng kilalang nobelista na si ni F. Sionil Jose upang maging katulong na patnugot ng The Manila Times Yearbook Progress Report mula 1950 hanggang 1951. Masaya si Goloy dahil muli niyang nakasama sa trabaho ang hinahangaang si Jose matapos silang makatrabaho sa Varsitarian, kung saan dating punong patnugot si Jose. Mula noon, nagsimulang makipagsapalaran si Goloy sa hamon ng tagumpay.
“Nang malaman ko na marami ang nagtitiwala sa aking kakayahan bilang manunulat, ipinagpatuloy ko ang aking nasimulan,” ani Goloy.
Noong 1969, isa si Goloy sa mga napiling manunulat na ipinadala ng bansa para iulat ang Miss Universe Pageant sa Miami, Estados Unidos kung saan nagwagi ang kinatawan ng bansa na si Gloria Diaz.
“Isa ito sa karanasang hindi ko malilimutan,” ani Goloy. “Tuwang-tuwa ako hindi lamang dahil nanalo si Diaz, kundi dahil isa rin ako sa mga napiling magsulat ng napakalaking istorya para sa bansa.”
Nakapaglathala rin si Goloy ng mga artikulo sa Philippines Free Press at Coed Magazine. Nagsilbi rin siyang manunulat para sa Express, isang magasing pampalakasan, noong 1973.
Noong 1984 ginawaran ni Obispo Teodoro Bacani si Goloy ng San Lorenzo Ruiz Award para sa kanyang pagsusulat sa pahayagan ng Sta. Ana, Manila. Tumanggap naman si Goloy noong 2001 ng ikalawang banggit sa Gawad Kalinangan, isang patimpalak ng Rotary Public of Manila para sa kanyang akdang “Maytime Pilgrims.” Sanaysay ito tungkol sa mga deboto ng Antipolo na nailathala rin sa Philippine Star.
“Hindi ko inaasahan ang pagkakahirang sa akin ng iba’t-ibang karangalan,” aniya “Ipinagpatuloy ko lamang ang aking hilig sa pagsulat at marami na ang dumating na biyaya.”
Sa kasalukuyan, umaani siya ng iba’t-ibang papuri mula sa mambabasa dahil sa kanyang mga aklat tulad ng A Housewife in the World of Sports (1997), isang koleksyon ng mga sanaysay; at Adam and Eve and Other Poems (1969), isang koleksyon ng mga tula.
Tanging Ina
Ngunit lingid sa kaalaman ng nakararami, higit pa sa pagiging isang manunulat si Goloy. Isa rin siyang katangi-tanging nanay para sa kanyang mga anak.
Maaga mang pumanaw ang kanyang asawa sa edad na 35, hindi isinuko ni Goloy ang hamon ng buhay. Sa halip, sinikap niyang alagaan at pag-aralin ang apat niyang anak nang nag-iisa gamit ang malikhaing isipan at kahusayan sa paglapat ng mga ideya sa pluma at papel.
“Ang pamilya ko ang aking inspirasyon sa pagsusulat,” aniya. “Kung wala sila sa aking tabi, hindi rin ako magtatagumpay.”
Dahil sa ipinakitang pagmamahal at pagsisikap para sa kaniyang pamilya, nakapagtapos ng kolehiyo ang mga anak niya. Tumutulong naman ang mga anak niya sa paglimbag ng kanyang isinusulat na mga artikulo.
“Nais kong matupad ng mga anak ko ang sarili nilang pangarap. Masaya ako dahil nagbunga ang lahat ng pagsisikap na ginawa ko para sa kanila,” ani Goloy. Rieze Rose T. Calbay at Richard U. Lim